Bigla na Lamang Sumakit ang Dibdib ng Dalaga, May Mahalagang Pahiwatig Pala sa Kanya ang Diyos
Nag iisang anak lamang si Emerald, nasa kolehiyo na siya at ang kanyang mommy na lamang ang kasama niya sa buhay. Di na siya nagtatanong tungkol sa daddy niya, alam niya namang buhay pa ang lalaki dahil minsan nang nadulas ang isa sa mga tita niya. Pero di na siya nag usisa pa dahil halata naman niyang ayaw iyong pag usapan ng kanyang ina.
Kahit na nahuhuli niya itong umiiyak noong bata pa siya at minamasdan ang kanyang baby picture ay tahimik lang ang dalaga, katwiran niya, wala siyang karapatang kwestyunin ang kanyang nanay na mag isang bumuhay sa kanya. Simula ata nang magkaisip siya ay ito na ang namulatan nya.
Isang hapon ay masaya silang nagmemeryenda, pinag uusapan nila ang nalalapit niyang 18th birthday.
“I can’t believe na 18th birthday ko na ang pinag uusapan natin Mom. Parang dati, nagpaplano tayo sa 7th birthday party ko naalala mo? Snow white pa nga ang peg,” nangingiting sabi niya habang kumakain ng niluto nitong maruya.
“Oo, ilang taon na rin. Ang tagal tagal na,” sabi nito pero imbes na tuwa ay tila lungkot ang mababanaag sa mga mata nito.
“Mommy are you okay?” bigla naman siyang nag alala, tuwing magbi-birthday siya ay may mga pagkakataong bigla na lamang matutulala ang kanyang ina at malulungkot.Pag naman tinatanong niya ay tumatanggi ito at pilit pasisiglahin ang boses.
“Yes honey, napagod lang akong magluto ng meryenda,” sabi nito at pilit ang ngiti.
Sasagot pa sana si Emerald pero nakaramdam siya ng biglang paghapdi ng kanyang dibdib.
“M-mom..aray..aray ko!” sigaw niya dahil lalo iyong sumasakit.
“Anong nangyayari Emerald!” napatayo sa upuan nito ang ginang at agad na lumapit sa kanya. Grabe ang kaba nito at pag aalala nang makitang namumutla ang dalaga.
“Cynthia!! Dali ka! Iabot mo ang susi ng sasakyan!” natatarantang utos nito sa kasambahay.
Buti na lamang at malapit sa subdivision nila ang ospital kaya naisugod siya ng kanyang ina sa emergency.
“Misis, hindi ko pa kayo mabibigyan ng konkretong dahilan kung bakit nakaramdam ng ganyan ang inyong anak, hintayin muna natin ang resulta ng mga test,” sabi ng doktor na tumingin sa dalagita.
Lumuluhang napasulyap ang ginang sa walang malay na anak, bago bumaling muli sa doktor.
“P-posible ho kayang may sakit sa puso ang anak ko?” nangangatog na tanong nito.
“Isa ho iyan sa iniisip ko pero gaya nga ng sabi ko, wala pa naman tayong resulta ng mga tests so wala pang tiyak na dahilan.”
Maya maya pa ay nagpaalam na ang doktor. Ang ginang ay naiwang umiiyak, at nag iisip.
Unti unting iminulat ni Emerald ang kanyang mga mata, inaasahan niya nang makikita ang kanyang mommy pero di ito nag iisa. Sa tabi nito ay ang isang may edad na ring lalaki na maluha luhang nakatitig sa kanya.
Nang mapansin ng mga ito ba may malay na siya ay agad siyang nilapitan ng kanyang ina.
“Emerald! Anak ko.. kumusta ang pakiramdam mo?” mugto ang mata nito.
“O-okay naman mommy..” sagot niya, tinignan niya ang lalaki sa tabi nito. Hindi malaman ng mommy niya kung ano ang sasabihin.
“Emerald..si ano.. Arnold.S-siya ang ama mo anak..” mahinang sabi nito pero rinig na rinig iyon ni Emerald at nanlaki ang mga mata niya.
Hinawakan ng lalaki ang kamay niya at umiiyak na humingi ng tawad.
“Sorry, sorry sa mga taon na wala ako sa tabi mo. Sorry kung pinili namin ng mommy ninyo na maghiwalay na,” sabi nito.
Kumunot naman ang noo ng dalaga , ‘ninyo’? ibig sabihin ay may kapatid siya? Tila nabasa ng mga ito ang nasa isip niya at ang kanynag ina na ang unang nagsalita.
“Ayaw sana naming biglain ka dahil posibleng may sakit ka sa puso. Pero nak, wala nang oras. M-may kakambal ka.S-si Gem. Nang maghiwalay kami ng daddy ninyo ay kinuha nya si Gem at sa akin ka naman.Alam kong nakikita moko noon na iniiyakan ang isang baby picture, anak, si Gem iyon.
Nang isugod kita rito kanina ay naisip kong.. dapat siguro ay makilala mo na ang kakambal mo. Madali kong nahanap ang contact number ng daddy mo dahil hinahanap niya rin pala tayo.” Mahabang paliwanag nito.
Gulat na gulat ang dalaga sa rebelasyong ito ngayong araw kaya nakatulala lamang siya, awa ng Diyos ay di sumasakit ang kanyang dibdib.
Ang kanyang ama naman ang nagsalita,”H-hinahanap kita dahil bukod sa ipapakilala ko na sana kayo sa isa’t isa, naaksidente si Gem kahapon anak! Eksaktong oras kung kailan sumakit ang dibdib mo..at ngayon ay kailangan niya ng dugo. Wala kaming mahanap na pareho ng blood type niya, ikaw lang.” lumuluhang sabi nito.
Nag iiyakan silang tatlo nang pumasok ang doktor, ngiting ngiti ito.”Sana po ay mapagaan ko ang loob ninyo. Magaganda ang resulta ng tests ni Emerald, healthy ang heart niya at walang sakit! Baka na-stress lang siya kahapon, it happens.” nang muli itong lumabas ay nagkatinginan lamang sila.
Noon ring araw na iyon ay lumabas na sa ospital si Emerald at pinuntahan ang kakambal. Nang masigurong healthy siya ay nakapagdonate siya ng dugo at naging successful ang operasyon nito.
Tulad niya’y gulat na gulat rin ito nang magising, pero niyakap rin naman siya pagkatapos.
Tila ba nagdahilan lang ang tadhana. Ang pagsikip ng dibdib niya ay pagpaparamdam lamang na may pinagdaraanan ang kanyang kakambal. Kailangan pala nito ang kanyang tulong.
Pinaglayo man sila ng tadhana ay mananatiling magkadikit ang kanilang mga pusod, at ang kanilang mga puso.