Inday TrendingInday Trending
Palagi Silang Natatakbuhan sa Tuwing may Nangangailangan; Paano kung ay Sila Naman ang Mangailangan?

Palagi Silang Natatakbuhan sa Tuwing may Nangangailangan; Paano kung ay Sila Naman ang Mangailangan?

“Aling Felisa, maraming salamat po talaga rito, ha? Kung hindi po dahil sa inyo, hindi ko talaga mailalabas ang baby ko. Hayaan po ninyo, kapag nakaluwag-luwag na kami ng mister ko’y mabilis kong ibabalik po ang hiniram namin sa inyo,” nakangiting anang kapitbahay ni Aling Felisa na si Marry Ann. Kapapanganak lamang kasi nito at naging biglaan iyon dahil mas maagang lumabas ang bata kaysa sa inaasahan kaya naman hindi pa sapat ang ipon nito at ng asawa para sa kaniyang panganganak. Dahil doon ay muntik na nilang hindi maiuwi ang kanilang bagong silang na sanggol kundi nga lamang nila naisipang agad na lumapit sa kapitbahay nilang si Aling Felisa na kilalang takbuhan ng mga nangangailangan sa kanilang lugar.

“Naku, huwag mo nang masiyadong intindihin iyon, Marry Ann. Ang mahalaga sa ngayon ay ang kapakanan ng anak mo. Ipagpasalamat na lamang natin sa Diyos na kahit napaaga’y naging malusog naman ang paglabas ng anak mo,” saad naman ni Aling Felisa nang nakangiti.

“Napakabuti po talaga ninyo, Aling Felisa. Sana’y pagpalain pa kayong lalo ng Panginoon.” Iyon ang huling mga salitang binitiwan ni Marry Ann bago ito nagpaalam na uuwi na. Dumaan lamang talaga ito sa bahay nina Aling Felisa upang magpasalamat sa pagtulong nito sa kaniya.

Sa totoo lang ay hindi lang ito ang unang beses na natulungan siya ng kapitbahay sa kanilang pangangailangan. Sa katunayan niyan ay ito rin ang nagbigay ng trabaho sa kaniyang mister na talaga namang malaki ang naitulong sa pamumuhay nilang mag-asawa. Bukod doon, hindi lang siya kundi marami pa sa kanilang mga kabarangay ang napamalasan na nito ng tulong. Ganoon ito kabuting tao, bagama’t iisa lang ang naging biyayang anak nito, pagkatapos ay may kapansanan pa.

Nagtatrabaho bilang isang OFW ang asawa nito kaya naman minsan lamang kung umuwi. Dahil doon ay si Aling Felisa at ang anak nitong may kapansanan sa kaisipan lamang ang palaging magkasama sa kanilang tahanan.

Lingid sa kaalaman ng lahat, kahit gaano pala kabuti si Aling Felisa ay hindi pa rin maiiwasang mapagdiskitahan ito ng masasamang loob… matagal na palang pinagpaplanuhan ng isang grupo ng mga kawatan ang bahay ng mabuting ale at isang gabi nga ay nagpasiya silang isakatuparan ang kanilang masamang binabalak…

Maingat at tahimik na pinasok ng mga kawatan ang bahay ni Aling Felisa, sa kalagitnaan ng hating gabi. Siniguro muna nilang wala nang taong makakakita upang hindi magkagipitan. Samantala, nasa kasarapan naman na ng pagkakatulog si Aling Felisa kaya naman wala na siyang kaalam-alam pa sa mga nangyayari…

Mabuti na lang at nang gabing iyon ay hindi makatulog sa pagkabalisa ang isa sa kapitbahay nina Aling Felisa. Si Erik. Nakatira ito sa tapat mismo ng bahay ng mabait na ale kaya naman pagdungaw nito sa bintana para sana humithit lamang ng sigarilyo ay agad niyang nakita ang mga nangyayaring hindi maganda sa loob ng bahay ng ale.

Ginising ni Erik ang mga kasama niya sa bahay na pawang mga kalalakihan din. Lima silang nagplanong tulungan sina Aling Felisa, kasunod ng pagtawag nila ng pulis. Naging maagap ang lima at agad na tinambangan, dala ang kanilang mga pamalong tubo, kustilyo’t kung anu-ano pang kagamitang maaari nilang gamiting panlaban sa mga kawatan! Tinambangan nila ang mga ito at pinigilang makatakas, bago sila nambulabog ng iba pang kapitbahay upang tulungan silang saklolohan!

Kinuyog ng mga tao ang mga kawatan. Dahil doon ay nagising si Aling Felisa at gulat na gulat nang malamang pinasok na pala sila ng mga kawatan! Labis ang sayang kaniyang nadarama nang malamang tinulungan sila ng kanilang mga kapitbahay kahit pa hindi naman niya iyon hiningi sa mga ito! Naantig ang kaniyang puso, dahil ito pala ang kapalit ng taos-puso niyang pagtulong sa kapwa!

Dumating ang pulisya at agad na hinuli ang mga kawatan. Walang ni isa sa mga ito ang nakatakas kaya naman wala rin silang gamit na nakulimbat mula sa tahanan nina Aling Felisa. Malaki ang pasasalamat ni Aling Felisa sa mga kapitbahay na siyang tumulong sa kaniya at sinabi niyang handa pa siyang magbigay ng pabuya sa mga ito, dahil sa ginawang kabutihan sa kaniya, ngunit tumanggi sila.

“Sapat na ho ang pagiging mabuti n’yo sa aming lahat na kabarangay n’yo rito. Maraming salamat po, Aling Felisa!” anang mga ito na halos magpaluha sa nasisiyahang ginang.

Advertisement