Walang Amor ang Lalaking Ito sa Kumpareng Walang Pakisama sa Inuman, Di Naglaon ay Hiniling Niyang Sana’y Ginaya Niya Ito
Kahit may asawa na at may dalawang anak na si Robert ay di niya pa rin maiwanan ang kanyang mga bisyo -pagpaparty, alak, barkada, minsan pa nga, babae. E ano naman?Nagtatrabaho naman siya para sa pamilya, nagbibigay naman siya ng pera sa misis niya at isang sabi lang nito na may kailangan ang mga bata ay abot agad siya. Wala siyang nakikitang masama kung aaliwin niya ang sarili. Ang misis niya? Sus, minsan na siyang tinakot nito na lalayasan daw siya kapag di sya tumigil, akala naman talaga nito ay may pakialam siya. Lumayas nga ang babae pero di nakatiis at binalikan rin siya. Nakiusap na ang babae at dumating pa sa puntong nagmakaawa sa kanyang magpaka ‘tino’ na pero hindi umubra, hanggang nagsawa na lang ito at pinabayaan na lang siya. Mabuti naman. Pasalamat nga ito at umuuwi pa sya.
“Cheers!” itinaas ni robert ang kanyang basong may lamang alak, sumunod ang kanyang mga kaibigan, lahat sila ay may katabing mga babae pwera lang kay Carlos. Narito sila ngayon sa isang sikat at exclusive na bar sa Pasig.
Pagkagaling sa trabaho ay dito na nila napagkasunduang dumiretso, konting pagliliwaliw lang naman matapos ang nakakapagod na araw. Nasa kalagitnaan sila ng tawanan nang biglang mag-ring ang cellphone ni Carlos. Napaikot ang mata ni Robert nang marinig iyon, sigurado siyang ang mahigpit niya nanamang kumare iyon.
“Come on pare!” sabi niya rito na ikinumpas pa ang mga kamay, sinenyasan niya na kasi itong wag nang sagutin ang tawag pero sinenyasan rin sya nito na huwag maingay.
“Hello hon? Yes, oo naman. Gising pa ba? 15 minutes na lang ito, wag mo munang patulugin. Friday naman ngayon wala silang pasok bukas, sabihin mo kay CJ hintayin niya si daddy na umuwi, maglalaro kami ng dinosaur,” nakangiting sabi nito. Napaismid si Robert sa narinig.
“Come on pare the night has just begun! Wag mo naman sabihin sa aming uuwi ka na?” hindi makapaniwalang tanong niya rito. Napangiti naman si Carlos, tinapos na ang tawag at tumango sa kanya.
“Pare alam mo namang family first ang paniniwala ko,” paliwanag nito.
“Boo,” pangangantyaw ng iba pa nilang kasama, nagtatawanan ang iba.
“Alam mo pare, wag kang masyadong natatakot dyan sa misis mo. Pinagtatawanan ka na dito o? Para kang hindi lalaki pare, kami lahat dito walang paa-paalam!” mayabang na sabi ni Robert.
“Naku mali ka pare.. ako nga ang may ayaw na sumama. Si misis pa ang nagsabi na sumama ako para makalabas-labas naman daw. Ayaw kong umabuso pare, bonding time namin ito ng mga anak ko eh,” sabi nito, inubos nalang ang kaunting alak at tumayo na, dumiretso sa pintuan palabas.
Napapailing nalang si Robert, simula nang mag asawa si Carlos ay naging KJ na ang kaibigan niya. Ano naman ang silbi ng misis nito kung hindi pa maalagaang mag-isa ang kanilang mga anak? Pagdating ng panahon ay magsisisi ito dahil hindi ito nakaranas ng happy-happy sa buhay.
Makalipas ang maraming taon.
“Hello? Yes sir, natanggap po namin. Pero hindi niya po gustong kumain, depende lang po sa mood niya eh. Madalas niya pong inaaway ang mga naaassign na magbantay sa kanya,” sabi ng nurse. Kausap nito ang anak ni Robert sa telepono, nagpapadala kasi ang mga ito ng pera at pagkain palagi para sa ama. Pero ni isa man ay walang nagtangkang dumalaw at kunin ang kanilang tatay.
Matapos ang tawag ay humarap na sa matandang nakaratay sa higaan ang nurse, hindi na masyadong makasalita si Robert, na-stroke kasi siya at siningil na ng bisyo at pang-aabuso niya noon sa katawan.
“Sir, ayan po. Sabi ng anak ninyo wag daw po sana kayong makulit at makisama daw po dito. Gusto nyo po bang initin ko ang sopas?” magalang na sabi nito.
Napabuntong hininga ang matanda.
“K-kakain lang ak-ako k-kapag p-pinasyal mo ako sa p-park,” hirap na hirap na sabi nito.
Dahil sa tapat lang naman ng nursing home ang park ay pumayag na ang nurse, tutal ay minsan lang makiusap nang maayos ang matanda. Gamit ang wheelchair ay ipinasyal niya ito sa park, tamang-tama lang ang panahon. Hindi tirik ang araw pero hindi rin naman umuulan. Maraming mga batang naglalaro. Maya-maya pa ay isang matandang lalaki naka-wheelchair rin ang lumapit sa kanya, tulak tulak ito ng isang binata.
“Robert? Pare?” tanong nito.
Nagulat naman si Robert nang mamukhaan ang kaharap. “P-Pare! Pasensya k-kana at h-hindi ako maka-makasalita na m-masyado,” sabi niya.
“Pare akalain mong magkikita pa tayo. Ito pala si CJ , bunsong anak ko. Nandito kami sa park para ipasyal siya at maghanap ng dinosaur,” biro nito sa anak.
“Ang daddy talaga, hanggang ngayon puro joke! Hello po sir, CJ po,” sabi ng binata at kinamayan siya. Naiinggit si Robert sa samahan ng mag ama, halatang-halata naman kasi na close ang dalawa. Anak pa ni Carlos ang nagpapasyal dito samantalang ni hindi siya magawang silipin ng mga anak, basta lang nagbibigay ng pera ang mga ito para sa nursing home, tulad lang halos ng ginagawa niya sa mga ito noon.
Noon ay naisip niyang sana, sa halip na nag inom ay nagbigay siya ng panahon sa mga anak. Hindi si Carlos ang nagsisi na hindi natikman ang ‘happy happy’ noong kabataan nila, kung hindi siya. Dahil ang tunay palang ‘happy happy’ ay makukuha lang sa piling ng pamilya.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.