Inday TrendingInday Trending
Labag sa Loob ng Misis ang Ginawang Pagtulong ng Kaniyang Asawa sa Kapitbahay Nilang Naghihirap; Sa Paglipas ng Panahon ay Mapagtatanto Niyang Tama pala ang Ginawa Nito

Labag sa Loob ng Misis ang Ginawang Pagtulong ng Kaniyang Asawa sa Kapitbahay Nilang Naghihirap; Sa Paglipas ng Panahon ay Mapagtatanto Niyang Tama pala ang Ginawa Nito

“Ano, nagpaluwal ka na naman diyan sa mga kapitbahay natin? E, hindi ba’t may utang pa sa atin ang mga ’yan? Ang tagal-tagal na n’on at hindi pa sila nakakabayad, pagkatapos, pinautang mo na naman?”

“Mahal, ano ka ba? Alam mo namang naghihirap ang mga ’yon dahil nasa ospital ang tatay nila. Wala silang ibang aasahan ngayon. May maitutulong naman ako, bakit hindi ako magbigay?”

Dinig na dinig ni Jenica ang pagtatalong iyon ng kaniyang mga magulang tungkol na naman sa pagiging sobrang bait ng kaniyang ama na laging ikinaiinis ng kaniyang ina. Hindi naman dahil sa pagdadamot kundi dahil sa madalas nang pang-aabuso ng ibang tao sa pagiging sobrang bait ng kaniyang ama. Palagi na lamang itong naloloko kaya naman madalas ay kinokontra ito ng kaniyang ina upang maiwasan ang mga ganoong pangyayari sa kanila.

“Paano kung isang araw, tayo naman ang mangailangan? Hindi ba ninyo hihilinging sana ay may tumulong din sa atin?” dagdag pa ni Mang Densyo katulad pa rin ng palagi nitong paalala sa kaniyang pamilya na sa tuwina ay siya namang nagpapatahimik sa asawa nitong si Elsa.

Napasabunot si Aling Elsa sa kaniyang sariling buhok. Naiinis siya sa kaniyang asawa ngunit hindi niya maitatangging may punto ang katuwiran nito. Bumuntong hininga muna siya bago sumagot. “Hay naku! Bahala ka nga!”

Hindi na niya alam kung paano ipaliliwanag sa mister na maghinay-hinay naman ito sa palagi nitong pagbibigay. Palagi na lang siyang nagmumukhang kontrabida sa tuwing kokontrahin niya ito kahit na ang totoo ay ayaw lamang naman talaga niya na maabuso ito katulad ng palagi na lamang nangyayari sa kanila.

Lumipas ang mga taon at nanatiling ganoon kabait ang kaniyang mister na kalaunan pa nga ay nakilala sa kanilang lugar dahil sa pagiging mabuti nitong kapitbahay o kabarangay. Siya kasi ang madalas na maging takbuhan ng mga nangangailangan sa kanila dahil hindi ito nagdadalawang-isip na magbigay at tumulong sa kapwa. Hindi naman sila mayaman ngunit dahil sa sipag ni Mang Densyo ay madalas namang sumobra sa kanila ang kinikita nito. Iyon nga lang, wala silang naiipon dahil sa pagtulong nito nang palagian na kinasanayan na lamang din naman ni Aling Elsa. Namana rin kasi ng kanilang nag-iisang anak ang ganoong pag-uugali ng ama nito at ayaw naman ni Aling Elsa na isipin ng batang hindi tama ang ginagawa ng kaniyang ama, gayong ang totoo ay talaga namang maganda ang gawain nitong iyon. Isa pa, nariyan naman siya upang gabayan sila.

Isang araw ay nagulantang ang lahat sa balitang isinugod daw sa ospital si Mang Densyo nang atakihin ito sa puso pagkatapos nitong mapasama sa mga natanggal sa kaniyang pinagtatrabahuhang kompanya dahil lamang sa ito ay may edad na. Samantalang ilang taon itong naging isa sa pinakamasipag at matapat na empleyado ng naturang kompanya sa loob ng ilang dekada!

Walang-wala ang pamilya nina Aling Elsa at Mang Densyo noon kaya naman hindi na alam ng ginang kung ano ang kaniyang gagawin. Ni wala silang pambayad sa lumalaking bill nila sa ospital. Hindi rin naman siya makapag-asikaso dahil hindi niya maiwan ang asawa nang mag-isa sa ospital.

Nasa ganoon silang sitwasyon nang magulat sila sa biglang pagdalaw isa-isa ng kanilang mga kabarangay upang mag-abot ng tulong pinansyal para makabawi sa lahat ng mabubuting ipinakita sa kanila ni Mang Densyo noong sila ang nangangailangan. Bukod doon ay nagprisinta rin ang mga ito na magsalit-salitan sa pagbabantay sa kaniyang mister upang makapag-asikaso si Aling Elsa ng mga dokumentong makatutulong sa kanila upang matustusan nila ang natitirang bayarin sa ospital.

Dahil doon, hindi nagtagal ay talagang mabilis na naka-recover ang kaniyang mister sa naging sakit nito. Bukod dito, sunod-sunod na suwerte rin ang himalang dumapo sa kanilang pamilya at kabilang na roon ang pagkakaroon ng magandang oportunidad para sa kaniyang anak. Nanalo rin sila sa kasong isinampa nila laban sa kompanyang dating pinagtatrabahuhan ng kaniyang asawa dahil sa ilegal na ginawang pagtatanggal nila sa kaniya nang walang kaakibat na pagtupad sa benepisyong nakasaad naman sa kanilang kontrata.

Nagkaroon sila ng pang-umpisa ng negosyo na agad namang lumago dahil sa pagtangkilik ng kanilang mga kabarangay na mas naging malapit din sa kanila matapos nilang ibalik ang kabutihang loob ni Mang Densyo sa pamilya nito. Noon ay napagtanto ni Aling Elsa ang tunay na kahalagahan ng pagbibigay at pagtulong sa kapwa, lalo na kung may kakayahan ka namang tumulong sa kanila.

Advertisement