Nakahanap ng Katapat ang Mainitin ang Ulong Dalaga na Ito at May Dala Pala Itong Surpresa sa Kanyang Buhay
Limang taon nang magkasintahan sina Luisa at Arnold. Nagkakilala sila sa pinapasukang trabaho sa Makati. Hindi naging hadlang sa kanilang pag-iibigan ang estado ng kanilang buhay. Si Luisa ay nag-iisang anak ng mag-asawang negosyante sa Binondo habang si Arnold naman ay ulila na sa mga magulang. Siya ang panganay at bumubuhay sa tatlo niyang kapatid.
Botong-boto ang mga magulang ni Luisa kay Arnold sapagkat napakagalang, responsable, may pangarap sa buhay at may takot sa Diyos ang binata. Balewala sa kanila kahit galing ito sa mahirap na pamilya.
“Nanggaling din kami sa hirap. Nagsikap ako at naging matagumpay. Sa ugaling ipinapakita ni Arnold, naniniwala ako na magtatagumpay ito sa buhay balang araw.” Ito ang madalas na linya na binibitawan ni Lucio, ama ni Luisa sa kanyang mga kaibigan tuwing napaguusapan ang estado sa buhay ng nobyo ng nag-iisang anak.
Mabait na bata si Luisa. Masipag at responsible. Ang tanging problema lamang sa kanya ay ang pagiging mainitin ang ulo.
“Nandiyan na si Ms. Minchin!”, sigaw ng guwardiya ng Five Stars Chinese Restaurant sa Binondo.
Dali-daling pumila ng dalawang linya sa pintuan ng nasabing restawran ang mga waiter at waitress.
“Good afternoon! Welcome to Five Stars Chinese Restaurant!”, nakangiting bati ng mga empleyado sabay ngiti sa pumasok na si Luisa kasama ang kanyang mga pinsan.
Ms. Minchin ang bansag ng mga empleyado ng naturang restawran kay Luisa. Kilalang-kilala ang dalaga rito. Tinawag siyang Ms. Minchin sapagkat madalas siyang nagagalit sa mga waiter at waitress doon lalo na kapag matagal dumating ang inorder na pagkain.
Marami na siyang napatanggal na empleyado dito. Walang magawa ang may-ari na naturang kainan na si Mrs. Ang sapagkat ang pamilya ni Luisa ang may-ari ng gusali kung saan nakatayo ang restawran. Hindi makuhang umalis ni Mrs. Ang sa lugar na iyon sapagkat bukod sa mura na ang upa, marami pang kumakain dito dahil napakaganda ng puwesto. Malapit sa mga opisina, eskwelahan at istasyon ng bus at dyip.
“Anak, huwag masyadong mainitin ang ulo mo. Nakakaawa naman ang mga taong ipinatatanggal mo sa kanilang trabaho.” Malumanay na payo ng amang si Lucio sa kanya habang sila ay kumakain ng hapunan.
“E ayusin nila trabaho nila. Kukuha lang ng order at dadalhin sa kostumer nagkakamali pa. Napakatat*nga! Hindi naman mahirap yun.” Naiinis na sagot niya sa kanyang ama.
Hindi na nagsalita ang kanyang ama. Pinagpatuloy na lamang nito ang pagkain ng hapunan.
Patapos nang kumain si Luisa sa restawran kasama ang kaniyang mga kaibigan. Isang bata ang tumatakbo sa loob ng restawran at biglang nasagi ang waitress na may dalang tubig.
“Anak ng &^^*!” galit na galit na sigaw ni Luisa habang dinuduro ang waitress na nakatapon ng tubig sa kanya.
“Sorry po, Ma’m Luisa! Hindi ko po sinasadya. Patawad po!”, nanginginig na pakiusap ng waitress habang pinupunasan ang nabasang damit ni Luisa gamit ang basahan na pamunas ng lamesa.
“Ano ka ba! Bukod sa napakalampa mo, napakat*nga mo pa! Ang dumi dumi ng basahan na ‘yan! Nakakadiri!”, sigaw ni Luisa sabay kuha ng basahan sa waitress at ipinalo iyon sa ulo ng kawawang empleyado.
Dali-daling lumapit si Mrs. Ang kay Luisa upang humingi ng paumanhin. Gusto ni Luisa na tanggalin sa trabaho ngayon din ang kaawa-awang waitress.
“Napakasipag na bata nitong si Maricar. Maaari bang palampasin mo na ito. Ako na mismo ang nakikiusap sa ‘yo. Matagal ko na siyang empleyado. Bihira makakuha ng mapagkakatiwalaang tao.” Pakiusap ni Mrs. Ang sa nagpupuyos sa galit na si Luisa.
“E kung ganoon, maghanap na lang kayo ng malilipatan. Tutal matatapos na ang kontrata n’yo sa susunod na buwan. Ngayon pa lang ay ayusin n’yo na ang paglilipat. Maraming negosyante ang may gustong umupa dito.” Mayabang na sagot ni Luisa.
Walang nagawa si Mrs. Ang kundi sundin ang kagustuhan ni Luisa. Bilang pakunswelo, binigyan na lang niya nag malaking halaga si Maricar para kahit papaano ay makatulong ito sa kanyang panggastos habang naghahanap ng bagong mapapasukan.
“Beh, limang taon na tayong magkasintahan pero hindi mo pa ako pinapakilala sa mga kapatid mo. Ikinahihiya mo ba ako?” naglalambing na tanong ni Luisa sa kanyang nobyo.
“Hindi kita ikinahihiya. Ako ang nahihiya sa’yo. Alam mo namang mahirap lang kami.”, nahihiyang tugon ni Arnold.
“Kailan pa naging isyu ang pagiging mahirap mo? Alam mo namang tanggap ko kahit ano pa ang estado mo sa buhay dahil mahal na mahal kita. Gusto ding makilala nila mama at papa ang mga kapatid mo.”
Napagdesisyunan ng dalawa na kumain sa labas kasama ang mga magulang ni Luisa at mga kapatid ni Arnold.
Naunang dumating sa restawran sa Greenhills ang pamilya ni Arnold. Hindi maitago sa mukha ni Arnold ang saya sapagkat magkakakilala na ang pamilya nilang dalawa.
Wala pang limang minuto ay biglang dumating ang pamilya ni Luisa. Hindi pa naipapakilala ni Arnold si Luisa sa mga kapatid ay biglang tumayo si Maricar at sumigaw, “Aahh…siya pala ang nobya mo! Si Ms. Minchin! Pasensiya na po sa inyong mga magulang ni Ms. Minchin pero hindi po ako makakapayag na mapapasukan ng masamang ugali ang pamilya namin. Opo, mahirap lang po kami. Pero lumaki kaming maganda ang ugali.”
Hindi alam ni Luisa kung ano ang gagawin. Pamilyar ang mukha ng kapatid ni Arnold ngunit hindi niya maalala kung sino ito.
“Hindi mo ako kilala? Sabagay… Sa dami ng napatanggal mo sa trabaho, hindi mo talaga ako matatandaan. Puwes, magpapakilala ako sa’yo. Ako si Maricar. ‘Yong matagal nang waitress sa Five Stars Chinese Restaurant na nakatapon sa’yo ng tubig, minura mo, hinampas mo ng basahan at pinatanggal mo sa trabaho.” Galit na galit na sigaw ni Maricar.
Halos kainin na ng lupa si Luisa sa kinatatayuan niya sa magkahalong pagkapahiya, takot at pagsisisi. Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin at gagawin. Mabuti na lamang at nandoon ang kanyang ama.
Nanghingi ng paumanhin si Mang Lucio kay Maricar, Arnold at iba pang kapatid nito dahil sa nagawa ng nag-iisang anak. Nag-usap sila ng masinsinan.
Lumuhod si Luisa sa harap ni Maricar habang humingi ito ng tawad at dahil mahal ni Arnold ni Luisa at mahal na mahal niya ang kanyang kapatid, nakuha niyang patawarin ang nobya ng kanyang kapatid.
Pagkatapos nilang magsalo-salo, tumungo si Luisa sa Five Stars Chinese Restaurant at pinakiusapan si Mrs. Ang na ibalik sa trabaho si Luisa at iba pang empleyado na napatanggal niya. Nagpa-party siya sa mga empleyado ng restawran at humingi ng tawad sa mga ito.
Makalipas ang isang taon ay ikinasal na nga si Arnold at Luisa. Ginanap ang reception ng kanilang kasal sa restawran ni Mrs. Ang.
Ang dating Miss Minchin ay ganap nang Mrs. Arnold Policarpio.