Inday TrendingInday Trending
Hindi Kagwapuhan si Mister at Hindi Rin Ubod ng Yaman Ngunit Hindi Ito Magawang Ipagpalit ng Napakagandang Misis sa Kabila ng mga Panlalait, Bakit Kaya?

Hindi Kagwapuhan si Mister at Hindi Rin Ubod ng Yaman Ngunit Hindi Ito Magawang Ipagpalit ng Napakagandang Misis sa Kabila ng mga Panlalait, Bakit Kaya?

Halos araw araw na lamang pinagchichismisan ng tatlong magkakaibigan ang mag-asawang si Ruben at Angel. Paano ba naman, kung tutuusin si Angel ay saksakan ng ganda habang si Ruben naman ay hindi talaga kagwapuhan.

“Alam niyo ba? Hindi ko alam kung bakit nakakatagal si Angel sa kanyang asawa,” banggit ni Aling Selya sa dalawang kaibigan.

“Oo nga eh. Para kasing walang dating ang relasyon ng dalawa. Hindi sila bagay na mag-asawa,” panlalait naman ni Mila ng makita ang mag-asawang naglalakad sa kabilang kalsada.

“Ayan oh, tingnan niyo. Kung tutuusin ay kaya naman ni Angel na maghanap ng gwapong lalake. Hindi rin naman saksakan ng yaman niyang lalaki!” singit ni Ayla.

Kahit na rinig na rinig ng mag-asawa ang mga panlalait ay mas pinili nilang tumuloy sa kanilang pinaroroonan. Pagkarating nila sa grocery ay doon na nila pinag-usapan ang kanilang mga narinig mula sa kapitbahay.

“Love, sorry ha? Hindi ko alam kung paano pagsasabihan ‘yang mga kapitbahay natin,” sabi ni Angel sa asawa.

“Nako love, hayaan mo ‘yong mga ‘yon. Basta wala tayong ginagawang masama at wala tayong tinatapakan na tao, mananatili tayong masaya sa relasyon natin,” masaya namang sagot ni Ruben kasunod ang paghalik nito sa noo ng asawa.

“Napaka-swerte ko talaga sa’yo, love. Thank you ha?” sabi naman ni Angel sa asawa.

“Kahit ano, basta para sa’yo. Tara na, bilhin na natin yung mga kailangan natin sa bahay,” nakangiting sagot ni Ruben.

Pagkatapos nila mamili ng mga gamit ay umuwi na agad ang dalawa dahil kailangan pang pumasok ni Ruben sa trabaho. Habang naglalakad sila ay napansin nila si Mila na lumabas ng bahay na at may dala-dalang ilang plastik ng basura.

“Love, teka lang ha? Ibababa ko lang muna ‘tong bitbit ko. Mukhang nahihirapan na si Ate Mila sa bitbit niya eh,” biglang sabi ni Ruben habang binababa ang bitbit na pamili. Agad itong lumapit kay Mila para kunin ang buhat na mga basura.

“Ate Mila, mukhang nahihirapan na kayo dyan. Ako na po d’yan pati sa ibang basura,” banggit nito kay Mila.

“Sigurado ka ba? Baka mahirapan ka? Salamat,” sabi naman ni Mila habang inaabot ang plastik ng basura kay Ruben.

Pagkatapos buhatin ni Ruben ang mga basura ay umalis na ito para pumunta sa kanyang asawa. Iniwan naman niyang tulala at gulat si Mila dahil sa kabaitang ipinakita nito.

“Ate Mila, una na po kami. Ingat po kayo,” masayang pamamaalam ni Ruben kay Mila. Agad naman na kumaway si Mila pahiwatig ng pamamaalam niya kay Ruben at Angel.

Pagkauwi nila ng bahay at agad na iniayos ni Ruben ang kanilang mga pinamili at mabilis na gumayak upang umabot sa kanyang trabaho. Habang nagmamaneho ito ay hindi inaasahan na makakasabay niya si Aling Selya na naglalakad sa katirikan ng araw.

“Aling Selya, kayo pala ‘yan. Sakay na ho kayo! Dadaan naman ako sa palengke kung saan kayo nagtitinda ng mga dala niyo,” pag-aaya ni Ruben kay Aling Selya. Tulad ng reaksyon ni Mila ay gulat na gulat rin si Selya sa kabaitan ni Ruben.

“Salamat, Ruben ha,” sagot naman ni Selya habang papasok ng sasakyan.

Pagkarating ng palengke ay bumaba na agad si Selya ng sasakyan dahil nakita niyang nakitingin sa kanila si Ayla.

“Ruben, salamat ulit. Baka himatayin na ako sa init kung hindi ka napadaan,” masayang sabi ni Aling Selya.

“Walang anuman po. Basta sa susunod na makasabay ko ulit kayo, sumabay ulit kayo sa akin ha,” sagot naman ni Ruben.

Agad naman na kinausap ni Ayla si Selya para tanungin kung bakit sila magkasama ni Ruben.

“Selya, bakit hinatid ka ni Ruben dito?” tanong ni Ayla sa kaibigan.

“Dito rin daw kasi ang daan niya papuntang trabaho. Alam mo ba Ayla, mamaya pumunta kayo ni Mila sa bahay. May pag-uusapan tayo,” sabi ni Selya sa kaibigan. Pagkatapos nito ay agad na itong nagtinda ng kanyang mga bilihin.

Alas otso na ng gabi nang magkita-kita sina Mila, Selya at Ayla. Tulad nga ng sabi ni Selya, may kailangan silang pag-usapan.

“Alam niyo ba? Pakiramdam ko’y alam ko na kung bakit hindi maiwan ni Angel ‘yang si Ruben,” banggit ni Mila.

“Ako rin, parang naiintindihan ko na,” singit ni Selya.

“Bakit?” nagtatakang tanong ni Ayla sa dalawa.

“Dahil mabait si Ruben, masipag at may malasakit sa ibang tao. Sa totoo lang ay mahirap nang makakita ng lalaking kagaya niya sa panahon ngayon,” pagmamalaki ni Mila.

“Hindi pala nakikita sa hitsura ang dahilan kung bakit nagtatagal ang relasyon ng mag-asawa,” pahabol ni Selya.

“Kaya pala. Tsaka alam niyo ba, narinig ko lang sa iba. Magaling rin daw pala sa kama,” natatawang sagot ni Ayla.

Matapos magtawanan ng tatlo, napagkasunduan nila na ihinto na ang pakikipagchismisan tuwing sila’y magkikita-kita. Simula noong araw na iyon ay hindi na sila naninira ng ibang tao, dahil sila mismo ang nakapagpatunay na hindi magandang manghusga ng iba base lamang sa mga nakikita nilang panlabas nitong anyo.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement