Nagmaldita ang Babae Dahil Saksakan ng Pangit Pala ang Katagpo Niya, Nanghina Siya nang Malaman ang Tunay na Katayuan ng Lalaki
Muling sinuklay ni Hanna ang kanyang buhok, tapos ay sinilip ang sarili sa maliit na salaming palagi niyang dala sa kanyang bag. Ah, buti na lang ang ganda pa rin niya. Na-stuck kasi siya sa traffic kanina sa coastal mall, napakaraming taong nag aabang ng sasakyan at kaunti lang ang namamasadang pampasaherong bus dahil mayroon yatang hulihan. Perwisyo talaga.
Ngayon ay ang araw ng pagkikita nila ng kanyang textmate, si Pocholo. Kaya naman kahit ano’ng init sa paligid ay todo ang ngiti ng dalaga, paano kasi, alam niyang ito na ang pagkakataon para lalong mahulog sa kanya si Pocholo. Matalinong kausap ang lalaki, halatang galing sa mayamang pamilya dahil may breeding at maraming nalalaman tungkol sa mga sosyal na pagkain. Bukod doon, ang gwapo ng boses! Sigurado siyang gwapo rin ito sa personal.
Aba, hindi rin naman ito lugi sa kanya. Maganda siya, mahubog ang katawan, maputi at makinis ang balat kahit pa hindi naman siya nanggaling sa mayamang angkan. Napakarami niyang manliligaw pero ni isa man sa mga ito ay wala siyang sinagot. Bakit, tanga ba siya? Galing na nga siya sa hirap ay mahirap pa rin ang pipiliin niya? Syempre, dapat mayaman at gwapo. Sa madaling salita, para siyang nakabingwit ng malaking isda ngayon, si Pocholo.
Pagkababa niya ng jeep sa tapat ng SM Mall of Asia ay muli niyang sinilip ang kanyang mukha sa salamin. Siniguro niya munang hindi siya oily at hindi magulo ang kanyang buhok. Tapos ay naglakad na siya patungo sa napag usapan nilang coffee shop, maya maya pa ay matyaga na siyang naghihintay sa pagdating ng lalaki.
Dyan ka na? What is the color of your shirt? Sorry late, traffic.
Kinilig ng kaunti si Hanna nang mabasa ang text ni Pocholo, maisip niya pa lang na finally, magkikita na sila ay parang napapatalon na ang kanyang puso.
D2 na ako sa coffee shop. Suot ko stripe na polo, bag ko kulay peach at naka-heels ako na white.
Paglalarawan ni Hanna sa kanyang sarili upang madali siyang makilala ng kanyang ka eyeball.
Medyo nagtagal pa ng 15 minutes at naiinip na si Hanna, baka naman niloloko lang siya nito? Baka naman wala naman talagang balak na makipagkita at pinapaikot lang siya? Bwisit. Pero napalingon siya nang may tumawag sa kanya.
“Hanna?” sabi ng boses ng isang lalaki.
“Yes-” naputol ang malambing sanang pagsagot ni Hanna nang masulyapan niya na ang kaharap. Maliit, payat, sarat ang ilong at maitim.
“Ako si Pocholo.. kumusta?” tanong nito sa kanya, napakatamis ng ngiti.
Kabaligtaran naman ang nararamdaman ni Hanna dahil nasusuka siya, sa katunayan ay gustong gusto niya nang tumakbo sa CR upang sumuka. Ang tanga-tanga niya! Bakit siya nagpauto sa ganitong ka-panget?!
“I-ikaw si Pocholo?” tila ayaw pa ring tanggapin ng sistema niya ang sinasabi nito.
Pero tumango ang lalaki. “Oo, huy, ayos ka lang ba?” tanong ulit nito.
“Ayos? Paano ako magiging ayos? Sa mukha mong yan feeling mo magiging ayos ako! Ang panget mo bwisit! Wag mo nga akong madikit dikitan riyan, baka akalain ng iba e nagde-date tayo, nakakadiri! Pwe!” pagsigaw ni Hanna kaya medyo pinagtinginan silang dalawa.
Tila napahiya naman ang lalaki at naglakad na ito palayo sa kanya.
Hay nako! Pinagpawisan siya! Nagpaganda pa siya, ubod naman pala ng panget ng kakatagpuin niya ngayong araw, pag minamalas nga naman! Bwisit!
Saglit na nanatili pa ang babae doon at inubos ang inorder niyang kape bago ay tumayo at lumabas na. Hindi niya alam na isang pares ng mga mata ang kanina pa nakamasid sa kanya, nadidismaya si Pocholo sa nasaksihan. Umasa pa naman siyang mabait ang babaeng makikita dahil iyon ang sinabi nito sa kanilang mga pag uusap.
Maya maya pa ay lumapit dito ang lalaking nakausap ni Hanna, ang lalaking ‘panget’ ayon sa babae.
“Sir Pocholo, tinarayan ako eh,” sabi ng driver niya.
“Salamat Rannie ha,” atleast nalaman niya ang ugali ni Hanna. Hindi alam ng babae, ang totoong Pocholo ay singkit, matangkad at tisoy. Tama ang lahat ng nasa isip niya, nalimutan ng babae na matalino ito at ang pangyayari kanina ay tila ba pagsubok lamang upang malaman ang totoong ugali nya.
Nagpapasalamat na rin si Pocholo dahil habang maaga pa ay nabunyag na ang totoong kulay ng babaeng napupusuan, kung hindi pa sa tulong ng kanyang driver ay patuloy siyang malilinlang sa pagpapanggap nitong mabait.
Natatawa na lang siya kapag naaalala na minsan nang sinabi ni Hanna na kahit ano pa ang itsura niya ay ayos lang dito, sa ipinakita nito kanina ay halata namang hindi iyon totoo.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates, I-like lamang ang aming Facebook page.