Inday TrendingInday Trending
Palaging Nagsisimba ang Ginang Upang Siya raw ay Pagpalain ng Maykapal; Ngunit Kilala Siya sa Lugar Nila Bilang Isang Maramot na Kapitbahay!

Palaging Nagsisimba ang Ginang Upang Siya raw ay Pagpalain ng Maykapal; Ngunit Kilala Siya sa Lugar Nila Bilang Isang Maramot na Kapitbahay!

“Mareng Lilia?” Agad na sumilip si Aling Lilia sa bintana ng kanilang bahay upang makita kung sino ang tumatawag sa kaniya sa labas. Doon ay nakita niya ang kaniyang kumareng si Anastacia na kumakaway sa kaniya habang may dala-dalang payong at isang bayong.

“O, Mareng Anastacia, napadaan ka yata?” bati naman ni Aling Lilia na ngayon ay nilabas na ang kaniyang kumare. Nasa labas ng kanilang bakuran ang kausap kaya pinagbuksan na rin niya ito ng kanilang gate.

“Naku, mare, manghihingi sana ako sa ’yo ng malunggay, e. Kaunti lang naman. Magluluto kasi ako ng ginataang gulay,” pagpapaalam nito sa kaniya na itinaas pa ang hawak niyang bayong upang ipakita ang pinamili nitong mga gulay sa palengke.

“Ay, ’yon lang pala, mare. Sige’t kumuha ka na riyan sa puno,” nakangiting sabi naman ni Aling Lilia.

“Salamat, mare! Naku, buti na lang at mayroon kang malunggay rito sa inyo. Napakahirap kasing magtanim sa amin at alam mo namang puro semento roon.”

Taga kabilang purok pa kasi si Anastacia at ang lugar ng mga ito ay purong sementado dahil na rin ang halos kabuuan ng mga lupa roon ay pagmamay-ari ng kapitbahay nilang may kaya sa buhay.

“Sandali, hindi ba at napakarami namang tanim na ganiyan doon sa bakuran ng kapitbahay n’yo? Iyong si Aling Felicidad na laging laman ng simbahan? Bakit naman dumayo ka pa rito, e, pagkainit ng panahon?” takang napatanong si Aling Lilia sa kaniyang kumare nang maalala ang kapitbahay ng huli.

Bigla namang sumimangot ang mukha ni Anastacia pagkarinig sa pangalan ng kaniyang kapitbahay. “Asa ka pang mamigay ’yon, mare! Sus! Napakaramot ng matandang ’yon kung alam mo lang. Nasubukan ko nang manghingi roon isang beses. Aba’y ang sagot ba naman sa aki’y hampaslupa raw ba ako’t malunggay lang, e, hindi pa ako makabili sa palengke?”

Nabigla si Aling Lilia sa sinabi ng kumareng si Anastacia. Napatakip din siya sa kaniyang bibig. “Talaga ba? Bakit naman niya sinabi ’yon? May naging alitan ba kayo noon?” sunod-sunod tuloy na tanong niya sa kaibigan.

“Naku, wala. Alam mo namang kahit kailan ay hindi ako nakipag-away at ayoko nga ng may ganiyan lalo’t may mga anak ako. Hindi ko alam kung bakit gan’on ang sinabi niya sa akin. Basta, simula noon, hindi na ako nakipag-usap sa kaniya. Iniwasan ko na ring magkasalubong kami sa daan.” Bakas ang inis sa mukha ni Anastacia habang nagkukuwento kay Aling Lilia.

“Aba’y bakit naman kaya gan’on ang ugali ni Aling Felicidad? Kung sino pa ang parating laman ng simbaha’y siya pa ang masama ang ugali, ay!” bulalas na lamang ni Aling Lilia na napapailing.

Sa totoo lang ay kalat sa kanilang lugar ang tunay na ugaling iyon ng matandang si Aling Felicidad. Kontra sa ipinapakita nitong palagiang pagsisimba tuwing araw ng linggo. Aktibong miyembro din ito ng simbahan at isa sa pinakamalaki kung magbigay ng donasyon. Sa tuwing naririnig din nila itong nagsasalita’y puro mga salita sa bibliya ang ibinabahagi nito na animo siya na ang isa sa pinakabanal na tao sa mundo.

“Aba’y banal lang pala sa nguso ang aleng iyon, ano?” natatawang komento pa ni Aling Lilia. Nakaramdam kasi siya ng awa sa naging kuwento nito kanina.

“Sinabi mo pa, mare. Hindi na ako magtataka kung bibig lamang niya ang mapupunta sa langit kung nagkataon. May mga tao talagang gan’on. Maka-Diyos kuno pero sa nguso lang, hindi sa puso,” pagsang-ayon naman ni Anastacia at dahil doon ay nagkatawanan silang dalawa.

Hindi muna pinaalis ni Aling Lilia ang kaibigan. Naghanap kasi siya ng maaaring paglipatan ng isa sa mga puno niya ng malunggay na hindi pa naman gan’on kalaki. Nang sa gan’on ay hindi na kailanganin pa ni Anastacia na puntahan siya sa tuwing kailangan nito ng naturang halaman.

Sa totoo lang, hindi palasimba si Aling Lilia ngunit malaki ang takot niya sa Diyos. Palagi siyang nakikipag-usap nang direkta sa Kaniya, upang magpasalamat sa mga biyayang natatanggap niya, humingi ng tawad sa mga kasalanang nagagawa niya kung mayroon man o hindi kaya’y humiling at magbuhos ng hinaing at sama ng loob. Katuwiran niya, hindi naman kailangang linggo-linggong magsimba o hindi kaya’y palaging magbigay ng malaking donasyon para lang masabing naniniwala ka sa Diyos. Kung minsan nga’y mas maigi pang ipakita’t ipadama mo na lang ang aral ng Panginoon sa iyong kapwa kaysa magbanal-banalan ka lang sa bunganga’t hindi sa gawa.

Ipinagpasa-Diyos na lamang nila ang maramot na si Aling Felicidad. Anila, hindi na nila ito kailangan pang pag-aksayahan ng panahon at laway dahil alam naman ng Diyos kung sino ang tunay na may mabuting puso.

Advertisement