Inday TrendingInday Trending
Binago ng Lalaki ang Masamang Ugali Dahil May Hinihiling Siya sa Diyos, Nang Ipagkaloob na Iyon sa Kanya ay Balik Ulit Siya sa Dati

Binago ng Lalaki ang Masamang Ugali Dahil May Hinihiling Siya sa Diyos, Nang Ipagkaloob na Iyon sa Kanya ay Balik Ulit Siya sa Dati

Pagpapautang ang ikinabubuhay ni Manuel, kilalang kilala siya sa lugar nila na nag 5-6. Ang malala lamang ay napakataas niyang magpatubo, kumbaga, hirap na nga sa buhay ang tao kaya nangungutang ay lalo niya pang ibinabaon.

“Ba, eh magpasalamat sila at narito akong makakapitan nila sa panahon ng kagipitan. Kundi rin dahil sa akin saan sila pupulutin? Sa kangkungan! Rereklamo pa ba sa tubo,” taas noong sabi ni Manuel habang nasa hapag kainan sila. Nakaupo siya sa wheelchair, malaki na kasi ang sugat niya sa binti na sanhi ng diabetes. Sabi nga ng doctor ay kailangan nang putulin iyon sa isang linggo.

Mataba ang lalaki at hindi na kaya ang bigat ng kanyang katawan. Bukod doon ay nababalot rin ng taba ang kanyang puso at mataas ang kanyang BP. Puro kasi masasarap ang kinakain niya.

“Daddy hinay hinay ka sa letsong kawali ayan ka na naman,” saway ng kanyang misis, si Leonor. Kabaligtaran niya naman ang babae dahil napakabait nito at napakamaunawain. Kadalasan ay humihingi ito ng tawad sa mga kapitbahay dahil sa magaspang na pakita ng mister.

“Yan ngang si Aling Nora, namatay lang ang anak todo paawa naman. Pinahiram ko na nga ng pampaospital eh pati pagburol hihiramin, bat di nalang ipaanod sa ilog!” patuloy na paglilitanya ng lalaki.

“Wag ka namang magsalita ng ganyan daddy, nakaharap ang mga anak mo o. Tsaka di natin alam ang hirap na dinanas nung tao, pasalamat nalang tayo na hindi tayo ang nasa kalagayan niya. Malay mo, kung bubuti ka sa kapwa eh pakinggan ka ng Diyos at hindi na puputulin ang paa mo. Malay mo, sa loob ng isang Linggo ay bumaba ang sugar mo . Walang imposible,” paalala nito sa kanya.

Napatulala naman si Manuel, ayaw niya rin kasi talagang maputulan ng paa. Naisip niyang makinig sa misis, baka sakaling umepekto nga. Mula noon ay naging mabuti siya sa mga kapitbahay, nasa isip niya pa rin ang kasamaan pero tinatago niya na lamang iyon at panay magagandang bagay lang ang lumalabas sa kanyang bibig.

“H-ha? Sigurado ka Manuel? Hindi tatlong libo ang tubo buwan buwan?” gulat na sabi ni Alicia, isa sa mga kapitbahay na ngayon ay nangungutang pambayad sa tuition ng anak na nag aaral sa kolehiyo.

“Hindi na po Ate Alice,1000 nalang, basta wag mo akong lolokohin ha,” magiliw na sabi ni Manuel habang naglilista matapos iabot ang pera sa gulat na gulat na ale. Bukod kasi sa mababang tubo, ngayon lang rin narinig ng ginang na nag ‘po’ ang lalaki at tinawag siyang ‘Ate’.

Masayang umalis sa bahay nila ang babae. Napabuntong hininga naman si Manuel, ang hirap magpanggap na mabait.

Ilang sandali pa ang lumipas ay tulak tulak na siya ng kanyang misis sa ospital, papunta ngayon sa opisina ng doktor na tumitingin sa kanyang blood sugar. Bukas naka-schedule ang pagputol ng kanyang paa.

“I have good news for you Sir, bibihira itong mangyari pero hindi na puputulin ang paa mo. Basta ma-regulate lang ang blood sugar mo, wag masyadong tataas at wag masyadong bababa. Delikado rin pag sobrang baba dahil malaki ang chance na ma-comatose ka at di na magising. Sa ngayon, mag-celebrate na kayo. Congrats,” nakangiting sabi ng doktor.

Hanggang makauwi ay di pa rin makapaniwala ang mag asawa. Lalong lalo na si Manuel, ang ganda ng ngiti niya. Umepekto nga ang pagdarasal niya at pagpapakabuti sa mga kapitbahay. Dahil doon, dahil nakuha na niya ang kanyang nais ay naisip niyang ayos na naman sigurong ilabas na niya ang totoo niyang saloobin.

Naka-wheelchair siya at mag isang pumunta sa bahay ni Alice.

“Alice!” malakas na tawag niya at kinalampag pa ang pinto ng maliit nitong barung barong.

Lumabas naman ang ale, pinagpagan pa ang kamay na may sabon dahil naglalabada ito.

“Huy, goodmorning! Nakarating rito yung magandang balita, congratulations ha.” masayang sabi nito. Pero napawi rin agad ang ngiti nang di siya sumagot.

“O wag mo nakong bola-bolahin, yung tubo mo ibabalik ko na sa 3k ha. Yung nakaraang buwan hayaan mo na yon. Pero itong mga susunod tatlong libo na ha. Alam mo na usapan pag pumalya,collateral mo itong bahay mo.” taas noong sabi niya at iniliko na ang wheelchair, naiwang nakatulala ang ale dahil bumalik na sa dati ang masamang ugali ni Manuel.

Pag uwi ng lalaki sa bahay ay ang ganda ng ngiti niya, back to business!

Dinampot niya ang listahan at sinimulan nang i-text ang mga may utang na balik na sa dati ang malaking pa-tubo niya. Malungkot namang nakatanaw ang kanyang misis.

“Dad, akala ko ba nagbago kana?” di maiwasang itanong ng babae.

“Nagbago ka dyan? Ganito na ako maitim na ang budhi ko talaga! At ano naman ang ipapanakot mo ngayon, wala na! Di na puputulin ang paa ko-” hindi natapos ni Manuel ang sasabihin dahil biglang humapdi ang kanyang dibdib.

Ang init ng buo niyang katawan at biglang sumakit ang kanyang ulo, nagdilim ang kanyang paningin at napasigaw siya sa sobrang sakit ng kanyang dibdib, iyon na pala ang huling sigaw nya.

Isinugod siya ng pamilya sa ospital pero wala na, dead on arrival.

Inatake sa puso ang lalaki.

Hindi nga siya naputulan ng paa, namatay naman siya. Kung inaakala ni Manuel na madadaya niya ang Diyos sa pagpapanggap niyang nagbago ay nagkakamali siya.

Nakikita ng Diyos lahat, mabuti, masama at isang pitik Niya lamang ay kaya Niyang baguhin ang lahat sa atin.

Advertisement