Inday TrendingInday Trending
Napulot na Wallet, Biyaya ang Kapalit!

Napulot na Wallet, Biyaya ang Kapalit!

Patpatin, marungis at nakasuot ng sira-sira at maruming damit. Iyan ang tingin ng mga tao sa pagala-galang batang iyon na naglalakad sa gilid ng simbahan, habang palinga-linga sa paligid. Hindi alintana ng bata ang matatalas na pagbato ng tingin sa kaniya ng mga nadaraanan niyang tao habang pinahihigpit ng mga ito ang pagkakahawak sa kani-kanilang pitaka, bag at kung ano-ano pang dala-dala.

“Nasaan kaya ang may-ari nito?” nagtataka at napapakamot sa ulong tanong ng bata sa kaniyang sarili. Hawak-hawak niya sa kaniyang kamay ang isang pitakang naglalaman ng ibaʼt-ibang uri ng kahon o matigas na plastic cards na animo baraha sa paningin ng batang si Bedang. May mga nakaimprentang litrato ng lalaking may-ari ng naturang pitaka sa mga iyon. Kalakip ng inaakala niyang mga baraha ay ang nangangapal na halaga ng perang puro tig-iisang libo! Mura man ang edad ni Bedang, alam niyang malaking halaga na iyon na maaaring makatulong sa kaniya kung sakali.

“Sabi ni Lelang, hindi ko raw pʼwedeng angkinin ang ʼdi sa akin kahit pa napulot ko lang ʼto. Masama raw ʼyon… ayaw kong maging masama!”

Sa isiping iyon ay muling nagpalinga-linga ang bata sa paligid sa kabila ng pagiging matao ngayon dito sa simbahan. Kailangan niyang mag-isip ng mas magandang paraan, dahil baka makaalis na ang may-ari ng wallet na kaniyang napulot.

Sa kaniyang paglinga ay nakita niya ang megaphone na siyang ginagamit ni Mitchy, ang tinderong beki ng mga kandila sa tapat ng simbahan kaya naman agad siyang lumapit dito.

“Aling Mitchy, pʼwede bang makagamit niyan? Nakapulot kasi ako ng wallet. Gusto ko sanang isauli,” paalam ng bata sa beki.

“Aba, kabait mo naman, Bedang! Bakit ʼdi mo na lang iuwi ʼyang napulot mo, tutal, napulot mo naman ʼyan saka ʼdi mo naman kilala kung sinoʼng may-ari?” tanong naman ng beking si Mitchy.

“May litrato po sa loob itong wallet kaya po malalaman ko agad kung sino ang may-ari.” Nakangiti namang sumagot si Bedang.

“O siya, sige. Ako na ang mag-a-announce. Sabihin mo sa akin ang pangalan ng may-ari diyan sa ID…”

Ipinakita na lamang ni Bedang kay Mitchy ang isa sa mga ID sa loob ng wallet upang ito na ang magbasa. Hindi naman kasi siya nag-aaral, kayaʼt hindi siya marunong.

“Nananawagan po ako sa may-ari ng kulay itim na leather wallet na may lamang mga ID at pera. Pakiusap, lumapit po kayo rito, Mr. Thomas Lee,” sigaw ni Mitchy sa tapat ng megaphone.

Hindi nagtagal ay agad namang lumapit ang lalaking kamukha ng mga litratong nasa wallet.

“Ako si Thomas Lee,” pakilala nito.

Sandali munang ineksamina ni Mitchy ang mukha ng naturang lalaki upang kumpirmahing ito nga si Thomas Lee, bago nito itinuro si Bedang.

“Siya ho ang nakapulot ng wallet nʼyo, ser,” sabi niya.

Tahimik namang iniabot ni Bedang ang wallet kay Thomas.

Lumuhod si Thomas upang tapatan ang mukha ng batang si Bedang. “Anoʼng pangalan mo?” nakangiting tanong niya sa bata.

“Bedang po,” nahihiya namang sagot nito.

“Salamat sa pagsauli nitong wallet ko, ha? Akala ko, talagang mawawala na ʼto, e. Maraming mahalagang bagay rito.”

“Tinulungan po ako ni Ate Mitchy, hindi po kasi ako marunong magbasa kaya siya po ang nagbasa para sa akin. Wala pong anuman,” masayang sabi pa ni Bedang kay Thomas.

Dahil doon ay napaisip ang lalaki. “Bakit naman hindi ka marunong magbasa? Hindi ka ba nag-aaral?”

“Hindi po, e.” Napaiwas ng tingin si Bedang. Nahihiya.

“Ilang taon ka na ba?”

“Onse ho…”

“Ganoon ba?” Tila nakaramdam ng awa si Thomas sa bata. Bumaling ito kay Mitchy… “Ikaw ba ang guardian niya? Pʼwede ko ba siyang isama saglit? Bibigyan ko lang ng pakunsuwelo itong bata,” pagpaaalam niya kay Mitchy. Umoo na lang si Mitchy, tutal ay iniwan ni Thomas ang isa sa kaniyang mga ID.

Dinala ni Thomas si Mitchy sa isang mamahaling restaurant upang doon ay pakainin. Manghang-mangha naman ang bata sa sarap ng mga putaheng ngayon lamamg nito natitikman. Nang matapos sila ay ipinag-grocery niya ang bata. Halos mapuno ang sasakyan niya sa dami ng mga ipinamili niya para dito. Sinabi rin niya kay Bedang na siya na ang bahalang magpaaral dito simula elementarya hanggang kolehiyo, anumang kurso ang gusto nitong kunin.

Tuwang-tuwa si Bedang at laking pasasalamat niya kay Thomas dahil doon. “Salamat po talaga nang marami, Ser Thomas!”

“Walang anuman, anak. Naisip ko kasi, ang mga batang katulad mo ang dapat na tinutulungan. Ang mga kagaya mo ang dapat na nakakapag-aral upang mas magkaroon ka ng magandang kinabukasan. Sana ay dumami pa ang mga batang katulad mo,” ang nakangiti at sinserong sagot naman ni Thomas.

Masaya ang lalaki na matutulungan niya ang isang batang may mabuting loob na kagaya ni Bedang. Sigurado siyang hindi masasayang ang anumang itutulong niya rito.

Advertisement