Inday TrendingInday Trending
Mahal Ko Kayong Dalawa

Mahal Ko Kayong Dalawa

Alas dos pa ng hapon ang usapang pagkikita nina Gia at Jake pero ala una palang ay nasa tagpuan na ang babae, ilang beses pa siyang bumuntong hininga. Iba ang kabang kanyang nararamdaman.

Nanlalamig ang kanyang mga kamay. Hindi niya akalain na ganito kahirap, pero kailangang harapin.

Mayroon siyang minamahal, si Paulo. Pitong taon na silang mag-nobyo ng lalaki, kilalang kilala na siya nito. Boses palang niya, alam na ng binata kung malungkot siya o masaya. Naging bestfriend niya muna kasi ito, bago naging sila. Sabay silang gumraduate ng kolehiyo, sabay silang nangarap.

Sa katunayan ay planado na ang lahat. Pati ang kanilang kasal. Tandang-tanda niya pa noong nag-propose ito sa kanya. Parang siyang lumilipad sa alapaap sa sobrang kasiyahan.

Tulala si Gia sa buong paligid, puno ng rose petals ang sahig at may mga christmas lights naman na nakasabit sa mga puno. Dahilan upang maging mas romantic ang ambiance.

Natakpan niya ang kanyang bibig nang makitang isa-isang naglabasan ang mga taong malalapit sa kanya, pati nga magulang niya ay naroon rin. Ilang sandali pa, nakarinig siya ng pag-tipa sa gitara.

I bless the day I found you I want to stay around you And so I beg you, let it be me

Napangiti siya nang marinig ang boses na iyon, hindi siya pwedeng magkamali. Paglingon niya ay naroon si Paulo, sobrang gwapo sa suot nitong polo habang tumutugtog at kumakanta. Nangingilid na ang kanyang mga luha.

Lalo pa nang matapos ang tugtog ay lumuhod ang lalaki at inilabas ang isang kahon na naglalaman ng pagkaganda-gandang singsing.

“Gia, my bestfriend. My happiness, will you be my wife?” umiiyak na wika ng lalaki.

Ayaw niyang humagulgol, pabiro niyang hinampas ang balikat nito. “Oo naman, baliw!”

Nagtawanan ang mga nakapaligid sa kanila, habang silang dalawa ay mahigpit na nagyakap.

Pero hindi naman pala laging masaya ang buhay. May mga pangyayari na hindi inaasahan ang naganap.

Hanggang sa ito nga, dumating si Jake. Officemate niya ang lalaki, tulad niya ay architect rin. Pilit niya mang isinara ang puso na inilaan niya na kay Paulo noon pa man ay pursigido rin si Jake na makapasok. Kaya hindi niya na napigilan, minahal niya rin ito.

“Gia?”

Nagising siya sa pagkakatulala nang mapansing kaharap niya na pala ang binata.

“B-Bakit mo gustong makipagkita?” nag aalangang wika nito. Akala kasi nito ay galit siya dahil tinakbuhan niya ito kagabi matapos siyang halikan at amining iniibig na siya nito.

“Pwede mo ba akong samahan?”

Gulat man ito ay tumango rin, sumakay sila sa kotse ng binata at sinabi rito ang direksyon. Pupuntahan nila si Paulo, ang kanyang kasintahan.

Ipagtatapat niya rito ang lahat at maayos siyang magpapaalam.

Buo ang loob na hinila niya ang kamay ni Jake pababa sa kotse. Ramdam niya ang agam-agam na nararamdaman ng binata. Nilingon niya muna ito.

“Ayos ka lang ba?”

“Gia, alam ko namang mayroon nang may ari ng puso mo. Mali lang ako na manghimasok sa inyo. Kung..kung hindi ka pa-”

Hindi na nito naituloy ang sasabihin dahil naglakad na siya ulit. Nang matanaw niya ang nobyo ay napaluhod si Gia.

“I am sorry babe, nangako akong ikaw lang. At maniwala ka, hanggang ngayon naman ay may lugar ka sa puso ko. Pero si Jake, m-mahal ko na rin siya..” sabi niya, nilingon niya pa si Jake na ngayon ay bakas ang pagkagulat sa mukha.

“Pau, salamat sa lahat babe. Sa pag-aalaga, sa pag ibig mo. Pinalalaya na kita, pinalalaya ko na rin ang sarili ko sa sakit..” nanghihinang wika niya.. hinihimas ang lapida ng nobyo.

Oo.

Pumanaw si Paulo tatlong taon na ang nakalipas dahil sa sakit sa puso. Mula noon, palagi nang malungkot si Gia at halos hindi alam kung paano ipagpapatuloy ang buhay. Akala niya nga ay tatanda na siyang dalaga pero iba pala ang plano ng Diyos. Marahil ay hiniling ni Paulo na magpadala si Lord ng isa pang anghel na mag aalaga sa dalaga rito sa lupa, at iyon nga si Jake.

Niyakap siya ng binata, hinalikan sa noo. Lumuhod rin ito at nagsalita, “Pare, makakaasa kang hindi ko siya pababayaan.” sumpa nito.

Kasunod noon ay nakaramdam sila ng malakas na hangin, napangiti sila pareho dahil tiyak nilang si Paulo iyon.

Ilang taon pa ang nakalipas ay nagpakasal ang dalawa, ngayon ay masaya na sila sa kanilang buhay kasama ang dalawang anak. Ang panganay nila ay pinangalanan nilang Paulo.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement