OFW Sa Loob ng Kahon
Siniguro ni Fernando na maayos ang itsura niya, at ng kanyang dalawang anak bago siya sumakay sa taxi. Ngayon ang araw ng pag uwi ng kanyang misis na si Cathy mula sa ibang bansa.
“Sa airport lang ho manong,” sabi niya. Hindi siya mapakali, tagaktak ang pawis at napakalakas ng kabog ng dibdib.
“Papa, okay lang po ba kayo?” tanong ng anak niyang si Janine, siyam na taong gulang. Ang sumunod rito ay si Jerry na anim na taon naman.
Tango lang ang isinagot niya sa bata, tapos ay pabirong kinurot ang tungki ng ilong nito.
“Ikaw anak, okay ka lang ba?” balik tanong niya kay Janine.
Sa halip na sumagot ay iniiwas ng bata ang paningin, tumanaw ito sa malalaking building na nadadaanan ng kanilang taxi. Itinatago ang pangingilid ng luha.
Mana talaga ito sa ina, bata pa lamang ay matibay na ang loob at ayaw ipinapakitang naiiyak siya.
“Na-miss ko lang po kasi si Mama,” sabi nito, halatang may nakabara sa lalamunan. Tipong kaunting salita na lamang ay hahagulgol na.
“Makikita na natin siya. Kaya nga dapat, maganda ka at pogi naman kami ni Jerry,” sabi niya ulit. Hinalikan sa pisngi ang bunso na nakakandong sa kanya.
Nang makarating sila sa airport ay lalong dumoble ang kabog ng dibdib ni Fernando. Tandang-tanda niya pa, masaya silang naninirahan dito sa Pinas nang kailanganin ng kanyang misis na pumunta sa ibang bansa.
Ayaw niya man, kailangan. Ang tanging nagawa niya ay maghintay rito sa Pinas at magdasal na sana ay makabalik si Cathy, palaging maging ligtas.
Hindi niya rin malilimutan ang mga bilin nito.
“Ma. balik ka agad ha? Hihintayin ka namin,sabi ko naman kasi sayo..ako nalang.” maluha-luha niyang sabi sa airport. Niyakap ang babae sa huling sandali.
“Ano ka ba, mabilis lang ito. Pagbalik ko ay magche-chess na ulit tayo ‘pa. Mag isip isip ka na ng strategy at paniguradong talo ka na naman.” biro nito, natigilan rin nang mapansin na umiiyak siya. “Pa..”
“Nalulungkot lang talaga ako,hindi naman ikaw dapat ang gumagawa nito kasi ako ang padre de pamilya,” sabi ni Fernando. Wala na siyang pakialam kung makita ng ibang tao, sabihan siyang beki o maarte. Lalayo ang misis niya at nasasaktan siya ng sobra.
Bumuntong hininga si Cathy, “Alam mo namang mas mabilis matanggap ang babae kapag domestic helper. Para sa pamilya rin natin ito. Pa ang mga bata ha? Vitamins ni Jerry, si Janine suklayan mo muna ng buhok sa gabi bago matulog. Pampaantok niya iyon. Wag kang masyadong magbabad sa trabaho ha?” bilin nito.
“Mahal kita Cathy,”
“Mahal rin kita Fernan, mahal ko kayo..kaya ninyo yan, hindi naman ako lalayo,” sabi nito. Tumalikod na at pumasok sa loob.
Hindi umalis si Fernando sa kinatatayuan hanggang tuluyang mawala ang misis sa kanyang paningin.
“Sir, ready na po ba kayo?” tanong ng isang guard. Nagising sa pagkakatulala si Fernando, nasa airport na pala sila.
“O-Oho,” sagot niya naman dito. Pumwesto sila ng mga anak kung saan naghihintay ang pamilya ng mga darating mula sa ibang bansa. Alam niyang ilang sandali na lang ay makikita niya si Cathy.
Niyakap niya si Janine at Jerald, “Nandyan na ang mama ninyo,” bulong niya sa mga ito.
Natanaw niya na ang misis, napatayo siya at nagsimulang mangilid ang kanyang mga luha. Miss na miss niya si Cathy. Inakay niya ang mga anak at lumapit rito.
Lahat ng nakapaligid ay bakas ang lungkot at awa sa mukha, dahil hindi tulad ng tipikal na pagsalubong, iba itong sa kanila.
Ang sinundo nila, ang misis niya, ang ina ng kanyang mga anak..nakalagay sa kahon. Wala nang buhay.
Buti na lamang ay nahawakan siya ng isa sa mga pulis dahil halos tumumba si Fernando sa panlalambot ng kanyang mga tuhod nang buksan ang kahon.
“Cathy,” hirap na hirap na daing niya. Nakayakap sa kanya ang dalawang anak na umiiyak na rin.
Isang OFW ang kanyang misis, sa kagustuhang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ay nakipagsapalaran ito. Pero hindi sinuwerte sa amo, nananakit at grabeng hirap ang ipinaranas sa pobreng ginang.
Gutom, puyat at pagod. Dahilan upang magkasakit si Cathy, pagkataas taas ng lagnat pero hindi dinala sa ospital. Ang sabi sa report, kapwa pinoy na kasambahay pa ang nakakitang wala na itong buhay. Anong sakit naman para sa pamilyang naiwan.
Nakasuhan na ang amo, ngunit hindi na noon maibabalik pa ang buhay na nawala. Wala nang asawa si Fernando, wala nang nanay ang mga bata.
“Mahal, paano na kami ng mga bata? Hindi ko alam kung paano ko itutuloy ang buhay,” sabi niya, halos maglupasay sa sahig.
Nang mahimasmasan ay binigyan siya ng maiinom ng mga guard na nag aassist. Dinala sila sa opisina ng airport at doon pinakalma. Tulala si Fernando, naubos na yata lahat ng luha niya.
Bigla nalang siyang nakaramdam ng malamig na hangin sa kanyang batok, hindi niya alam kung guni-guni lang pero sigurado siyang narinig niya ang boses ng misis.
“Mahal kita Fernan, mahal ko kayo..kaya ninyo yan, hindi naman ako lalayo,”
Sana’y magsilbing aral ang kwentong ito para sa ating lahat. Mahalin at pahalagahan ang mga mahal natin sa buhay na OFW, dahil hindi biro ang kanilang sakripisyo. Marami silang bagay na ipinagkait sa sarili para lang mapadalhan tayo ng pera dito sa Pilipinas. Kadalasan ay nalalagay pa sa kapahamakan, pero sumusuong pa rin dahil ganoon nila kamahal ang kanilang pamilya. Saludo po kami sa inyo!
Images courtesy of www.google.com