
Nakasabay ng Binata ang Kaniyang Boss sa Pagbibigay ng Donasyon sa Simbahan; Nahiya Siyang Ipakitang Barya Lamang ang Kaniyang Maibibigay
Kaarawan ni Lance nang araw na iyon. Tamang-tama’t rest day niya kaya naman naisipan niyang ilabas ang kaniyang ina at kapatid upang makapag-celebrate sila ng kaniyang kaarawan kahit simple lamang. Balak niyang kumain sila sa isang pangmasang fastfood chain, ngunit naisipan muna ni Lance na dalhin ang kaniyang pamilya sa simbahan.
Isang panibagong taon na naman ang ibinigay sa kaniya ng Panginoon at alam ni Lance na dapat iyong ipagpasalamat sa kabila ng hirap na kanilang pinagdaanan sa loob ng taong iyon. Ang mahalaga ay matagumpay nila itong nalalampasan. Taos pusong nagdasal si Lance na punong-puno ng pasasalamat. Matapos iyon, nagpunta siya sa donation box na naroon sa gilid ng altar upang kahit papaano’y maglagay doon kahit pa nga ang pera niya’y tanging pangkain lamang nila ngayong pamilya.
Hawak na ni Lance ang baryang nagkakahalaga ng dalawampu’t tatlong piso at akmang ihuhulog na iyon sa donation box, nang maunahan siya ng taong katabi niya. Kitang-kita ni Lance na naghulog ito ng isang sobreng naglalaman ng makapal na halaga ng pera kaya naman napatingin siya sa taong iyon…
Agad na nakilala ni Lance ang kaniyang boss na noon ay tumingin din sa kaniya at ngumiti. “Naku, sir, magandang hapon po!” dali-daling bati ng binata.
“Good afternoon din, hijo,” nakangiti pa ring ganting bati naman nito sa kaniya. “Maghuhulog ka ba ng donation? Go ahead,” sabi pa nito at iginiya ang donation box na nasa pagitan nila.
Napakamot si Lance sa kaniyang ulo. “E, sir, bigla po akong nahiya. Nakita ko po kasi ’yong inihulog n’yo, ang dami. Samantalang ako’y ito lang…” sabay pakita niya sa baryang hawak niya. “Napakabuti n’yo po, sir,” sabi niya pa.
Hindi sa pagpapabango sa kaniyang boss kaya nasabi iyon ni Lance. Noon pa man kasi ay mabuti na ito sa kanilang mga empleyado nito sa kompanyang pagmamay-ari nito. Maayos silang tratuhin ng kanilang boss kaya’t labis ang paghanga ni Lance dito.
Tinapik ng kaniyang boss ang balikat ni Lance. “Naniniwala akong mas mabuti ka sa akin, hijo. Alam mo kung bakit?” Lalong lumawak ang pagkakangiti ng kaniyang boss. “Kasi, kahit ’yan na lang ang mayroon ka, kaya mo pang ibigay sa iba, lalo na rito sa simbahan,” dagdag pa nito na nagpangiti rin kay Lance.
“Salamat po, sir. Ihulog ko na po ito,” kakamot-kamot sa ulong aniya pa at dahil doon ay nagkatawanan sila.
“Bakit ka nga pala narito, hijo? Rest day mo ba ngayon sa trabaho?” maya-maya’y pag-iiba ng kaniyang boss sa kanilang usapan.
“Opo, sir. Mabuti nga po at nataon sa birthday ko itong rest day ko. May panahon po akong ikain sa labas si nanay at ’yong kapatid ko po,” sagot naman niya.
“O, talaga? Happy birthday, hijo! At kasama mo pala ang family mong nagsimba rito?”
“Opo, sir. Hayun po sila, o!” Saka itinuro ni Lance ang pwesto ng kaniyang ina at kapatid.
“Nakakatuwa ka naman, hijo. Gusto ko ’yang mas pinili mong kasama ang pamilya mo ngayong kaarawan mo. Iyong mga ibang kaedad mo kasi, mas gusto pang kasama ang barkada nila kaysa sa sariling pamilya.” Umiling-iling pa ang kaniyang boss matapos sabihin iyon at naging halata ang pagtamlay sa gilid nito. “Dahil diyan, nakaisip ako ng magandang ideya… halika’t sumama kayo sa akin at ililibre ko kayo sa isang salu-salo.” Tila biglang sumigla ang kaniyang boss sa naisip, samantalang si Lance naman ay nagulat.
“Naku, sir, nakakahiya po. Huwag na po,” agad niyang tanggi.
“Pagbigyan mo na ako, hijo… matagal-tagal na rin simula noong huli akong magkaroon ng kasalo sa pagkain. Iyong anak ko kasing babae, mas madalas pang kasama ang mga kaibigan niya kaysa sa akin,” natatawang pamimilit naman ng kaniyang boss kaya kalaunan ay napapayag na rin si Lance.
Tinanong sila ng kaniyang boss kung saan ba nila balak kumain nang araw na iyon at sinabi ni Lance na sa isang pangmasang restawran niya balak dalhin ang kaniyang ina at kapatid dahil iyon ang paborito nilang kainan. Hindi naman na binago ng kaniyang boss ang plano at masigla itong nakisalo sa kanila kahit mukhang iyon ang unang pagkakataon nito sa ganoong klaseng kainan. Naging masaya ang araw na iyon ni Lance at malaki ang pasasalamat niya sa kaniyang boss… ngunit bigla iyong nag-iba nang siya ay muling pumasok sa trabaho.
Nakasulat kasi ang kaniyang pangalan sa malaking tarpaulin sa bulletin board ng kanilang kompanya at sinasabi roon, na siya raw ay promoted na sa trabaho!
Nalaman niyang hindi lamang pala basta simpleng panlilibre sa kaniya ang layunin ng kaniyang boss nang sila’y ilibre nito kundi para mag-conduct ng isang assessment kung karapat-dapat bang mapunta sa kaniya ang posisyong matagal na nitong planong ibigay sa kaniya noon pa man.
Abot langit ang tuwa ni Lance dahil anang kaniyang boss ay wala nang iba pang karapat-dapat sa posisyong iyon kundi siya lamang!