Inday TrendingInday Trending
Pinabago ng Asawa ng Ginang na Ito ang Kaniyang Pananamit, Ano Kayang Dahilan Nito?

Pinabago ng Asawa ng Ginang na Ito ang Kaniyang Pananamit, Ano Kayang Dahilan Nito?

“Ano ba ‘yang suot mo, Luna? Sa bar ang punta mo? Mamamalengke lang tayo, todo paganda ka! Nakamaikling short ka pa! May kikitain ka ba roon, ha?” galit na sigaw ni Julio nang makita ang ayos ng asawa, isang umaga habang hinahanda niya ang motorsiklong kanilang gagamitin.

“Ano bang pinagsasasabi mo, ha? Alam mo namang ganito talaga ako magdamit. Mainit sa Pilipinas, Julio, baka nakakalimutan mo,” sagot ni Luna rito habang hinihiklat pababa ang suot niyang shorts na hindi naman ganoon kaiklian upang huwag lang umalma ang asawa.

“Kahit na! Magpalit ka ng pantalon at T-shirt doon! Tanggalin mo rin ‘yang make-up mo! Kaya tayo pinagtitinginan lagi, eh, dahil sa pustura mo!” bulyaw pa nito sa kaniya saka siya dinuro-duro.

“Ano bang masama sa make-up ko, ha? Naglagay lang naman ako ng kaunting pang-kilay at lipstick, ni wala nga akong foundation, eh!” paliwanag niya rito saka tiningnan sa salamin ng kanilang motorsiklo ang sariling repleksyon.

“Hindi ka pa susunod? Iiwan kita rito! Dalian mo na! Anong oras na wala pa tayong pagkain, puro kaartehan ang inuuna mo!” bulyaw pa nito sa kaniya dahilan upang siya’y matarantang pumasok muli sa kanilang bahay at magpalit ng damit ayon sa gusto nito.

Ilang buwan pa lang ang nakalipas simula nang maikasal ang dalagang si Luna sa lalaking kaniyang pinapangarap noon.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya noong siya’y ikasal dito. Pakiwari niya, siya na ang pinakamagandang dilag sa buong mundo dahil naagaw niya ang atensyon at puso ng lalaking gwapo na, mala-Machete pa ang katawan. Ngunit, nitong mga nakaraang araw, ang dating lalaking humaling na humaling sa ganda ng ayos niya, naging isang lalaking palaging nagagalit kapag siya’y nag-aayos.

Palagi na siya nitong pinagbabawalang magsuot ng sexy na damit, mapashorts man o damit pangtaas, basta’t ayaw nito, agad siya nitong pagpapapalitin ng damit. Pati nga kaniyang make-up, pinapatanggal na nito dahilan upang labis siyang magtaka at mainis na rin nang bahagya.

Rason naman nito sa tuwing kakalma na, “Ayoko lang na mababastos ka, baka makatapos lang ako ng buhay,” na labis naman niyang ikinakikilig dahilan upang lagi niya na itong sundin.

At dahil nga alam niyang nagagakit ito sa tuwing nagsusuot siya ng sexy na damit, binago niya ang kaniyang pananamit.

Palagi na siya ngayong nakasuot ng pantalon o jogging pants bilang panbaba at mahahabang manggas na T-shirt bilang pantaas. Ni hindi na rin siya naglalagay ng make-up para lang huwag silang mag-away dalawa.

Laking tuwa niya naman dahil nang gawin niya ito, dumalang na ang kanilang pag-aaway dalawa hanggang siya’y magdalantao na.

Ngunit, sa kalagitnaan ng kaniyang pagbubuntis, may kakaiba siyang napansin sa asawa niyang ito. Madalas na itong hindi tumatabi sa kaniya pagtulog at kung minsan pa, sa opisina na ito natutulog na labis siyang ikinapagtaka.

Sa tuwing uusisain niya naman ito, palagi nitong dahilan, “Hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako dahil sa pagod sa trabaho,” dahilan upang intindihin niya na lamang ito.

Ilang buwan pa ang nakalipas, tuluyan na siyang nagbigay buhay sa isang malusog na sanggol. Dito na siya tuluyang hindi nakapag-ayos sa sarili dahil sa hirap sa pag-aalaga ng anak.

Malimit niya na ring nakakalimutang maligo dahil kapag tulog ang kanilang anak, doon lamang siya nakakakilos at nakakabawi rin ng tulog. Buong akala niya’y ayos lang ito sa kaniyang asawa dahilan upang hindi na niya bigyang pansin ang sariling itsura.

Kaya lang, isang umaga, habang pinapainitan niya sa parke ang kaniyang anak, nakita niyang may kasamang mag-almusal ang kaniyang asawa. Balingkinitan ang katawan nito, nakasuot ng hapit na damit at puno ng make-up ang mukha katulad ng istura niya noong nililigawan pa lang siya nito.

“Imposibleng si Julio ‘yan, panigurado nasa opisina na ‘yon ngayon,” pangungumbinsi niya sa sarili habang naglalakad patungo sa asawang masayang kumakain sa parke kasama ang isang dalaga.

Maya maya, bigla siyang napansin nito at agad na pumiglas sa pagkakahawak sa kamay ng naturang dalaga.

“Akala ko namamalik-mata lang ako,” sambit niya, “Siya ba ang dahilan para gawin mo akong mukhang losyang?” dagdag niya pa dahilan upang agad itong magpaliwanag.

Ngunit dahil nga napuno na siya ng galit, nilayasan niya ito kasama ng kaniyang anak. Binalik niya ang dating pananamit at doon nagsimula muli.

“Hindi ko kailangan ng lalaking babaguhin ako tapos ipagpapalit ako,” sambit niya sa sarili, isang araw nang magdesisyon siyang maghanap ng trabaho upang may maipangtustos sa anak.

Advertisement