Ineengganyo ng Ina na Magpakasal na ang Kaniyang Anak; Ikinagulat Niya nang Malaman ang Dahilan ng Pagtanggi ng Dalaga

Ineengganyo ng Ina na Magpakasal na ang Kaniyang Anak; Ikinagulat Niya nang Malaman ang Dahilan ng Pagtanggi ng Dalaga

FamilyHeartbreakingStories

Bata pa lang si Grace ay namulat na siya sa isang magulong pamilya. Madalas na nag-aaway ang kaniyang mga magulang hanggang sa sila ay nagkakasakitan at tuluyan nang naghiwalay. Nang dahil dito ay naranasan ni Grace na magsalit-salit ng tirahan sa kaniyang mga magulang. 

‘Di nagtagal ay nagkaroon na ng ibang mga kinakasama ang kaniyang mga magulang at nagkaroon sila ng mga sarili nilang pamilya. Kahit na ganoon ay salitan pa rin ng taon ang pagtira ni Grace sa kaniyang mga magulang.

Maayos man ang pagtrato ng mga bagong pamilya at mga anak ng kaniyang mga magulang sa kaniya ay agad siyang bumukod pagtungtong niya ng kolehiyo at tuluyang nagsarili nang siya ay makapagtapos.

Makalipas ang ilang taon ay nagkita si Grace at ang kaniyang ina na si Mercy.

“Grace wala ka pa bang boyfriend hanggang ngayon?” tanong ni Mercy.

“Wala pa po, Ma. Pero okay lang naman po ako,” sagot ni Grace.

“Wala man lang bang nanliligaw sa’yo? Naku! Puro ka ata trabaho. Paano ka magkaka-asawa niyan? Hindi ka na bata kaya dapat ay bilis-bilisan mo na. Gusto mo magset ako ng makaka-date mo?” alok ni Mercy sa kaniyang anak.

“Huwag na po. Mayroon naman pong mga nanliligaw kaso mukhang hindi kami tatagal,” ang sabi ni Grace.

“Paano mo naman nalaman eh mukhang hindi mo nga binibigyan ng chance at sinusubukan,” ang sabi ni Mercy

“Basta Mama, kutob ko po,” tugon ni Grace.

“Grace, ‘wag kang matakot makipagrelasyon. Hindi mo naman agad pakakasalan. Kahit sumubok-subok ka lang muna. Besides kung sakali mang magkamali ka eh pwede ka namang makipaghiwalay,” payo ni Mercy sa anak.

“Kagaya niyo ni Papa?” pagputol ni Grace sa sinasabi ng kaniyang ina.

“Hmmm… Oo. Bakit naman hindi? Eh sa kung hindi na kami masaya sa pagsasama namin noon. Ikaw mismo nasaksihan mo ‘yun, ‘di ba?” depensa ni Mercy.

“Iyon nga po ‘yung iniiwasan ko,” bwelta ni Grace.

“Kahit na ganun ang kinahinatnan namin ng Papa mo, tingnan mo kami ngayon. Hindi ba’t mas sumaya at naging okay kami after namin naghiwalay?” sagot naman ni Mercy.

“Totoo naman po. Kitang-kita ko naman po na parehas na kayong masaya ni Papa ngayon. Kaya lang po, ako ba naisip niyo kung naging masaya ako?” tanong ni Grace.

Hindi nakaimik si Mercy sa kaniyang narinig.

“Kaya nga po ayokong magpadalos-dalos sa pagpili ng lalaki. Kasi kapag naghiwalay ang mag-asawa, ang mga anak ang kawawa,” maikling paliwanag ni Grace.

“Grace, bakit gan’yan kang magsalita? Talaga bang hindi ka naging masaya? Akala ko okay ka lang kapag kasama ka namin noon sa bahay. Tanggap ka naman sa bahay at siguro naman pati kina Papa mo? Welcome ka naman sa mga Tito, Tita, at mga kapatid mo. Welcome ka naman sa mga pamilya namin, ‘di ba?” pag-uusisa ni Mercy.

Biglang nakaramdam ng kurot sa puso si Grace nang marinig ang mga salitang “mga pamilya namin”. Siya ay napabuntong hininga bago makasagot sa kaniyang ina. “Opo, tanggap ako ng mga pamilya niyo pero sorry kasi hindi pa rin sapat. Hindi pa rin ako masaya kasi wala akong maturing na sarili kong pamilya. ‘Yung sa’kin lang talaga. Tingin niyo po bakit ako agad nagsarili pagtungtong ko ng kolehiyo? Tingin niyo ba dahil sa gusto ko lang maging independent? Hindi. Ginawa ko ‘yun kasi feeling ko outcast ako at walang maturing na sariling pamilya ko.”

“Naintindihan ko naman po na parehas kayong nasaktan kaya kinailangan niyong maghiwalay. At noong nakapagmove on kayo ni Papa at naging okay ay naging masaya ako para sa inyong dalawa. Kaya lang nakakalungkot din kasi nakalimutan niyo ako. Nasaktan rin ako nung mga panahong nag-aaway pa kayo. Takot na takot ako sa tuwing naaalala ko. Hindi pa ‘ko nakakamove on. Akala niyo okay lang ako dahil parati akong nakangiti sa mga harapan niyo pero naisip niyo ba kung anong sitwasyon ko pag mag-isa na lang ako?” dagdag pa ni Grace habang nagpipigil ng luha.

“Sorry, anak, naging abala kami sa mga feelings namin. Hindi ka namin inintindi dahil masyado kaming nasaktan at nalimutan ka naman namin nung naging okay na kami,” sambit ni Mercy bago yakapin ang anak.

Mula noon ay sinubukan ng mga magulang ni Grace na damayan siya. Naglaan sila ng oras upang magkasama silang tatlo at maiparamdam nila sa kanilang anak na mayroon pa rin siyang pamilya. Nang dahil dito ay unti-unting naghilom ang mga sugat sa nakaraan ni Grace. Ngunit kahit na ganoon ay mas pinili pa rin niyang hindi makipagrelasyon at mag-asawa na siya namang inunawa ng kaniyang ina.

More Stories