Isang Kasalanan ang Ginawa ng Binata upang Magkapera; Pera din ang Magiging Dahilan ng Kaniyang Karma!
Kunot na kunot ang noo ni Anton nang siyaʼy lumabas sa bar kung saan siya tumambay kanina at nagpakalango sa alak. Inis na inis siya dahil natalo siya sa sugalan kanina kaya naman naubos agad ang sampung libong kinita lamang niya kahapon.
Ni hindi man lang tumagal ang sampung libong pisong nadilihensya niya. “Sana hindi na lang ako nakipagpustahan!” may halong pagsisising aniya na ang tinutukoy ay ang pustahan nilang magbabarkada sa isang online computer game.
Sa inis ay hindi na siya nakapagpaalam pa sa mga kaibigan niyang kasama niya sa bar kanina, na paniguradong nagpapakasasa na ngayon sa perang pinaghirapan niya.
Kailangan niya tuloy maglakad mula rito hanggang sa tinutuluyan niyang appartment, dahil wala na talaga siyang kapera-pera. Sinimulan niyang ihakbang ang kaniyang mga paa, ngunit laking pagtataka niya dahil parang kay bibigat ng kaniyang mga hakbang.
“Magnanakaw ka!” Napalingon siya nang makarinig ng sigaw mula sa kung saan.
“Isa kang magnanakaw! Magnanakaw!” ulit pa ng tinig kaya naman nagpalinga-linga na sa paligid si Anton, ngunit talagang hindi niya makita kung saan nanggagaling ang mga hiyaw.
Biglang bumalik sa kaniyang mga ala-ala ang senaryo kahapon, matapos niyang mang-i-snatch ng bag ng isang ale kahapon…
Hapon na noon at naglalakad-lakad si Anton sa tapat ng isang establisyimento. Nagbabantay siya sa mga taong katatapos lamang noong mag-withdraw sa mga ATM na naroon. Balak niya kasing mandukot dahil wala na naman siyang pera ngayon. Nag-aaya pa naman ng pustahan ang kaniyang mga kabarkada at madalas na kalaro sa kinaaadikang online computer game na sikat na sikat ngayon sa mga katulad niyang kabataan.
Isang ale ang katatapos lamang magsilid ng pera sa kaniyang bag ang mabilis na natiyempuhan ni Anton. Akma na itong sasakay sa jeep nang bigla niyang hablutin ang hawak nitong bag, ngunit nakipag-agawan pa ito sa kaniya.
Dahil doon ay walang ibang pagpipilian si Anton kundi ang itulak ang babae. Dala ng kaniyang sobrang kagipitan ay itinulak niya nga ito, dahilan upang mabuwal ito sa kinatatayuan at eksaktong madapa sa daan. Siyang daan naman noon ng isang kotse, kaya nabangga ito!
Nagulat si Anton noon dahil hindi niya akalaing ganoon ang sasapitin ng kaniyang biktima. Bahagya siyang nakonsensya sa kaniyang ginawa, ngunit nang makita na ang perang laman ng bag ng ale ay agad na nawala ang kaniyang mga agam-agam sa isip.
Ngunit bakit ngayon ay naririnig niya ang tinig ng babaeng biniktima niya kahapon? Hindi siya naniniwala sa mga multo, ngunit parang gusto niyang isiping minumulto nga siya ng babae.
Tinakpan ni Anton ang kaniyang tainga. Naririndi siya sa naririnig na mga hiyaw at pagtawag sa kaniya nito ng magnanakaw!
Hindi malaman ni Anton ang kaniyang gagawin nang mga sandaling iyon… lalo na nang biglang lumabas bigla mula sa kawalan ang isang nilalang na nababalutan ng maitim na usok.
“Handa ka na bang sumama sa akin, Anton?” tanong nito sa kaniya.
Nagtaka ang binata ngunit nginisian lamang siya ng nilalang na may malalaki at malalagong na boses, at saka itinuro ang bar na kaniyang pinanggalingan.
“Hindi mo ba alam na ang katawan mo ay pinagkakaguluhan na sa loob ng lugar na ʼyan? Dahil sa iyong kasakiman sa pera, matapos mong ipatalo sa sugal ang dinukot mo ay nakipag-away ka sa mga kaibigan mo upang mabawi ito. Ngunit dahil doon ay binawian ka ng buhay. Ngayon, oras na para maningil sa kasalanan mo at narito ako upang sunduin kaʼt dalhin ka sa nagbabagang ilalim ng lupa,” sabi pang muli ng nilalang pagkatapos ay humalakhak ito nang malakas!
Hindi akalain ni Anton na makakarma siya nang ganoon katindi. Halos hindi siya makapaniwala, ngunit naaalala niya nang malinaw ang sinasabi nito sa kaniya.
Tinangka niyang agawin muli mula sa kaniyang mga kabarkada ang perang kaniyang ipinusta, ngunit mabilis na nakapalag ang mga ito. Nagkagulo ang mga tao sa paligid ng naturang bar. Dahil sa pagtulak ng isa sa mga kabarkada niya sa kaniya ay tumama ang kaniyang ulo sa kanto ng isang mesa at iyon ang tuluyang bumawi sa kaniyang buhay.
Hindi nagtamo ng malalang pinsala ang babaeng biniktima ni Anton kahapon at mabilis itong naka-recover. Samantalang si Anton ay nakarma nang matindi at ngayon ay huli na upang pagsisishan niya pa ang kaniyang mga kasalanan dahil isa na lamang siyang multo!