
Sa Kabila ng Pananampalataya, Tinamaan ng Sakit ang Kanilang Buong Pamilya; Patuloy Kaya Silang Manalig sa Diyos sa Kabila ng Matinding Dagok na Ito?
Bawat araw, abala ang pamilyang ito na magsilbi sa kanilang simbahan kung saan pastor ang kanilang padre de pamilya na si Joe. Kilala sila sa kanilang barangay at sa mga miyembro ng simbahan bilang ehemplo ng pagiging mananampalataya at nagtutulungang pamilya. Masaya sila kahit na hindi sila mayaman dahil natutustusan naman ang lahat ng kanilang pangangailangan sa tulong ng Diyos.
At dahil hindi naman sila perpekto, lahat sila ay nagkakamali. Upang maiwasan ang mahabang hindi pagkakaintindihan sa loob ng pamilya, sinisigurado ni Joe na sama-sama silang kumakain ng almusal at hapunan. Tuwing umaga ay magkakasama silang nag-aaral ng salita ng Diyos at nananalangin. Dito rin sila nagkakaroon ng mga aminan kung sakali man mayroong hindi tama sa kanilang ginagawa. Sa tuwing hapunan naman, dito sila nagkukwento ng mga nangyari sa buong araw na lumipas sa kanilang lahat. Ang mag-asawang Joe at Mary ay magkasamang itinataguyod nang maayos ang kanilang tatlong anak.
Isang araw, bigla na lamang nagkasakit ang ilaw ng tahanan na si Mary. Buong akala nila’y isa lamang itong pangkaraniwang lagnat kung kaya naman inagapan lang nila ito sa gamot at pahinga. Subalit lumipas ang isang linggo na parang mas lumubha pa ang kalagayan ni Mary. Ang masama pa nito, nagkaroon na rin ng sakit si Joe at ang kanilang tatlong anak!
Dito napagpasyahan ni Joe na isugod na sa ospital ang buong pamilya. Patuloy ang kanilang panalangin na maging maayos na sana ang lahat. Subalit ibinalita ng doktor na isang malubhang sakit ang dumapo sa kanilang lahat. Naagapan pa ang tatlo pati na si Joe ngunit sa kasamaang palad, binawian na ng buhay ang kaniyang mahal na asawa.
Hindi ito nais ipabalita ni Joe sa mga miyembro ng simbahan dahil nahihiya siyang makatanggap ng tulong mula sa mga ito. Kung kani-kanino siya lumapit na malalapit na mga kaibigan upang mabayaran ang napakalaking bayarin nila sa ospital. Isa pa, ang pag-aasikaso rin sa kaniyang namayapang asawa. Lugmok na lugmok si Joe at hindi alam ang gagawin. Kung minsan, habang siya’y nananalangin, nakatulala na lamang siya habang patuloy sa pagluha.
Isang linggo matapos ang pagkaka-ospital, lubog pa rin sa bayarin si Joe at hindi na alam ang gagawin. Narinig niya ang kaniyang mga anak na nagtatalo-talo habang nag-aasikaso ng kanilang kakainin. Para bang nawala sa ayos at pagiging payapa ang kanilang buong pamilya. Tumamlay at hindi na nagkakaunawaan ang magkakapatid. Sa halip na pagsabihan, muling nalugmok si Joe at bumalik na lamang sa kaniyang silid. Umupo siya at tiningnan ang larawan ng kaniyang asawa habang patuloy sa pagluha. Nais niyang sisihin ang Diyos at sabihin na naging mabuti naman sila subalit hindi niya iyon magawa. Hanggang sa hindi niya namalayan, nakatulog na siya.
Sa kaniyang panaginip, nasulyapan ni Joe ang kaniyang asawa na nakangiti habang nakatingin ito sa kaniya. Ang pangyayaring iyon ang gumising sa kaniya na para bang payapa ang kaniyang kalooban na masaya na ang kaniyang asawa kung nasaan siya. Kapiling na niya ang Diyos, masaya at wala nang sakit na nararamdaman. Wala na siyang mahihiling pa. Naisip ni Joe ang lahat ng kaniyang pagkakamali. Habang siya’y nananalangin, humingi siya ng tawad sa Diyos dahil naging mapagmataas at madamot siya sa kabutihan ng Diyos. Kung sana lamang ay hinayaan niyang tulungan siya ng mga miyembro ng simbahan, hindi na sana siya nalugmok sa mga bayarin. Kung sana lamang ay una pa lang sa Diyos na siya kumapit, hindi na sana siya nagkaganito. Natutunan ni Joe ang lahat ng ito sa masakit na pamamaraan.
Nang linggo na iyon, umaga pa lamang ay naghanda na ng pagkain si Joe at ginising ang mga anak. Malungkot ang mga mukha ng mga ito subalit nagbitaw siya ng isang biro na tila ba nagpabago ng hangin sa kanilang hapag. Nagsimula ulit sila na mag-aral ng salita ng Diyos at sinabihan ang mga anak na ipagpatuloy ang mabuhay kahit na wala ang kanilang ina.
Sa kanilang simbahan, inihayag ni Joe ang buong pangayayari sa lahat. Habang lumuluha at iniisip kung gaano kabuti pa rin ang Diyos na kanilang pinagsisilbihan. Isang pasasalamat niya at ng kaniyang mga anak na hindi hinayaan ng Diyos na patuloy silang maging mapagmataas at solohin ang mga problema na hindi naman dapat. Marami ang naantig sa kwentong iyon ng kaniyang pamilya. Matapos nito, bumuhos ang tulong kina Joe at sa kaniyang pamilya. Sobra pa ito sa kaniyang mga bayarin. Ngunit higit sa lahat ng mga pagpapala na kaniyang natamo ay ang leksiyon na kahit anong hirap, kahit anong problemang ibato ng mundo sa atin, nasa atin pa rin ang desisyon kung hahayaan ba natin itong sirain ang buhay natin o gagamitin itong sandata upang mas matuto at patuloy na lumaban sa mga pagsubok sa buhay.