Dahil sa Mabuting Ginawa ng Serbidora, sa Isang Iglap ay Naging Milyonarya Siya
Bagong pasok lamang si Mimi sa pinagtatrabahuan niyang karinderya, isa siyang serbidora at tagahugas ng pinggan. Panganay siya sa pitong magkakapatid at ang kanyang mga magulang ay kapwa may edad na.Ang nanay niya ay di na masyadong makatanggap ng labada, ang tatay niya naman ay mahina na rin para pumasok pa sa construction kaya siya na ang pangunahing bumubuhay sa kanilang pamilya.
Kung kaya nga lang niyang doblehin ang trabaho ay ginawa na niya, kaya lang ay di pwede dahil inaasikaso niya rin ang mga kapatid na maliliit pa at pumapasok sa eskwela.
“Te magkano raw hong nakuha sa table 3? Dalawang gulay, tapa at isang extra rice,” sabi ni Mimi sa may ari ng karinderya na siyang may hawak ng kaha ng pera, si Aling Marisa.
Nakasimangot na nagkamot ng ulo ang matabang ale, tagaktak ang pawis nito dahil tirik na tirik ang araw at dagsa ang kumakain sa kanilang karinderya dahil oras ng tanghalian.
“Ano ulit? Dahan dahan kasi!” sabi nito at kinuha ang maliit na notebook, isa isang naglista, inulit naman iyon ni Mimi.
“Abot mo na agad iyang sukli, dali dalian ang kilos at marami pang kakain! Ayan sabaw daw sa kanan, wag babagal bagal!” harap harapang pamamahiya ng ale sa dalagita.
Nataranta naman si Mimi, ilang minuto pa ang nakalipas at naghuhugas siya ng pinggan sa gilid ng kalsada nang isang matandang lalaki ang kumalabit sa kanya. Marami itong bitbit na sako at marumi ang kasuotan, sa unang tingin ay iisipin na taong grasa ito.
“Kalabaw mo!” sigaw ni Mimi dahil di niya napansin agad ang matanda. Saan ba ito nanggaling? Namalayan niya na lamang na nakatayo na ito sa gilid niya.
“Ne, baka pwedeng makahingi maski tira,” sabi nito at hinimas pa ang kumakalam na tiyan.
“H-ho? Eh simot ho ang mga ito eh, teka ho titingnan ko sa loob. Lika’yo dito, baka mabangga kayo dyan,” akay niya rito. Hindi nadidiring hinawakan ang braso nito at inakay papasok sa loob. Saktong wala si Aling Marisa, pinaupo niya ang matanda at kumuha ng kanin lamig, tutal eh tinatapon lang rin iyon. Mabuti nang mapakinabangan.
Naglagay rin siya ng mainit na sabaw sa tasa at dinala ang buong tray sa matanda.
“Yan ho, sensya na tay ha. Wala pa rin kasi akong sahod tsaka maliit lang ang kinikita ko rito, kung ako nga lang eh may pambili ng tinapay nailibre ko na kayo. Nga lang, maski ako walang pangmeryenda,” tatawa tawang sabi niya.
Nakangiti lang ang matanda at nakatitig sa kanya, may kung ano sa mata nito ang mahiwaga. Hindi matukoy ni Mimi.
“Akala ko ho ay gutom kayo? Ni hindi man lang nabawasan ang pagkain,” puna niya nang makailang subo lamang ito.
“Pahinga lang pala ang kailangan ko, at nahanap ko na iyon neng.” sabi nito.
“Diyos ko Tay, dapat nga ho eh hindi na kayo naglalakad pa lalo at kainitan. Mamaya ma-heat stroke pa kayo. Tatay ko nga ho di ko na pinagko- construction sabi ko ako nalang ang bahalang rumaket,” kwento niya.
“Neng o, bayad ko. Kulang pa iyan kaya lang yan lang ang barya ko eh, lumang pera na yan pero mapapakinabangan mo,” makahulugan nitong sabi.
“Di na ho! Ano ba naman kayo, kanin lang iyan at sabaw,” sabi nya pero mapilit ang matanda. Naisip ni Mimi na gawin na lamang iyong lucky charm sa kanyang pitaka tutal ay di na naman magagastos ang ganoon, nakita niya sa tatak na 1903 pa lumabas ang ganoong uwi ng barya.
Hindi na sumagot si Mimi, tumalikod siya upang kumuha ng baso. Aabutan niya sana ng tubig ang matanda pero saktong labas naman ni Aling Marisa.
Nagpabalik balik ang tingin nito sa kanya, sa matanda at sa mga sakong dala nito.
“Put*ngna mo kang Mimi ka, hindi pa tapos ang hugasin mo eh naghain ka na naman! Ano ba yan, naglulutu-lutuan ka?!” sabi nito sa kanya.
“Te humingi lang ho ng konting pagkain-“
“At nilagyan mo pa talaga ng pagkain nagsasayang ka! Akala mo ikaw may ari rito at kung makialam ka sa pagkain ganon na lang?!”
“Sorry ate Marisa naawa lang ako talaga kasi sa matanda may edad na at kumakalam ang sikmura nya tignan nyo po, halos di na makalakad at inakay ko pa nga,” sabi niya. Lumingon siya at ituturo sana ang matanda pero wala na ito agad. Maging ang mga sako ay wala rin.
“Alam mo mamalasin ang negosyo ko dahil sa kagagahan mo eh, malakas ang pakiramdam ko na balang araw ay ikaw pa magpapahamak sakin. Umalis ka na, wag kanang babalik. Ayoko nang makita ang pagmumukha mo rito ha,” pagtataboy ng ale. Nanlaki naman ang mata ni Mimi, di niya akalaing tatanggalin siya sa trabaho.
“Te parang awa mo na ito lang ho ang inaasahan ng pamilya ko,” napapaiyak na siya.
“Yan! Yan ang napapala mo sa pagka-intrimitida, bat akala mo hindi ako makakakuha ng ibang serbidora? Don kana, umuwi kana sa inyo at mag alaga ng magulang mong may sakit,” sabi nito.
Sinubukan pang magmakaawa ni Mimi pero di na siya intindi ng ale at ipinahiya pa siya sa mga customer na dumating. Ni hindi rin nito inabot ang huling sweldo niya. Luhaan siyang naglakad pauwi, ano ngayon ang ipapakain niya sa kanyang pamilya?
Naisip niyang napasama pa yata ang pagmamagandang loob niya, maski ang matandang pinakain ay di man lang nagawang magpasalamat.
Binabaybay niya na ang makipot na daan sa iskwater, sa dulo pa ang kanilang barung barong.
“Padaan po,” sabi niya sa mga kapitbahay na halos nakaharang na sa looban dahil abalang makinood ng TV. Nagkukumpulan ang mga ito.
“Ang lumang pisong ito ay nagkakahalaga ng isang milyong piso, bibihira na lang raw ang Pinoy na nagtatago ng ganito ka-lumang pera,” sabi sa palabas. Rinig niya dahil malakas iyon. Di niya sana iintindihin pero napatigil sya sa sunod na sinabi ng reporter.
“1903 diumano lumabas ang ganitong disenyo,kaya mga kababayan, kung sino sa inyo ang mayroong ganito aba’y halika na, ibigay sa amin ang barya! At nang maging instant milyonaryo ka!” sabi pa nito.
Nanginginig na kinuha ni Mimi sa kanyang bulsa ang perang iniabot ng matanda..1903.
“Panginoon!” napaluhod na siya sa sobrang tuwa at sobrang kaba. Gayunpaman, hindi siya ang may ari nito. Hindi niya kayang kunin ang isang bagay na hindi sa kanya, kaya naman agad siyang bumalik sa karinderya. Sinimangutan siya ng may ari pero di niya na pinansin pa iyon, dali dali na siyang nagtanong.
“Ate Marisa bumalik ho ba yung matandang narito kanina? Yung maraming dalang sako?” sabi niya, excited siya para sa lolo. Yayaman na ito at magbabago na ang buhay.
“Ano’ng matanda? Nabubuang kana,umuwi kana sa inyo.”
“Ate! Yung nilabasan ko ng pagkain kanina, yung kawawang lolo. Yung dahilan kung bakit mo ako sinisante,” pagpapaalala niya. Baka sa dami ng ginagawa ay nakakalimot na si Aling Marisa.
“Tonta, kaya kita sinisante ay dahil nagsayang ka ng pagkain. Inihain mo sa mesa eh wala namang tao, ano’ng matanda ang pinagsasabi mo? May tililing kana, nalilipasan ka ng gutom siguro. Walang matanda.” sabi nito at di na siya kinibo pa.
Hindi makapaniwala ang dalaga, pumunta pa siya sa barangay at tinignan ang CCTV footage, pero pinagtawanan lang siya ng mga tanod dahil nakita siya roong nagsasalitang mag isa.
Pero hindi pwede! Totoo talaga, heto nga at binigyan pa siya ng barya!
Kinabukasan ay mag isang nagpunta ang dalaga sa lugar na sinabi sa TV, hindi pa rin siya makapaniwala nang papirmahin siya at iabot ang cheke sa kanya. Kinurot kurot niya pa ang sarili habang nasa bahay at tinititigan ang cheke.
Milyonarya na siya!
Nang mapasulyap siya sa bintana ay nagulat pa siya nang makita roon ang nakangiting matanda, nagthumbs up pa ito sa kanya.
Napangiti na rin si Mimi, hindi niya sigurado kung anghel o engkantado ang matanda, pero alam niyang hulog ito ng langit.
Sino ang may sabing imposible nang mangarap at wala nang pag asa sa buhay? Habang may buhay, may pag asa. Wag lang tumigil sa kakadasal, wag ring kalimutang maging mabuti sa kapwa. Dahil lahat ng kabutihan, may magandang gantimpala. Malay mo, tulad ni Mimi, sa simpleng kawang gawa ay maging milyonaryo ka rin.