Inday TrendingInday Trending
Nalalapit na ang Araw ng Kasal ng Magkasintahan nang Biglang Umurong ang Lalaki; May Masakit na Dahilan Pala Ito

Nalalapit na ang Araw ng Kasal ng Magkasintahan nang Biglang Umurong ang Lalaki; May Masakit na Dahilan Pala Ito

Pasado alas singko ng madaling araw nang biglang mapabangon si Jane mula sa pagkakatulog. Napatingin siya sa kaniyang cellphone at tiningnan doon ang petsa. May kurot sa puso siyang napahinga ng malalim. Oktubre, dalawang taon na ang nakalipas din noon, nang siya’y itinakdang ikasal sa lalaking inakala niyang itinadhana para sa kaniya, pero sa masakit na kabiguan lamang pala nauwi ang matamis na pag-iibigan.

Bumangon ang dalaga at saka binuksan ang mga bintana. Ramdam niya ang pagyakap ng malamig na hangin sa kaniyang balat. Saglit siyang pumikit at sinariwa ang pangyayaring bumago ng kaniyang buhay. Pangyayaring nais nang kumawala sa kaniyang memorya. Sa isa pang pagkakataon, binuksan niya ang alaala at muling binalikan ang nakaraan.

Dalawang taon na ang nakalipas, isang malaking surpresa ang gumulat sa kaniya. Isang lalaking nakaluhod na mayroong dalang singsing at bulaklak habang pumapakpak at masayang-masaya ang mga malapit na kaibigan at pamilya nila.

“Jane, I want to spend the rest of forever with you. Will you marry me?” may malaking ngiting tanong ng lalaki habang nakalahad ang kamay na may singsing sa kahon.

“Yes! I will marry you, Zoren!” lumuluhang tugon ni Jane. Balot na balot ng kasiyahan ang puso niya.

Anim na buwan na ang lumipas. Handa na ang lahat at preparado na mula sa mga ninong at ninang, maging hanggang sa mga abay. Naipadala na ang mga imbitasyon at bayad na rin ang reception. Araw ng kasal na lamang ang iniintay nang biglang nawalan ng linaw ang masaya sanang araw.

Kauuwi lamang ni Jane noon mula sa kaniyang business trip sa Korea. Nagdesisyon siya na dumiretso sa condominium na inuupahan ng kasintahan. Sigurado siyang miss na miss na siya ng nobyo dahil isang lingo rin silang hindi nagkita dahil sa trabaho, pero tila ba may kakaiba siyang napansin.

“Hi babe! Na-miss mo ‘ko?” masiglang bati ni Jane sa kasintahan.

Isang tingin na walang emosyon lamang ang naging tugon ni Zoren.

“Huy, babe! ‘Di mo man lang ba ako yayakpin o iki-kiss? Parang hindi mo naman ako na-miss niyan e,” paglalambing ng dalaga. At niyakap nga siya ng kasintahan, subalit parang naging malamig ito.

Sa mga pagkakataong iyon, alam niyang may mali. Alam niyang hindi ganoon ang normal na pakikitungo sa kanya ng nobyo.

“M-may problema ba, Zoren?” seryosong tanong ni Jane.

“Wala naman…” maikling sagot ng binata.

“Ramdam ko na meron. Baka gusto mong pag-usapan? Baka makatulong ako,” nag-aalalang tanong ng babae.

“Parang ayaw ko nang magpakasal,” diretsong sagot ni Zoren.

“B-bakit? Gustong m-mo bang i-move muna natin? Nape-pressure ka ba? Puwede naman natin pabago yung date,” nauutal na saad ni Jane.

“Hindi ‘yon, Jane e! Parang.. Parang ayaw ko nang magpakasal sa’yo!” tugon ng lalaki.

“Anong ibig mong sabihin? Ayaw mo na ba sa’kin? May iba ka na ba?”

“Hindi sa ganon, Jane! Hindi tayo maghihiwalay, okay?! Gusto ko lang ng oras para sa sarili. Kailangan ko lang ng oras para mag-isip. Gulong-gulo na kasi ako. Please? Baka puwedeng kahit iyon lang, ibigay mo na sa’kin,” may inis na wika ng binata.

Napaluha na lang si Jane. Tumalikod siya at umiiyak na umalis sa condominium na tinitirahan ng kasintahan.

Halos dalawang lingo na hindi nagparamdam o nakipag-usap kay Jane ang nobyo, pero sa loob din ng dalawang linggong iyon, Nakita niya ang nobyo sa isang coffee shop sa mall na mayroon kasamang ibang babae.

Ibang-iba ang mga ngiti ng binata. Kumikislap ang mga mata, humahagalpak ng tawa at tila sobrang ligaya habang kapiling ang ibang babae. Masakit para kay Jane na makita iyon. Pakiramdam niya’y nanliliit siya dahil sa panlolokong naganap.

Pinilit ng dalaga ang sarili na huwag kausapin ang nobyo. Hindi pa siya handa at sobrang nasasaktan pa rin ang kaniyang puso. Sinubukan niyang tawagan ang ilang malalapit na kaibigan upang ipagtapat ang nakita, lalo na lamang siyang napaiyak sa narinig…

“Oo, Jane. Sorry, pero alam na namin. Nakita na namin noong nag travel ka sa Korea para sa trabaho. Sobrang sorry kasi hindi naming alam kung paano sasabihin sa’yo. We’re really sorry, Jane…” saad ng kaibigan.

“A-ayos lang. Salamat sa pagsasabi ng totoo,” may panginginig sa boses na ibinaba ni Jane ang tawag.

Naisipan niyang tawagan ang ate ni Zoren. Malapit siya doon ang paniguradong may magagawa ito.

“Hello, Ate Tarah? Hindi ko na po kasi alam ang gagawin ko… nahuli ko po si Zoren na may kasamang iba. Niloloko po niya ako,” lumuhang pahayag ni Jane habang kausap ang kapatid na babae ng nobyo.

“Ano? Hindi magagawa ng kapatid ko iyon! Jane, kung galit ka kay Zoren, ‘wag mo naman sanang siraan pa! Kilala ko ang kapatid ko, hindi niya magagawang magloko,” depensa naman ng kapatid ng nobyo.

Labis na nasaktan ang dalaga sa narinig. Nagsasabi siya ng totoo. Agrabyado siya, pero bakit parang siya pa ang mali? Ibinaba ni Jane ang tawag at saka ipinadala ang litratong nakuhanan noong makita niyang may kasamang iba ang kasintahan.

Isang linggo pa ang lumipas. Tumawag din si Zoren.

“Pwede ba tayong magkita, Jane? Gusto lang kitang makausap,” pakiusap ng binata.

“Sige,” malamig na tugon ng dalaga.

Sa lumang parke sila nagkita kung saan palagi sila nag de-date at bumuo ng maraming magagandang alaala.

“May iba na ba, Zoren?” malumanay na tanong ni Jane.

“Wala…” diretsong sagot naman ng binate.

“Nakita ko kayo. May litrato ako. Bakit kailangan mo pang mag sinungaling?”

“Ayokong masaktan ka, Jane.”

“Pero gusto ko lang naman yung totoo kahit na masakit… mahirap bang ibigay ‘yon? Ano ang totoo?” tanong muli ng dalaga.

“May iba na, Jane… I’m sorry. Mas masaya ako kay Celine kaysa kapag kasama kita. Masyado na kasing toxic ang lahat. Hindi na ako masaya sa’yo. Iyon ang totoo,” prangkang tugon ng binata.

Napatakip lamang ng bibig ang dalaga habang bumabagsak ang mga luha sa mata.

“Then why did you propose? Bakit kailangan pang umabot sa ganito?”

“Kasi lagi kang nagpaparinig noon. Laging gusto mo iyon ang pag-uusapan. Gusto ko lang na gumaan yung nararamdaman mo, pero hindi ko gustong pakasalan ka. Ayoko na…”

“Mas madali sana kung pinutol mo na lang lahat. Sana iniwan mo na lang ako! Sana hindi ka na lang nag propose, para hindi na ako umasa! Ang sakit… ang sakit-sakit!” napahagulgol ang dalaga sa narinig. “Pero salamat sa pagiging totoo. Magmula ngayon, malaya ka na…”

Tumayo si Jane at saka lumakad palayo sa kasintahan. Halos madurog siya at ang kaniyang buong pagkatao habang pinapaalam sa mga kaibigan, pamilya at ibang kakilala na hindi na matutuloy ang kasal. Para bang pinagsakluban siya ng langit at lupa.

Ilang araw, lingo at buwan ang lumipas bago makausad si Jane sa masakit na pangyayaring iyon. Kaya ngayon sumapit na naman ang araw na sana’y nakatakda siyang ikasal, tila ba isang kurot sa puso na alalahanin pa iyon.

Mula sa panandaliang pagbalik sa alaala ng nakaraan, muling nabalik si Jane sa kasalukuyan nang may kumatok at pumasok sa kaniyang silid.

“Ang aga mo nagising ah? Mukhang mayroong excited!” biro ng ina ni Jane.

“Medyo nga po, ma… Grabe, napakadami kong pinagdaanan sa lumipas na mga taon. Hindi ako makapaniwalang nakaya ko lahat ng iyon,” huminga ng malalim si Jane at muling pinakiramdaman ang pagyakap ng malamig na hangin sa balat. “Tara na, ma!”

Isinarado ni Jane ang bintana at saka nakangiting lumabas ng silid. Naging abala ang araw na iyon para sa kanya, bagama’t maraming Gawain, walang paglagyan naman ang saya na nadarama na niya ngayon.

Sa tapat ng simbahan, habang unti-unting nagbubukas ang pintuan, bumalik si Jane sa alaala ng mapait na nakaraan. May kaunting luha sa mga mata at ngiti sa labi niyang sinambit na:

“Ngayon, pinapalaya ko na ang sarili ko sa sakit at pait na dinulot mo. Ngayon, pagkakataon naman para ako na yung sumaya. Lahat ay mayroong hangganan, pero bawat hangganan ay mayroong nag-iintay na bagong simula.”

Suot ang puting damit, habang nilulukuban ng belo ang mukha at hawak-hawak ang bugkos ng nag gagandahang bulaklak, lumakad si Jane patungo sa altar kung saan nag-iintay ang lalaking tunay na itinakda para sa kanya.

“Para sa lalaking dapat ikakasal sa akin sa takdang araw na ito, sana ay masaya ka na ngayon. Masaya na ako, pero mas sumaya nang malaman kong sinagip ako ng Panginoon mula sa maling tao at dinala sa taong muling bubuo sa akin.

Ngayon, nag-iintay sa harapan ng altar ang lalaking pinaramdam sa aking kung paano ang mahalin ng totoo at ang nagturo sa akin kung paano muling magtiwala. Kaya pala nangyari ang mapait na nakaraan, upang malasap ko ang napakasayang kasalukuyan. Salamat… dahil ngayon matatapalan na ng bagong alaala ang lahat. Masaya na ako at mas magiging masaya pa.”

Ikinasal si Jane sa lalaking nagngangalang Jerald. Isang engineer sa isang kilalang kompanya. Ngayon ay nagdadalantao na siya sa una nilang supling. Minahal siya ng lalaki ng higit pa sa inaasahan niya, kaya wala na siyang mahihiling pa sa Diyos dahil lahat ng hiniling niya ay isinakatuparan sa buhay ng lalaking kasama na ngayon.

Advertisement