Donyang Kulang-Kulang ang Tawag sa Babaeng Ito, May Kwento Pala sa Likod ng Pananamit ng Dalaga

“Nakita niyo na ba ‘yung bago sa marketing department? Mukhang napakayabang! Ang yabang magdamit at ang weirdo palagi!” sabi ni Sofia habang nasa banyo sila ng kaniyang katrabaho at naghuhugas ng kamay.

“Mas matatawa ka pa kapag narinig mo ‘yung dahilan niya kung bakit daw ganoon ang pormahan niya. Fashion daw! E mukha siyang kinulang na artistang hindi pumasa sa initial interview!” tawa naman ni Monica, isa pang katrabaho ng babae. Pumasok naman ang iba pang babaeng katrabaho at wala na silang ginawa kung ‘di pag-usapan ang pananamit ng bago nilang kasamahan.

Mag-iisang buwan pa lang si Stephanie sa kumpanya ngunit nakilala na kaagad siya sa kaniyang pananamit at kakaibang paraan ng paglalagay ng kolorete sa mukha. Minsan ay sobrang kulay nito at kung minsan naman ay sobrang wala sa lugar na parang palaging may pupuntahang paggawad na seremonya. Nariyang nagsusuot din siya ng kakaibang mga bistida, magarbo, malalaki at mukhang “donyang kulang-kulang” kung siya nga ay tawagin ng iba.

“Stephanie, sabay na tayong kumain,” sabi ni Fred, katrabaho ng babae.

“Naku, Fred, pagtatawanan ka lang nila ‘pag sumama ka sa akin o pwede rin naman kamuhian ako ng ibang mga babae rito at baka isipin nila ay inaagaw ko ang Piolo Pascual ng opisina!” tanggi naman ni Stephanie sa kaniya.

“Parang ang pogi ko naman yata sa pagkakasabi mo, pero wala ka nang magagawa kasi sa’yo na ako sasabay lagi,” sabi ni Fred at naupo ito sa tapat ng kaniyang mesa.

Hanggang sa ilang linggo pa ang lumipas at nang maramdaman ni Fred na kahit papaano ay magkaibigan na sila ni Stephanie ay tinanong na niya ito.

“Kung hindi mo sana mamasamain, pwede ko bang tanungin kung bakit ka ganiyan manamit? Ang ibig kong sabihin ay, kahit ba nasa bahay ka lang ay pak na pak ang hitsura mo?” tanong ni Fred at binago pa nito ang boses niya sa pagiging babae.

Advertisement

“Siguro kating-kati ka nang tanungin ako niyan kaya mo talaga ako nilapitan, ano?!” baling ni Stephanie sa kaniya.

“Hindi naman sa ganoon, ayaw ko lang kasi talaga sa mga taong naaapi. Hindi ka ba nalulungkot na palagi ka na lang nilang pinag-uusapan dito sa opisina? Kasi ako nalulungkot ako na palagi na lang ikaw ang ginagawang katawa-tawa,” pagpapaliwanag ni Fred sa kaniya ngunit malakas na tawa lang ang isinagot ni Stephanie sa katrabaho na para bang mga kontrabida sa palabas.

“Pasensiya ka na, ang tagal ko talagang pinangarap na makatawa nang ganoon kalakas,” pagpipigil ng babae sa kaniyang halakhak.

“Alam mo ba na ang unang hinahanap ko sa trabaho ay ‘yung walang dress code o kung mayroon man ay ‘yung kaunti lang kasi sayang naman ang mga damit ko kapag hindi ko sila nasuot!” sabi ni Stephanie kay Fred habang natatawa pa rin ang babae.

“A, alam ko na, marami kang damit, marami kang pambili ng damit,” pag-aanalisa naman ni Fred sa kaniya habang tumatango-tango pa ito.

“O siya, huwag na nating pag-usapan,” dagdag pang bigla ng lalaki at kinuha ang kaniyang sigarilyo upang yayain ang babaeng tumayo at lumabas.

“Sa tuwing nagsusuot kasi ako ng mga normal na damit ay naalala ko ang nakaraan ko,” tahimik at seryosong siwalat ng babae sa kaniya kaya naman mabilis na bumalik sa pagkakaupo si Fred upang pakinggan ito.

“Anak ako sa pagkadalaga ng nanay ko at nang makahanap siya ng mayamang asawa ay kasama rin ako sa bagong kabanata na ito ng kaniyang buhay. Kaya lang, ang hindi niya alam, habang nagpapakasasa ‘yung asawa niya sa kaniya sa gabi ay sa akin muna ‘yun nagpapakapagod sa umaga,” dagdag pa ni Stephanie at labis itong ikinagulat ni Fred.

Advertisement

“Ewan ko ba, kahit ilang ligo, ilang pagtatakip, ilang patong ng damit ang gawin ko ay ramdam na ramdam ko pa rin ang bigat ng lalaking ‘yun! Pero mukhang may lakas din pala ako kay Bro, sabi ko kuhanin na ‘yung balasubas kong tatay-tatayan kaya ayon, inatake sa puso!”

“Akala ko kapag nawala na siya, magiging maayos na ako pero hindi pala. Sa totoo lang ‘yung takot, ‘yung trauma, ‘yung mga alaala, nandito pa rin sa akin. Pero nakakalimutan ko ‘yun sa tuwing nagsusuot ako ng magagandang damit, sa tuwing maglalagay ng kolorete, pakiramdam ko ibang tao ako. Pakiramdam ko wala akong maruming nakaraan. Kaya hinahayaan ko na lang ang mga tao kung ano man ang itawag nila sa fashion statement ko! Basta masaya ako!” huling pahayag ni Stephanie at tumawa na ulit ito nang malakas. 

Napangiti na lamang si Fred sa kaniya kahit nga awang-awa ang lalaki sa kaniyang narinig pero alam niyang mas kailangan ni Stephanie ng kaibigang matapang at hindi siya kakaawaan. Simula noon ay hindi na isang weirdo ang tingin niya rito kung ‘di isang matapang na babae na hinaharap ang mundo sa sarili niyang paraan at kasama na nga rito ang magarbo nga niyang pananamit.