Inday TrendingInday Trending
Hihinto na sa Pagtratrabaho ang Ale na Ito Ngunit Pagtabang Naman ng Trato ang Matatangap Niya sa Kamag-anak, Mas Malaki pala ang Pagsisisihan Nila

Hihinto na sa Pagtratrabaho ang Ale na Ito Ngunit Pagtabang Naman ng Trato ang Matatangap Niya sa Kamag-anak, Mas Malaki pala ang Pagsisisihan Nila

“Jona, uuwi na ba talaga ang nanay mo rito sa ‘Pinas? Bakit parang ang aga naman yata,” wika ni Aling Maya, tiyahin ng babae.

“Pagod na raw si mama, isa pa, dalawang taon na lang din naman at magtatapos na ako sa kolehiyo,” sagot ng dalaga sa kaniya.

“Ayun na nga, may dalawang taon ka pang pupunuin baka naman mahirapan siya sa pera. Alam mo naman kaming mga kapatid ng tatay mo ay wala talagang maitutulong sa inyo. Kayo pa nga itong inaasahan namin,” saad muli ng kaniyang tiyahin.

“Naku, buo na ho ang desisyon nun at hindi ka rin nag-renew ng pasaporte niya. Baka nga sa susunod na buwan ay nandito na ‘yun sa atin,” sagot ni Jona rito.

“Ay siya, pasabi naman na pasalubungan niya ang ng isang rolyo ng cling wrap at foil,” tumatawang sabi ng tiyahin niya at sabay hampas pa ng mahina sa binte ng dalaga. Ngumiti naman si Jona at hindi na nagsalita.

“Naku, ‘ma, ‘yung mga kamag-anak natin dito mukhang ayaw ka pa yatang pahintuin magtrabaho. Hay naku, si Tiyang Maya ay nanghihingi pa ng pasalubong,” wika ng dalaga sa kaniyang ina habang kausap ito sa telepono.

“Hayaan mo na sila, alam mo naman ‘yang mga ‘yan. Dapat nga sila itong tumutulong sa atin pero simula nung mawala ang papa mo ay nakasandal na rin sila sa atin,” baling ni Aling Rodora sa anak.

“Kaya nga, hay naku, kaya umuwi na kayo rito at magnegosyo na lang tayo. Kaya naman na natin, ‘ma, magtiwala ka. Mas gusto kong nandito ka kaysa pera ang napapadala mo sa akin. Kitain natin ang pera nang magkasama,” malambing na sabi ng kaniyang anak. Napaluha na lamang si Rodora at nagpapasalamat na hindi ito nagmana sa ugali ng pamilya ng kaniyang ama kahit nga roon ito lumaki.

Halos pitong taon na rin ang nakakalipas simula nang mabalo ang ale at napilitan na mangibang bansa upang buhayin ang kaniyang anak at ang mga utang na iniwan sa kaniya ng yumaong asawa. Laking pasasalamat na lamang niya at naging kaagapay niya ang mga kapatid at pinsan ng asawa na siyang nagbantay sa anak noon nasa ibang bansa siya. Ngunit kaakibat din noon ang walang humpay na paghingi sa kaniya ng kung ano-ano at pag-utang ng pera na nabaon na sa limot at hiya.

Makalipas ang ilang buwan ay umuwi na si Rodora sa kanila.

“Naku, pasensiya na kayo at hindi na ako nagdala ng mga pasalubong. Alam niyo naman na siguro na hindi na ako babalik sa ibang bansa kaya tinipid ko talaga ang pera ko,” malungkot na wika ng babae sa mga kamag-anak ng yumao niyang asawa na nagpunta kaagad sa bahay nila.

“Naku, ayun na nga! Dapat nagpadala ka man lang sa amin kahit tsokolate. Ano ba ‘yung pahuling hirit ay hindi mo pa napagbigyan. Wala na kaming mga cling wrap at kung ano-ano! Mamimiss namin ‘yun!” saad ng isang babae habang paikot-ikot sa bahay nila habang nakahalukipkip pa ito.

“Hindi ba mas importante na nandito na ako, mababantayan ko na ang anak ko at magkakasama na tayo,” nakangiting sagot niya sa mga bumisita.

Wala namang nagsumagot sa kaniyang sinabi at nagsi-alis na lamang basta ang mga ito.

Hindi lamang doon nagtapos ang pagtabang ng pakikitungo sa kaniya dahil habang tumatagal na wala siyang maibigay na pera ay hindi na rin siya makahingi ng pabor sa mga ito.

“Ate Helen, aalis na kami ni Jona rito, lilipat na kami sa Cavite,” wika ni Rodora sa panganay na kapatid ng yumaong asawa.

“A, ganun ba, bakit kayo aalis dito? May problema ka yata sa amin kaya aalis ka,” pabalang na sagot ng babae sa kaniya.

“Hindi po, natapos na kasi ang apartment na pinatayo ko roon at doon na kami maninirahan para masimulan ko na rin ang negosyo kong paupahan ng bahay,” saad ni Rodora rito.

“Ha? Nakapagpatayo ka ng apartment? Bakit hindi mo man lang sinabi sa amin? Doon na kami titira para hindi na kami mangupahan dito!” mabilis na singit ni Aling Maya, isa pa kapatid ng yumaong asawa.

“Naku, may nakakuha na ho lahat ng pinto kaya wala ng bakante. Hayaan niyo bibisita kami rito paminsan-minsan,” ngiti ni Aling Rodora sa dalawa at saka umalis.

“Kung hindi lang sana naging matabang ang pagturing ng mga ‘yan sa atin ay ibibigay ko ang isang pinto sa kanila pero mabait lang kasi sila kapag may kailangan,” wika ni Aling Rodora sa anak.

“Hayaan mo na, ‘ma, ang importante ay makakapagsarili na tayo at malalayo sa mga utang na loob na napakahirap bayaran sa mga tiyahin ko,” sagot ni Jona at niyakap ang kaniyang ina.

Simula noon ay lumipat at nanirahan silang malayo sa mga kamag-anak ng kaniyang dating mister at mas malayo sa gulo at chismis. Sa kabilang banda naman ay sisingsisi ang mga kamag-anak na naiwan dahil wala silang nakuha ni isang kusing kay Rodora, nagising na nga raw ito sa mga kasugapaan nila.

Advertisement