“Pedro! Nakahanda na ‘yung manok! Balik ka na dito at maghapunan na tayo! sigaw ni Jamella sa kanyang asawa.
“Sige Jam, pabalik na ako! Huling hilera naman na ito!” wika ng lalaki at nagpatulog sa pagtanim ng palay si Pedro.
Masayahing tahanan ang nabuo ni Pedro kasama ang kanyang asawa na si Jamella at dalawa nilang anak na si Junel at Raphael. Nagmamay-ari ng isang maliit na hacienda ang pamilya ni Pedro. Siya, kasama ang tatlo pa niyang magsasaka ang nagpapatubo ng palay sa lupa. Maybahay naman si Jamella at siya na rin ang nagtuturo sa kanilang mga anak. Parehas na nag-aaral sa elementarya sina Junel at Raphael, at nagsisipag silang mabuti para na rin sa kanilang magulang.
Hindi marangya ang buhay ng pamilya ni Pedro. Araw-araw ay nagsasaka siya at ang mga kasamahan niya. Sa initan ay nagbabanat ng buto ang padre de pamilya at sa bahay ay nag-aayos ng mga gastusin at bilihin si Jamella. Nakakaraos ang pamilya sa pang-araw-araw na buhay ngunit hindi rin masasabi na maginhawa ang buhay nila.
Isang araw, may isang lalaki na dumalaw sa kanilang tahanan. Dumating ang lalaki gamit ang isang magandang sasakyan. Nakasuot din ng mamahaling damit ang lalaki. Unang nakapansin sa lalaki ay si Jamella. Nang lumapit ang lalaki kay Jamella, tinanong niya kung ito raw ba ang tahanan ni Pedro Macalintal. Sumang-ayon si Jamella at nagpakilala ang lalaki. Isa siyang abogado na may dalang balita. Si Pedro ay ang magmamana ng kayamanan ng yumaong Nicanor Macalintal, isang masasabing “business tycoon” sa larangan ng paggawa ng tabako at sigarilyo.
Halos bumagsak na sa sahig ang malay ni Jamella noong narinig niya ang balita. Agad niyang tinawag si Pedro mula sa bukid. Nang nakabalik na ang ama, at narinig niya ang balita, bumagsak at napaluhod si Pedro. Mangiyak-ngiyak ang mag-asawa sa balitang ito.
“Pedro! Ibig sabihin ba ay, yayaman na tayo?” nanginginig ang boses ni Jamella habang tinatanong ang asawa.
“Sigurado ‘yan! Si Tito Nick pa naman itong pinag-uusapan natin. Kapag namana natin kahit katiting ng yaman niya, makakapundar tayo ng mas malaking hacienda at bagong bahay!” sagot ni Pedro kay Jamella.
“Teka, ano nga ba ang maiiwan sa amin?” tanong ni asawa sa abogadong bumisita sa kanila.
“Ipinangako ni Nicanor ang mga ari-arian niya, pati na rin ang kanyang pera sa bangko. Sa testamento ni Nicanor ay kung sinong pinakamalapit na kamag-anak niya ang siyang magmamana ng kanyang yaman,” wika ng abogado sa kanila.
Sa pagkakataong ito ay lubos ang saya at tuwa ng mag-asawa. Sa kanilang imahinasyon ay naliligo na sila sa ginto at pilak. May sariling alahas na kwintas si Jamella at may magandang relo na gawa sa ginto si Pedro. Matapos masabi ang balita ay agad nagpa-alam ng abogado at susuriin muna ang mga kailangang papel upang mailipat ang yaman ni Nicanor.
“Pedro, hindi ba dapat ay malungkot ka? Kas tito mo ‘yun?” biglang napa-isip si Jamella.
“Oo, pero hindi ko gaanong kilala itong tito ko. Nagulat na lang ako na ako ang pinakamalapit na kamag-anak niya ngayon. At kung iisipin ko pa, wala siyang anak pala,” sagot ni Pedro.
“‘Di bale, bisitahin natin siya minsan kung nasaan siya nakalibing,” wika ni Jamella sa asawa.
Pagka-uwi ni Junel at Raphael galing eskwelahan ay agad silang sinabihan ni Pedro at Jamella. Lumabas ang pamilya at kumain sila sa mga mamahaling kainan. Pumunta sa mall ang pamilya at bumili sila ng mga bagong damit para sa dalawang bata. Agad nilang binitawan ang tatlo nilang katulong sa pagtatanim. Malaki ang ginastos ng pamilya noong gabing iyon. Tila pamilyang umaapaw ang yaman ang paggastos nila.
Kinabukasan ay nalaman ng mga kapitbahay ni Pedro ang balita na yayaman na sila. Biglang dagsaan ang mga kapitbahay na bumati at nakisimpatya sa kanila. Sa sobrang tuwa ng pamilya ay nag-alok sila na magbigay tulong pinansyal sa kanilang mga kababayan. Noong una ay nahihiya pa mga ito ngunit tinanggap na rin ang alok ng pamilya.
Muling bumalik ang abogado para ihatid ang balita kila Pedro. Umaasa ang pamilya sa magandang balita na hatid ng lalaki. Ngunit, hindi bakas sa mukha ng abogado ang isang magandang balita. Agad sinabi ng lalaki ang masamang balita. Nadiskubre na galing pala sa ilegal ang yaman ni Nicanor. Karamihan sa yaman ni Nicanor ay ilegal na nabili. Baon din sa utang ang kumpanya ni Nicanor. Kaya, ang tanging maibibigay lang ng abogado sa pamilya ay ang mga papel na naglalaman ng utang ni Nicanor.
Dismayado ang inabot ni Pedro at ng kanyang pamilya. Naubos ang pera ng pamilya sa mga ginastos nila nang biglaan. Biglaang bumangga sa kanilang mga dibdib ang mga utang na pangako at mga nagastos nila. Halos ubos na ang naipon nilang pera. Walang nagawa ang ama kung hindi ang umiyak. Napaupo na lang si Jamella sa dulot ng balitang iyon sa kanila.
“Pedro…ano nang gagawin natin?” tanong ni Jamella.
.Hindi ko na alam Jamella, baon na tayo sa utang dahil sa tito ko,” tila mawawalan na ng malay si Pedro.
Matapos malaman ang balita ay umalis na ang abogado mula sa bukid. Maghapon ay nakaupo lang ang mag-asawa, nagsisisi sa kanilang mga desisyon. Pag-uwi ng mga anak ay sinabi na rin ng dalawa ang balita sa mga ito. Walang nagawa ang pamilya kung hindi ang ibenta ang mga nabili nilang damit at kagamitan. Nagdoble-gawa na rin si Pedro sa bukid upang makapagsimula sa pag-iipon. Si Jamella ay tumatanggap na rin ng mga trabahong paglalaba at pananahi.
“Ma, sana po nakapag-ipon po tayo,” sabi ni Junel sa ina.
“Pagbigyan mo na ang iyong ina,” malungkot na sagot ni Jamella sa anak.
“‘Di bale makakaraos din tayo mula rito,” wika ni Pedro sa kanyang pamilya.
Simula noon ay hindi na naglalagas ng pera ang pamilya. Kahit pa may susunod na kayamanan na darating sa kanila, pinapahalagahan na nila ang kung anong mayroon sila. Natuto rin sila na magtipid at hindi mag-aksaya ng kahit anong meron sila. Tutal, aanhin ba nila ang kayamanan kung nariyan naman ang masipag na ama, mapagmahal na ina, at mga anak na natututo nang maigi mula sa karanansan nila.
I-like and i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.