Inday TrendingInday Trending
Ipinagmamalaki ng mga Tao sa Lugar na Iyon ang Isang Sikat na Kainan; Tuwing Linggo kasi ay Mayroon Silang Espesyal na Kasiyahan

Ipinagmamalaki ng mga Tao sa Lugar na Iyon ang Isang Sikat na Kainan; Tuwing Linggo kasi ay Mayroon Silang Espesyal na Kasiyahan

Mag-iisang buwan nang laman ng iba’t ibang articles, vlogs, social media posts, at balita sa radyo at telebisyon ang pangalan ng isang sikat na sikat ngayong kainan na tinatawag na “TASTE OF HAPINESS”. Pagmamay-ari ito ng isang guwapo, matalino at mayamang negosyanteng nagngangalang Joaquin Salcedo.

Dahil doon ay lalong dinagsa ng mga tao ang naturang kainan upang alamin kung ano nga ba ang espesyal doon at kung bakit maraming tao ang natutuwang dayuhin ito.

Masasarap na pagkain, maganda at malinis na ambiance, mababait na service crew at guwapong may-ari. Ilan lamang ang mga iyon sa magagandang katangian ng Taste of Hapiness mula mismo sa mga taong nakapunta at nakakain na rito… ngunit hindi pa iyon ang pinakarason nila kung bakit nila ito dinadayo.

Tuwing linggo kasi ay mayroong espesyal na kasiyahang nagaganap doon kung saan ang mga kostumer nila sa araw na iyon ay makakapanuod ng iba’t ibang klase ng performance mula sa mga batang lansangang binigyan ng pagkakataon ni Mr. Joaquin Salcedo na magpakita ng kani-kaniya nilang talento tulad ng pagkanta, pagsayaw, pagpapatawa, pagguhit at kung anu-ano pa na talagang ikinasisiya ng karamihan lalo’t naipapakita sa araw na iyon na ang mga batang lansangan pala ay may mga talentong nangangailangan lamang ng kahit kaunting pagkilala upang kanila itong ma-enjoy o hindi kaya ay pakinabangan.

Kapalit ng perfornmance ng mga batang lansangan ito ay sinusuportahan ni Mr. Joaquin Salcedo ang kanilang pag-aaral, allowance at pagkain na kung tutuusin ay sobra-sobrang biyaya para sa mga katulad nila.

Bukod doon ay nagpatayo rin si Mr. Joaquin Salcedo ng isang buong dormitoryo na maaari nilang tuluyan, lalo na doon sa mga batang walang pamilyang mauuwian o bahay na masisilungan. Hindi lang iyon. Marami sa mga costumers ng Taste of Hapiness ang malugod na nagbibigay ng donasyon para sa mga batang ito bilang pandagdag sa kanilang pangangailangan na maaari pa nilang ipunin o hindi kaya’y ipangsuporta sa kani-kaniya nilang pamilya.

Talagang tuwang-tuwa ang mga tao sa napakagandang hangarin ni Mr. Joaquin Salcedo na noon pa man ay kilala na bilang isang multi-billionare business man na animo nakahanap ng paraan upang direktang tulungan ang mga batang lansangan sa pamamagitan ng isa sa kaniyang mga negosyong ipinatayo niya para lamang mismo sa mga ito.

Hindi rin lingid sa kaalaman ng mga tao na hindi naman ipinanganak na mayaman si Mr. Joaquin Salcedo dahil siya ay isa rin noong batang lansangan na natulungan lamang ng isang institusyon.

Linggo na naman. Punong-puno na naman ng kostumers ang kainang Taste of Happiness nang araw na iyon. Karamihan sa mga ito ay may nakahanda nang pambigay sa mga batang magpe-perform ngayon. Talagang napakalaki ng naging impluwensya ni Mr. Joaquin Salcedo dahil maraming tao ang ginusto na ring maging kaulad niya mula nang simulan niya ang pakulong ito.

Napuno ng palakpakan ang paligid matapos ang handog na awitin ng mga batang napakalaki ng ngiti ngayon habang sila ay nakatayo sa entablado. Marami sa mga manunuod nila ngayong araw ang naantig sa makabagbag damdamin nilang pagkanta.

Ngunit tila mas dinoble ang pagiging especial ng araw na iyon para sa lahat ng mga bumubuo sa Taste of Happiness dahil ngayon din mismo ay kaarawan ng kanilang pinakamamahal na boss…

Humanga ang lahat nang biglang magsiakyat din sa stage ang iba pang batang lansangang tinutulungan ng kainang iyon ni Mr. Joaquin Salcedo upang sabay-sabay na batiin ang taong itinuturing nilang real life “hero”!

“Happy birthday, Boss Joaquin! Mahal ka namin!” ang malakas na hiyaw ng mga bata na sinundan pa ng malalakas na hiyawan at palakpakan ng mga ito pagkatapos ay sinimulan ulit nila ang makabagbag-damdaming paghahandog ng awitin para sa lalaki.

Hindi maiwasan ng mga taong bumisita ngayon sa kainan na maiyak dahil tila hinaplos ng matinding kasiyahan ngayon ang kanilang puso sa nakikitang sinseridad ng pagmamahal ng mga bata para sa lalaking nagbigay sa kanila ng panibagong pag-asa.

Ngayon ay napatunayan nila kung bakit Taste of Happiness ang napiling ipangalan ni Joaquin sa kainang iyon dahil totoo ngang ibayong kasiyahan ang hatid nito sa kanila.

Ilang taon ang lumipas mula nang unang makilala ang Taste of Happiness, ngunit tila hindi pa rin nalalaos sa madla ang pangalan nito. Taon-taon pa rin itong laman ng mga balita at usap-usapan dahil sa inspirasyong hatid nito.

Advertisement