“Mukhang mabenta ang binebentang tapsilog ng kapitbahay niyo, Emely, ha? Kanina pa ako nakamasid dito sa bintana pero hindi siya nauubusan ng mamimili! Ano kayang sikreto niyan nila, ano? Mura ba ang paninda nila? Sobrang sarap kaya?” pang-uusisa ni Helen sa kaniyang kumare, isang gabi nang tumambay siya sa bahay nito.
“Aba, malay ko! Hindi naman ako nabili riyan. Bakit pa ako bibili sa kanila kung magtitinda rin naman ako ng ganyan. Baka sabihin nila ginagaya ko pa ang recipe nila,” sagot ni Emely habang abala sa paghuhuhas ng pinggan dahilan upang labis na magulat ang kaniyang kumare.
“Ano? Magtitinda ka rin ng tapsilog? Kakalabanin mo sila? Iba talaga ang tapang mo!” sigaw nito dahilan upang siya’y mapatawa.
“Oo naman! Bakit naman hindi? Wala namang batas na nagsasabing bawal ka magtinda nang kaparehas sa paninda ng kapitbahay mo,” biro niya dahilan upang sila’y maghagalpakan, “Saka, maraming naghahanap talaga ng tapsilog ngayon, baka ito na ang paraan para makaahon ako sa kahirapan!” dagdag niya pa dahilan upang mapapalpak na lang sa paghanga ang kaniyang kumare.
“Sa bagay! Hayaan mo, susuportahan kita riyan!” tugon pa nito dahilan upang siya’y lalong magkadedikasyon sa pagtitinda.
Simula nang mahiwalay sa asawa, wala nang ginawa ang ginang na si Emely kung hindi ang sumubok ng kung anu-anong negosyo para lang maitaguyod ang kaniyang dalawang anak.
Sumabak na siya sa networking, nagtinda na siya ng mga sabon, pabango, lotion at kung anu-ano pang gamit sa bahay na inaangkat niya pa sa Divisoria ngunit kahit anong sipag at tiyaga niya, palagi pa rin siyang nalulugi o kung minsan pa, nauutangan pa ng kaniyang mga kapitbahay at kaanak.
Sa katunayan, pati nga pagbebenta ng mga pastillas, kakain at balut, nagawa niya na rin pero palagi pa rin siyang nalulugi rito.
Kaya naman, nang mapansin niyang marami ang nahuhumaling ngayon sa tapsilog ng kaniyang kapitbahay, hindi siya nagdalawang-isip na gayahin ito.
Agad siyang nagsimulang maghanda ng makukuhanan ng murang itlog, bigas at karne ng baboy saka siya sumubok na magluto at ito’y pinatikim niya sa kumareng palaging tumatambay sa kaniyang bahay.
Nang masigurado na niyang masarap ang kaniyang ibebentang pagkain, agad na siyang nagtayo ng maliit na kainan sa tapat ng kaniyang bahay. Mas mura rin ang binebenta niyang tapsilog kaysa sa kaniyang kapitbahay dahilan upang noong unang araw niya sa pagtitinda, siya’y dinumog ng mga mamimili dahilan upang ganoon na lang siya matuwa.
Ngunit, wala pang isang linggo, napansin niyang paunti na nang paunti ang mga mamimiling bumibili sa kaniya habang paunti-unti ring muling dumadagsa sa kaniyang kapitbahay ang dati nitong mga mamimili. Dito na siya labis na nalugmok sa kalungkutan. Maraming tanong ang tumatakbo sa isipan niya. Wika niya habang pinagmamasdan ang dami ng tao sa kabilang kainan, “Gusto ko lang namang kumita ng pera katulad nila, bakit palagi pa akong luhaan?”
“Huwag ka kasing gumaya ng paninda. Talagang malaki ang posibilidad na malugi ka. Bakit hindi mo tambalan ang paninda nila? Sigurado, pagkatapos bumili sa kanila, sa’yo didiretso ang mga tao,” sambit ng isang matandang nakain, narinig pala nito ang hinaing niya, dahilan upang siya’y biglang mapaisip.
“Ano nga ba ang katambal ng tapsilog?” tanong niya sa sarili, “Inumin! Tama!” masaya niyang sambit dahilan upang mapangiti ang matandang nakain sa harapan niya.
Doon na siya nagsimulang mag-isip kung anu-anong inumin ang maaari niyang itinda. Sumagi sa isip niya ang sikat ngayong milktea at kape dahilan upang agad siyang maghanap sa internet kung paano ito gawin.
Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na siyang nagtinda kape at milktea at parang isang panaginip ang nangyari dahil palaging ubos ang kaniyang mga paninda, may mga humihirit pa.
Sabi pa ng isa niyang mamimili, “Saktong-sakto ang kape mo sa tapsilog nila! Bakit hindi kayo magtayo ng restawran?” dahilan upang siya’y mapangiti at mapagtantong tama na ngayon ang kaniyang ginagawa.
Simula noon, patuloy na dinagsa ng tao ang paninda ng kaniyang kapitbahay pati na ang kaniyang paninda dahilan upang ganoon na rin siya makaipon para sa kaniyang mga anak.
Ganoon na lang ang pasasalamat niya sa matandang nagbukas sa isip niya na napag-alamanan niyang isa palang palaboy at wala nang pamilya na ngayo’y nasa puder na niya at katuwang na niya sa pagtitinda kasama ang kaniyang kumare.