Inday TrendingInday Trending
Natameme ang Chismosang Ale nang Anak na Mismo Niya ang Naging Tampulan ng Chismis, Napakabilis ng Karma

Natameme ang Chismosang Ale nang Anak na Mismo Niya ang Naging Tampulan ng Chismis, Napakabilis ng Karma

Noon pa man ay madalas nang mamintas si Berna ng kamalian ng ibang tao. Karamihan sa kanyang mga kapitbahay ay ginagawan niya ng kasiraan at ipinagkakalat niya ang mga personal nilang problema.

“Ay alam mo ba yang asawa ni Pedro? Naku nuknukan ng yabang, akala mo naman ay napaka perpekto ng pamilya niya.” Wika niya.

“Sinabi mo pa! hindi naman kagandahan.” Sagot naman ng kaniyang kapwa intrigera.

“At saka yung anak nila? Hindi naman magaling kumanta hilig hilig pang sumali sa mga singing contest.” Dagdag pa ni Berna.

Lumilipas ang maghapon na puro paninira at pamumuna ang ginagawa niya kasabay ng pagma- mahjong kasama ang mga kapitbahay. Hindi niya naiisip ang maaring maging epekto ng kaniyang paninirang puri.

Minsan ay humingi sa kaniya ng pera ang anak.

“Ma, penge akong pera pambili ng gamit ko sa proyekto ko.” wika ni Amy.

“Pera nanaman? Dun ka sa papa mo humingi.” Sagot niya.

Hindi rin nabigyan ng kaniyang ama si Amy kaya’t namomroblema siya kung saan kukuha ng kaniyang mga kagamitan. Napadaan siya sa pamilihan isang araw, naisipan niyang tingnan kung magkano ang mga gamit na kailangan niya nang mapansin niyang wala masyadong tao sa pasilyo na kinaroroonan niya. Nagdadalawang isip man ay isinilid niya sa kaniyang bag ang ilang pirasong pentel pen, makukulay na papel, at isang gunting.

“Hoy anong ginagawa mo riyan?” Sita sa kaniya ng isang tindero.

Sinubukan tumakbo ni Amy ngunit madali siyang nahuli nito at dinala sa kanilang opisina. Doon ay nakuha sa kaniyang bag ang mga ninakaw na gamit na tinabunan niya ng ilang damit ngunit dahil isang menor de edad ay ipinatawag ang kaniyang magulang at ilang opisyal ng barangay bilang testigo.

“Nahuli itong anak niyo kanina na nangungupit, eto sa lamesa lahat ng bagay na nakumpiska sa loob ng kaniyang bag.” Paliwanag ng opisyal ng pamilihan.

“Sigurado ba kayong sa anak ko iyan? Baka naman napagbibintangan niyo lang siya.” Palusot niya.

“Misis, may nakakita ho sa anak ninyo na nilalagay ito mismo sa bag niya, tanungin niyo pa sya.”

Hindi na nga nakapagdahilan pa si Amy at inamin ang ginawang pagnanakaw. Paliwanag niya ay kailangan niya talaga ang mga ito para sa kaniyang eskwela. Samantalang napilitan si Berna na bayaran sa tripleng halaga ang mga ninakaw ng anak kung hindi ay makakasuhan pa sila.

“Ano ka ba namang bata ka, anong sasabihin ng mga kapitbahay natin pag nalamang magnanakaw ka?” galit na wika niya sa anak.

“Eh ayaw niyo kasi akong bigyan ng pera, pati si Papa ayaw din.” Sagot nito.

Hindi nga naitago ang eskandalong kinasangkutan ng pamilya ni Berna at madali itong kumalat sa kanilang lugar. Kung dati ay siya ang nagpapakalat ng kung ano anong tsismis, siya naman ngayon ang pinagtitinginan at pinagbubulungan.

“Kung makapamintas ng kapitbahay akala mo wala silang sariling baho.” Wika ng isa.

“Balita ko nga ay nahuli na nagnanakaw ang anak niya.” Sagot pa ng isang babae.

“Karma niya na yan para sa mga balitang ipinapakalat niya rito.”

Halos hindi na makalabas si Berna dahil sa mga matang laging nakamasid sa kaniya. Isang malaking leksiyon sa kaniya ang lahat ng nangyari. Alam niya na ngayon ang pakiramdam ng pinaguusapan at pinagtsitsismisan.

Di rin naman nagtagal ay natabunan na ng iba pang mga balita ang ginawa ng kaniyang anak, nakakausap niya ng muli ang kaniyang mga kapitbahay ngunit sa pagkakataong ito ay mas maingat na siya sa mga salitang binibitawan.

“Pasensya ka na pala sa mga naikwento ko nung nakaraan ah, hayaan mo’t hindi na mauulit.” Wika niya sa isang kapitbahay.

“Matagal na iyon Berna, ang mahalaga ngayon ay naisip mo na ang epekto ng mga dati mong gawain.” Sagot naman nito.

Naging mas bukas na rin si Berna sa mga problema at pinagdaraanan ng kaniyang anak, sinikap niyang palaging maibigay ang mga pangangailangan ni Amy upang maiwasang maulit ang dati nitong nagawa.

Ang pagkakalat ng tsismis o kahit ano pa mang balita ng wala naman sapat na basehan ay may napakalaking epekto hindi lamang sa isang tao kundi sa isang komunidad, mas mabuti pang iwasan na lamang ang pakikisawsaw sa buhay ng iba upang wala nang mga bangayan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement