Inday TrendingInday Trending
Todo Tawad sa Palengke ang Ginang na Ito, Binuksan ng Anak Niya ang Sarado Niyang Pag-iisip

Todo Tawad sa Palengke ang Ginang na Ito, Binuksan ng Anak Niya ang Sarado Niyang Pag-iisip

“Manong, magkano sa bangus?” tanong ni Dianne sa nagtitinda ng isda habang ito’y sinusuri niya, isang umaga nang mapadaan sila sa palengke ng kaniyang anak.

“Dalawang daang piso ang isang kilo, ma’am, hindi na po kayo talo dahil ang laki-laki na po ng bangus na ‘yan, pang isang buong araw na ulam na,” magiliw na tugon ng naturang tindero habang pinapakita ang pagkasariwa nito.

“Isang daang piso na lang, manong, dalawa ang bibilhin ko,” sagot niya saka agad na naglabas ng dalawang daan piso mula sa kaniyang pitaka.

“Naku, hindi po pupwede, ma’am, wala pa po sa puhunan ‘yon,” tanggi nito na ikinainis niya.

“Anong wala pa sa puhunan, eh, parang iladong-ilado na ang paninda mo. Baka nga kahapon pa ‘yan, eh, ayaw niyo pa ibenta ng mura!” sigaw niya rito dahilan upang siya’y pagtinginan ng mga tao rito. Pigil-pigil na siya ng anak niyang hiyang-hiya na sa naaagaw niyang atensyon.

“Kakaangkat ko lang po niyan, ma’am. Kahit magtanong pa po kayo sa ibang nagtitinda ng bangus, mahal po talaga ngayon ‘to, lalo na’t ganito kalaki,” paliwanag pa nito.

“Huwag na ho! Ikayaman niyo sana ang bangus na iyan!” bulyaw niya pa rito habang sinisilid sa kaniyang pitaka ang nilabas na pera, “Halika na, anak, sa restawran na lang tayo mananghalian! Ang papangit ng isda rito!” yaya niya sa anak saka niya ito hinila paalis doon.

Sa tuwing namamalengke, walang araw na hindi nagagawang makipagtalo ng ginang na si Dianne sa mga tindero’t tindera roon. Palagi kasi siyang natawad sa mga bilihin at kung hindi niya makuha ang gusto niyo, lalakasan niya ang boses niya habang nilalait ang mga paninda dahilan upang madalas, ayaw nang sumama sa kaniya ng anak niyang dalaga.

Nahihiya kasi ito sa kaniyang pag-uugali. Talaga naman kasing hindi tama ang pagtawad niya sa mga paninda. Halos kalahati o higit pa ang kaniyang binabawas sa presyo upang makamura lamang dahilan upang tanggihan siya madalas ng mga nagtitinda.

Noong araw na ‘yon, kung hindi lang kailangan ng anak niyang dalaga ang isang damit na gagamitin sa eskwelahan nito, hindi sana ito sasama sa kaniya dahil alam nitong, isang maling sagot lang ng tindero sa kaniya, gagawa na siya ng eksena.

Ngunit dahil nga kailangang-kailangan na, sumama ito sa kaniya at bago sila magpunta sa bilihan ng mga isda, agad na siyang pinaalalahanan nito, “O, mama, kumalma ka lang, ha? Kung tatawad ka, ‘yong tama lang. Kung ayaw pumayag, hayaan mo na lang, ha?”

Pero dahil nga likas na sa kaniya ang ugaling iyon, hindi pa rin siya naawat ng anak.

Pagkatapos niyang maliitin ang paninda ng lalaki, agad niyang hinala sa isang malapit na restawran ang kaniyang anak. Alam niya kasing gutom na ito at pagod na rin kakalakad.

Um-order siya ng dalawang putahe para sa kanilang dalawa, softdrinks at panghimagas na nagkakahalaga ng apat na raang piso.

Ganado siyang kumain habang inaasikaso ang pagkain ng anak. Kinukwentuhan niya ito nang kung anu-ano na para bang wala siyang inis na naramdaman kanina.

Maya maya pa, dumating na ang waiter at binigay sa kaniya ang kanilang bill. Binigyan niya ito ng limang daang pisong buo at nang ibibigay na ng naturang waiter ang kaniyang sukli, maarte niyang wika, “Keep the change, hijo,” saka siya bahagyang kumindat.

Pagkaalis ng waiter, ikinagulat niya ang sinabi ng kaniyang anak.

“Mama, bakit gano’n, ‘no? May mga taong todo kung tumawad sa palengke pero kapag nasa restawran na, parang namimigay lang ng pera. Kapag nasa palengke, akala mo lagi nakikipag-away, pero kapag nasa ganitong klaseng restawran, akala mo kung sinong sosyal,” sambit nito habang kinakain ang panghimagas na binili niya.

“Ah, eh, ano kasi anak…” hindi niya alam ang isasagot sa anak dahil sa labis na pagkabigla.

“Sana huwag ka na maging katulad nila, mama, kasi ‘yong mga maliliit na negosiyante ang may kailangan ng dagdag bayad mo, hindi ang mga establisyementong katulad nito na kumikita ng libu-libo araw-araw,” wika pa nito dahilan upang labis siyang mapahiya at mapaisip.

Doon niya napagtantong tama ang anak niya. Ang pera sanang binibigay niya ng libre sa mayayamang restawran, mas kailangan ng mga nagtitinda sa palengke.

Kaya naman, simula noon, tapat na siyang nagbabayad sa mga nagtitinda sa palengke. Nakatutulong na siya sa mga ito, kalmado pa siyang nakakauwi sa kanilang bahay at ganadong paghandaan ng pagkain ang kaniyang anak.

Advertisement