“Bakit ba tayo ipinatawag ni Kuya Mariano?” takang tanong ni Pilar.
“Oo nga, may atraso ba tayo?” pagsesegunda naman ni Alejandro.
“Aba! Wala akong naaalalang may utang ako sa matandang ʼyon, ha? Bakit nadadamay kami rito?” biglang singit naman ng palautang na si Kiray.
“Baka naman aambunan tayo ng grasya? Huwag nga kayong negatibo kung mag-isip diyan!” sabi naman ni Weng bago nito pinagkiskis ang dalawa niyang mga palad.
Sari-saring haka-haka at palitan ng opinyon mula sa magpipinsan ang maririnig sa kanilang mga pag-uusap habang nakaupo sa malambot at magarang sofa sa salas na iyon ng mansyon ni Don Mariano Abenido. Isang mayamang negosyanteng malayong kamag-anak pala ng mga ito.
Dinig na dinig ng binatang si Mikoy ang lahat, kaya naman napapailing na lamang siya sa pag-uugaling mayroon ang kaniyang mga pinsan. Ang totoo ay wala namang siyang balak na sumipot sa meeting na ito kundi lang talaga siya pinilit ng tauhan ni Don Mariano upang dumalo roon. Mas mahalaga kasi kay Mikoy na makapagtrabaho, dahil sayang ang sana ay kikitain niya sa mga oras na ilalaan niya sa pakikipag-usap sa mga ito gayong puro negatibong bagay lang naman ang kaniyang maririnig sa kanila.
Natahimik ang lahat nang maya-maya ay mamataan nila na unti-unting bumababa mula sa napakagarang grand staircase ng mansyon ang matandang nakasuot ng elegenteng roba at alpombrang sapin sa paa. Walang iba kundi si Don Mariano.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Ipinatawag ko kayong lahat, para sabihing makatatanggap kayo ng parte ng aking kayamanan oras na ako ay mawala na rito sa mundo. Ipinasulat ko na ang aking last will and testament sa aking abogado…” walang kagatol-gatol at tuloy-tuloy na saad ni Don Mariano na mabilis na ikinagulat ng lahat.
“T-talaga, kuya? Ano ang naisipan mo at babahaginan mo kami ng yaman mo, gayong malalayong magkakamag-anak naman na tayo?” maang na tanong ni Alejandro kay Don Mariano upang hindi gaanong mahalatang nasasabik siya sa yamang kaniyang matatanggap.
“May taning na kasi ang buhay ko at wala naman akong ibang pagmamanahan ng aking yaman kundi kayo… ngunit may isa akong kondisyon para sa inyo. Gusto kong tumira kayo rito sa aking mansiyon, kasama ng inyong mga pamilya, hanggang sa dumating ang oras ng aking pagkawala. Gusto ko kasing makasama kayo bago man lang mangyari iyon,” dagdag pa ni Don Mariano na agad namang sinang-ayunan ng lahat.
Naisip ni Mikoy na magandang oportunidad ang alok na iyon ni Don Mariano upang maialis niya sa marumi nilang tinitirhan sa isang squatterʼs area ang kaniyang inang may sakit kaya kahit nagdadalawang isip ay pumayag na rin siya.
Natupad ang kagustuhan ni Don Mariano na tumira ang kaniyang mga kamag-anak sa mansyon kasama niya. Ngunit para bang pinagsisihan iyon ng matanda. Sa kagustuhan kasi ng mga ito na mapabilis ang pagkuha nila sa manang matatanggap nila mula sa yaman ni Don Mariano ay pare-pareho nila siyang pinagtangkaan ng masama…
Pinagplanuhang lasunin ni Pilar si Don Mariano sa pamamagitan ng paglalagay ng lason para sa daga sa inumin nito na agad naging dahilan upang palayasin ito ng matanda sa mansyon at tanggalan ng mana.
Muntik nang itulak ni Alejandro si Don Mariano sa hagdan. Mabuti na lamang at naagapan iyon ni Mikoy. Katulad tuloy ni Pilar ay ganoon din ang sinapit niya.
Si Kiray naman ay pinagtangkaang lunurin si Don Mariano sa swimming pool ng mansyon at palabasin sanang aksidente lang ang lahat, ngunit nagulat itong magaling palang lumangoy ang matanda, habang si Weng naman ay tinangkang i-overdose ang matanda sa gamot sa pamamagitan ng pagpapataas ng dosage ng maintenance nito.
Lahat sila ay ginawan si Don Mariano ng masama sa pagmamadali nilang makuha ang mana—bukod sa isa. Si Mikoy.
Kailan man ay hindi nagpakita ng kagaspangan ng ugali si Mikoy sa matanda. Bagkus ay pinagtatrabahuhan niya ang pagtira nila ng ina sa bahay nito sa pamamagitan ng pagiging tagaluto, hardinero, at tagasilbi doon.
“Hindi totoong may taning na ang buhay ko, Mikoy…” bunyag ni Don Mariano noon kay Mikoy nang mapalayas na niya ang lahat ng suwapang at garapal na kamag-anak nila. “Nagpanggap ako para malaman kung sino ba sa inyo ang dapat kong pag-iwanan ng aking mga ari-arian… at ikaw iyon. Ikaw na lang ang natirang mabuti kong kamag-anak, Mikoy, kayaʼt saʼyo ko ipamamana ang lahat ng aking ari-arian,” saad pa ni Don Mariano na labis namang ikinagulat ni Mikoy.
Iyon ang naging simula ng pagkakaroon nila ng magandang buhay ng kaniyang ina, at iyon dahil sa pagiging mabuti ng kaniyang kalooban sa kabila ng tuksong nakahain sa kaniyang harapan.