Manika ni Nanay
Anim na taon na ang nakalipas nang lumipat sa Maynila si Richard mula sa probinsya, doon niya na itinira ang kanyang pamilya. Dalawa kasi sa mga anak niya ay kolehiyo na at sa siyudad nag-aaral, idagdag pang naroon rin naman ang kanyang trabaho. Mataas na ang posisyon niya sa isang opisina sa Makati kaya naman hindi na kailangan pang maghanapbuhay ng kanyang misis.
“Bilhan mo lang ng lugaw para mabilis kainin. Basta siguruhin mong maiinom niya ang gamot,” sabi ni Richard sa telepono isang umaga. Sabay-sabay silang nag aalmusal ng kanyang pamilya nang biglang tumawag si Cecilia, ang personal nurse na kinuha niya upang alagaan ang kanyang inang naiwan sa probinsya.
“What? Cecilia naman, wag ganyan. Ano ba ang gusto mo? Dodoblehin ko ang sahod mo,” aburidong wika niya. Tahimik na nakikinig lang ang kanyang misis. “Hindi naman pwede yan eh. Cecilia- hello? Bwisit naman,” gigil na sabi niya. Binabaan na siya ng telepono.
Si Cecilia na ang pang anim na private nurse na umalis. Walang nakakatagal sa kanyang ina dahil masungit raw ito at ayaw kumain, 85 na kasi ang ginang. 45 years old na ito nang ipagbuntis siya, late nang nag asawa. Ngayon ay nag-uulyanin na ang matanda.
“Is everything okay?” tanong ng kanyang misis, si Judith.
“Si Mama, hindi umiinom ng gamot at itinatapon lang ang lugaw na bigay ni Judith. Bakit kailangang mamerwisyo siya ng ganito?” inis na wika niya, imbes na papasok na siya sa trabaho ay mamomroblema pa muna siya ngayon.
“Gusto mong malaman ang sa tingin kong solusyon?”
Napatingin siya sa asawa, nagtatanong ang mga mata.
“Sa edad ng mama mo, ang tunay na magmamalasakit lang talaga ay kamag anak. Wala naman siyang ibang pwedeng asahan kundi ikaw. Sabi ko nga sa iyo noon, isama natin siya dito. Ayaw mo naman. Kung gusto mo, pwede ko siyang puntahan at alagaan pansamantala, habang naghahanap pa tayo ng kapalit ni Cecilia,” wika ni Judith.
Napabuntong hininga si Richard, mabait talaga ang kanyang misis.
“Hindi na, ako na. Magli-leave ako sa trabaho. Ikaw na muna ang bahala rito sa mga bata,” sabi niya. Wala namang choice eh.
Nakabusangot ang mukha na lumuwas siya sa probinsya. Napaka-laking abala talaga ng matanda, ang dami niyang meeting na ikinancel para rito. Hindi niya pa alam kung gaano katagal siyang mananatili dahil naubos niya na yata lahat ng private nurse sa probinsya nila.
Nang marating niya ang lumang bahay ay dire-diretso siyang pumasok sa loob. Tumutunog pa ang mga sahig na natatapakan niya.
“Ma?” tawag niya.
Puro agiw na ang salas, halatang wala nang naglilinis.
Umakyat siya sa itaas, may natapon pang lugaw sa sahig sa labas ng kwarto nito. Hindi na siya kumatok dahil hindi naman naka-lock.
Inabutan niya ang matanda na nakatanaw sa bintana, nakaupo sa tumba-tumba at bitbit ang isang manikang kalbo.
Bumuntong hininga siya, “Ma naman. Diyos ko naman kayo, ano na naman ang ginawa ninyo kay Cecilia?” bungad niya.
Sinulyapan siya ng matanda, tinitigan mula ulo hanggang paa bago nakaismid na muling tumanaw sa labas, “Sino ka?”
“Ang laking abala ninyo sa akin. Kita nyo, may buhay ako sa Maynila na iniwan para sayo. Di mo man lang naisip yon,” sabi niya, inililigpit ang sapin ng kama dahil parang may mantsa pa ng ihi.
Narinig niyang bumulong ito sa manika, “Baby ko, gutom ka na? Ang nanay ay busog..gusto mo bang kumain baby ko?” nakangiting wika nito.
Umiling-iling naman si Richard, ulyanin na talaga.
Lumipas ang mga araw na wala siyang ibang ginawa kundi sungitan ang ina. Oo at inaasikaso niya ito, pero puro masasakit na salita naman ang naririnig mula sa kanya.
Buti nalang at tila wala naman itong pakialam, sa manika lang lagi nakatuon ang pansin nito. Kadalasan nga ay hindi kumakain ang matanda, at ‘ipinagpaparaya’ nalang sa manika.
“Pasensya kana ha, mahirap ang buhay eh. Pero ayos lang na magutom ako baby ko, basta busog ka. Kasi love na love ka ni nanay,” sabi nito sa manika, pabirong kinurot pa ang tungki ng ilong noon.
“Ma, kumain kana.” napipikon nang sabi ni Richard, nangangalay na kasi ang kamay niyang may hawak ng kutsara upang subuan ito ng lugaw.
“Mamaya, doon ka muna sa kapitbahay. Kay Aling Pacing, mabait iyon. Papasok lang sa pabrika si nanay ha?” kausap ulit nito sa manika.
“Ma!” sigaw niya dahilan upang mapapitlag ang matanda.
“Wag kang maingay ano ba! Baka mabingi ang baby!”
Sa sobrang asar ng lalaki ay bigla niyang hinaltak ang manika, lumabas siya ng kwarto at itinago iyon.
“Ayan! Wala na ang bwisit na manika, kakain kana ba ngayon at nang makapahinga naman ako?! Wala ka nang ibang ginawa kasi kundi perwisyuhin ako eh! Dapat kasi mawala kana lang eh, bakit ang tagal mo ba rito sa mundo?!” matatalas na salitang wika niya.
Nangingilid ang luha ng ale na nakatitig sa kanya, maya-maya ay hinawakan nito ang kanyang kamay, “S-Ser, galit ho ba kayo? Sorry po. Pwede po bang ibalik na ninyo ang baby ko?”
“P*tangina naman!”
Tumayo ang ginang at wala sa sariling naglakad lakad sa kwarto, umiiyak na ito at kinakausap ang sarili.
“Hindi pwedeng mawala ang baby ko. Siya nalang ang kayamanan ko eh, siya ang lakas ko kaya ako nagpapatuloy sa buhay kahit mahirap. Anak ko iyon eh, si Richard ko. Baby ko, Richard..” tawag nito, sumisilip pa sa mga tokador.
Natulala naman si Richard, nabigla sa kanyang narinig.
“Baby ko? Richard ko, hindi iyon mawawala. Hindi ako iiwan noon eh, mahal ako noon! Richard, bumalik kana sa nanay anak..”
Hindi namamalayan ng lalaki na tuloy-tuloy na pala ang daloy ng kanyang luha. Habang ang kanyang ina ay naghahanap pa rin. Naalala niya bigla ang lahat ng sakripisyo ng ale mapagtapos lamang siya ng pag-aaral. Lahat ng trabaho ay pinasok nito, labada, kasambahay, nagma-manicure, nagtrabaho sa pabrika at nagbenta rin ito ng mga meryenda. Naglalako, may maipambaon lamang siya.
Tapos nang maka-graduate siya, makakuha ng magandang trabaho at magkaroon ng sariling pamilya ay inabandona niya na ito. Pinaaalagaan na lamang sa kung sinu-sino. Initsapwera niya ang ina, nang magkaroon na siya ng sariling buhay- kahit kung tutuusin ay utang niya rito ang lahat ng iyon.
Bigla niya itong niyakap, “Mama, sorry. Sorry sa lahat,” bulong niya.
Inasahan niyang kakawala ito sa kanya, pero habang nakapikit siyang umiiyak ay nagulat na lamang siya nang may humaplos sa kanyang pisngi. Natingnan niya ang matanda, nakangiti ito habang nakatitig sa kanya.
“Richard ko, umuwi kana pala..”
Lalo siyang napaiyak, tumangu-tango. “Opo mama, at di na kita iiwan ulit,”
Bumawi si Richard sa lahat ng kanyang pagkukulang. Iniuwi niya ang ina sa Maynila, sila mismo ng misis niya ang nag alaga rito. Kapag weekend naman ay bumabalik sila sa probinsya para makalanghap ng sariwang hangin ang matanda.
Buti na lamang ay natauhan ang lalaki. Laging tandaan na maiksi lang ang buhay, wag tayong mag atubiling iparamdam sa ating mga magulang na mahal natin sila. Hindi habangbuhay ay atin silang kapiling.
Images courtesy of www.google.com