Walang Habas na Tinanggalan ng Pulis na Ito ang Mag-ina ng Pagkakataong Magpasko Kasama ang Kanilang Pamilya!
Maingay na naman sa palengke nang araw na iyon. Sa totoo lang ay halos dumoble ang dami ng tao dahil sa kapaskuhan. Noche Buena na mamaya at dahil doon ay naghahapit na naman ang mag-inang Karen at Nilo sa pagtitinda ng mga prutas na kakaunti na lamang naman at malapit nang maubos. Siguradong matutuwa ang bunsong anak ni Karen, maging ang mister niyang noon ay kagagaling lamang sa isang aksidente sa daan kaya hindi ito nakasama sa kanila ng anak sa pagtitinda. Mayroon na siyang naipong pambili ng pamasko ng mga bata, ganoon din ang handa nila para sa noche buena mamaya, kaya naman malawak ang pagkakangiti noon ng mag-ina, hanggang sa biglang dumating ang isang pulis…
“Mukhang maganda-ganda ang bentahan natin ngayon, a,” sita nito sa hanay ng mga tinderang kinabibilangan nina Karen at Nilo. Sinalubong sila ngmatapang na amoy ng alak na nagmumula mismo sa pulis.
“Alam n’yo na siguro kung bakit nandito ako.” Pumuwesto pa ang pulis upang mas bumuyangyang sa kanilang harapan ang armas na nakasukbit sa tagiliran nito. “Ibigay n’yo na sa akin ang nararapat at wala tayong magiging problema,” dagdag pa nito bago ngumisi nang pagkalaki na para bang nakaloloko.
“Sir, baka naman ho p’wedeng ibigay n’yo na sa amin itong araw na ’to. Pasko naman ho, e,” lakas loob na sumabat si Karen sa naturang alagad ng batas. Mabilis naman siyang sinamaan ng tingin nito at agad na pinagbalingan ng atensyon.
“Anong Pasko? Walang pasko-pasko sa akin! Kung wala kayong ibibigay na lagay, dadamputin ko kayo’t ikukulong!” sigaw pa ng pulis na ngayon ay halata ring nasa impluwensya ng alak.
Minabuti na lamang nilang magbigay sa pulis, kahit pa alam naman nilang wala silang ginagawang kasalanan. Mas maigi na iyon para walang gulo lalo’t pasko ngayon at baka sila’y magkaproblema pa. Ayaw na sanang sumagot pa nina Karen at Nilo, ngunit matapos nilang iabot ang ‘lagay’ na hinihingi nito’y tinadyakan pa nito ang kanilang paninda! Tumaob tuloy ang mga prutas dahilan para ang karamihan sa mga ito’y magkanda sira’t mapiyaot! Hindi na iyon mapapakinabangan pa.
Dahil doon ay tila nag-init ang ulo ng binatang anak ni Karen na si Nilo. Hindi ito nakapagpigil kaya nasagot nito ang pulis. “Kinuhanan mo na nga kami ng pera, kahit wala naman kaming violation, sinira mo pa ang mga paninda namin! Ikaw na dapat na siyang nagpoprotekta sa amin, ang siya pang pinakaunang nang-aapi!” galit na sigaw ni Nilo sa lalaki.
“Ano’ng sabi mo?!” Halos mag-usok naman ang iloing ng masamang pulis.
Sa tagpong iyon ay sapilitan na nitong isinama ang mag-ina at dinala sa presinto kahit na wala naman silang kasalanan!
“Pakawalan n’yo na po kami! Wala kaming ginagawang masama! Huwag n’yo namang ipagkait sa amin na makasama ang pamilya namin ngayong Pasko!” humihiyaw na iyak ni Karen noon sa mga pulis na kabaro ng humuli sa kanila, ngunit tila ba bingi ang mga ito.
Ang buong akala ng mag-ina ay wala nang pag-asa pang makauwi sila, lalo’t alas dose na ng hating gabi noon at ganap na ang kapaskuhan, ngunit biglang dumating ang kanilang pag-asa…
“M-mayor! Good evening po at Merry Christmas!” Biglang sumaludo ang isang pulis sa mayor ng kanilang bayan nang bigla itong dumating sa kanilang himpilan.
“Anong good evening? Nasaan ang mag-inang tindera na hinuli ng kabaro n’yong pulpol kanina sa palengke? Palabasin n’yo sila, ngayon na!” galit na hiyaw ng mayor na narinig noon ng mag-ina kaya naman nabuhayan sila ng pag-asa.
Nang sulyapan nila ito’y naroon pala sa likuran nito ang mga kasamahan nilang tindera din sa palengke, maging ang asawa’t isa pang anak ni Karen. Nalaman nilang ang mga ito pala ang gumawa ng paraan upang makalabas sila ni Nilo sa rehas na nagpahiwalay sa kanila sa pamilya ngayong kapaskuhan.
“Maraming-maraming salamat po, mayor! Kung hindi po siguro kayo dumating ngayong pasko’y malamang na hindi na talaga kami makakapag-celebrate ng pasko kasama ang aming pamilya.”
Malaki ang naging pasasalamat nina Karen at Nilo sa pinuno ng kanilang bayan. Matapos iyon ay nabalitaan nilang sinibak sa puwesto nila ang mga pulpol na pulis na humuli sa kanilang mag-ina. Bukod doon ay pinatawan din ito ng patong-patong na kaso na siguradong hinding-hindi nila malulusutan.
Samantala, binigyan pa sila ng mayor ng mga groceries na maaari nilang gamitin upang makabawi sila ng selebrasyon sa darating namang bisperas ng bagong taon.