Grabe Kung Maliitin at Laitin ang Anak ng Magsasaka; Tiklop ang mga Bibig Nila nang Makaahon Ito sa Hirap
“Anak ka ng magsasaka ‘di ba?” tanong ng lalaking kamag-aral ni Paul.
“O-oo… bakit?” nahihiyang tugon naman ng bata.
“Wala, e ‘di madungis ka palagi kasi maputik sa palayan? Pati magulang mo siguro mabaho kasi marumi,” natatawang panglalait ng batang lalaki.
“Hindi totoo ‘yan! Masipag ang nanay at tatay ko at marangal ang trabaho nila!” pagtatanggol naman ni Paul.
“Eww! Naliligo kasama ng kalabaw!” pang-aasar pa ng isang kamag-aral.
Ganoon ang naging buhay ni Paul dahil anak siya ng isang magsasaka at mahirap ang kanilang buhay. Tampulan siya ng tukso ng mga kamag-aral dahil sa estadong iyon ng kanilang buhay.
“O anak, bakit ka nakasimangot? May nangyari ba?” tanong ng in ani Paul.
“W-wala po, ‘nay. Magpapahinga lang po ako,” malamig na tugon naman ng bata.
“Halika, may niluto akong ginataang bilo-bilo. Kumain ka muna! Paborito mo ito ‘di ba?” nakangiting tanong ng ginang.
Napangiti si Paul dahil paboritong pagkain niya iyon. Gustong-gusto niya iyon lalo na kapag ang nanay niya ang nagluluto. Isang mangkok ng bilo-bilo ay kaya nang pawiin ang sama ng loob niya.
Araw-araw ay halos nilalait at inaasar ng mga kaklase si Paul. Madalas ay yumuyuko na lamang siya at hindi na kumikibo pa. Wala rin naman siyang magagawa. Karamihan kasi roon ay may kaya at nakakaangat sa buhay.
“Siguro kaya maitim ka kasi anak ka talaga ng alagang kalabaw ng tatay mo?! Tapos pinulot ka lang nila sa dumi nito!”
“Nakita ko nga ‘yan dumedede sa kalabaw nila e!” banat naman ng isa pang bully na kaklase.
“Wala na ba kayong ibang alam kundi ang laitin ako at ang pamilya ko? Inaano ko ba kayo ha?” mangiyak-ngiyak na sabi ni Paul at saka patakbong umalis sa silid-aralan.
Umiiyak na umuwi ang bata sa kanila. Nadatnan niyang nagpapahinga ang ina mula sa pagpapalayan.
“Anak, anong nangyari sa iyo? Bakit ka umiiyak ha?” nag-aalalang tanong ng ginang.
“Ayoko na po pumasok nay! Ayoko na sa eskwelahan!” umiiyak na sigaw ng bata.
“Bakit? Anong problema?”
“Wala na silang ibang alam gawin kundi ang laitin po ako, nay! Kasi anak daw po ako ng magsasaka at mahirap lamang ako. Parang wala po akong karapatang mabuhay dahil pinanganak po akong ganito ang estado,” hagulgol ng bata.
“Ang anak ko…” lumapit ang ginang at saka niyakap ang anak. “Hindi mo kasalanan na ipinanganak ka sa ganitong estado ng buhay, pero may kakayahan kang baguhin ang hinaharap. Kaya kung ipagpapatuloy mo ang pag-aaral mo, darating ang panahon na makakaahon ka rin mula sa kahirapan.
Kaya kung anoman ang sinasabi nila sa’yo, wag mo na lang pansinin. Hindi naman masusukat ang tunay mong halaga depende sa sinasabi nila sa’yo. Mahal kita, anak at mahalaga ka. Kayang-kaya mo iyan!” malumanay na paliwanag ng ginang sabay halik sa noo ng anak.
“S-salamat po, inay…” isang mahigpit na yakap naman ang sinukli ni Paul.
Nagtapos si Paul na Salutatorian sa elementarya. Siya sana ang first honor kung hindi lamang binayaran ng magulang ng isang kaklase ang guro para itaas ang grado nito.
Nang mag hayskul ay hindi pa rin natapos ang pambu-bully kay Paul. Doon kasi nauso ang mga mp3, camera at mga cellphone, na hindi naman nila kayang mabili.
“Ay kawawa naman ang anak ng magsasaka, hanggang tingin lang sa mga cellphone namin, hindi kasi makabili!” pang-aasar ng may kayang kaklase.
“O itago n’yo na iyan! Kapag may nawala, kilala ninyo na ang nagnakaw ha? Yung mahirap rito!” pang-iinsulto naman ng isa pang kamag-aral.
Labis na nasasaktan si Paul sa mga naririnig. “Alam kong anak-mahirap ako, pero pinalaki ako ng magulang ko ng may magandang-asal. Hindi ako magnanakaw! At kahit magsasaka ang mga magulang ko, marangal ang ginagawa nila.
Walang kahit sino sa inyo ang may Karapatan maliitin ako dahil may pera kayo! Balang-araw, makikita ninyo, aangat rin ako sa buhay!” galit na tugon ni Paul sa mga kaklaseng nagtatawanan.
Umuwing nakasimangot muli ang binatilyo. Agad itong napansin ng kaniyang ina kaya naglabas ito ng isang mangkok ng bilo-bilo at inilagay sa harapan ng anak.
“Gusto mo bang pag-usapan?” tanong ng babae.
“Nay… Bakit ganoon po? Bakit sa mundong ito, kapag mahirap ka, hindi na pantay ang trato sa’yo? Bakit parang kasalanan na maging mahirap?” tanong ng binatilyo.
“May mga tao talagang ganoon, anak. Hindi maiiwasan iyon. Alam kong nasasaktan ka sa mga naririnig mo at alam kong nahihirapan ka na sa mga ginagawa nila sa’yo, pero gusto kong malaman mo na sobrang humahanga ako sa katatagan mo. Ano nga ulit sa ingles iyon? Proud ba iyon?” sabi ng ginang.
“O-opo, nay. Proud po…”
“Iyon, proud na proud ako sa’yo, anak! Kung alam mo lang kung gaano kita ipinagmamalaki. Ipagpatuloy mo lamang ang laban. Malaki ang tiwala ko sa’yo na kakayanin ang mga pagsubok, anak,” saad pa ng ina ni Paul.
“Salamat, ‘nay. Hindi ko na lamang po sila papansinin.”
“Anak, makinig ka. Ilang taon na kaming magsasaka ng ama mo. Ilang taon nang puro bigas at palay ang laman ng palad namin sa araw-araw. Ibabahagi ko lamang sa’yo ang aral na natutunan ko mula rito.
Ang palay, kapag may laman iyan, palagi itong nakayuko. Pero ang palay kapag walang laman, asahan mo, lagi iyang nakatingala at sumasabay lang sa ihip ng hangin. Ganoon rin naman sa mga tao.
Ang mga taong may laman ang isip, tahimik at nakayuko lamang iyan, pero ang taong walang alam at walang laman ang utak, sila ‘yung maiingay! Sila iyong parating may masamang nasasabi sa mga tao. Sila ‘yung mahilig manlait ng kapwa nila.
Kaya anak, wag mong sanang masyadong damdamin kung nasa iyo parati ang mata ng mga taong laging nakatingala, dahil pagdating ng araw, mananatili pa rin silang nakatingala, pero sa pagkakataong iyon ay dahil ikaw naman na ang nasa itaas.
Malaki ang tiwala ko sa’yo at bilib ako sa kakayahan mo. May magandang bukas na nag-iintay sa’yo, anak,” payo ng in ani Paul habang nakahawak sa mga kamay ng anak.
Pumatak naman ang mga luha ng binatilyo nang marinig ang payo ng ina. Totoo ngang nasasaktan siya sa mga sinasabi ng iba, pero hindi iyon ang sukatan ng kaniyang pagkatao. Alam niya ang tunay na kakayahan ng sarili at hindi lamang sa ganoon magtatapos ang lahat.
Kahit inuulan ng tukso at panlalait, tinatagan ni Paul ang kaniyang loob. Nag pokus siya sa mas importanteng bagay – ang kaniyang pangarap.
Class valedictorian si Paul nang magtapos ng hayskul. Nakapasok rin siya sa pinakamagaling at pinakamalaking unibersidad sa Pilipinas. Kumuha siya ng kursong alam niyang makakatulong sa kaniya at kanilang pamilya. Kahit isang kusing ay wala silang binayaran sa kolehiyo, dahil sa scholarship at mga sideline niya.
Labing dalawang taon ang lumipas…
“Napakasarap talaga ng ganitong tanawin,” nakangiting sabi ni Paul habang minamasdan ang luntiang palayan sa kaniyang harapan. Nilalanghap niya ang sariwang hangin ng kapaligiran habang humahalik ang sinag ng araw sa kaniyang balat.
“Grabe pala ang lawak ng lupain ninyo, sir!” namamanghang sabi ng kaniyang assistant.
Napangiti lamang ang lalaki at humarap. “Ito ang aking pinanggalingan at dito ako lumaki. Dito ko rin nalasap ang pinakamasasakit na pangyayari sa buhay ko at dito ko rin pala matatagpuan ang kaginhawahan.”
“Ano pong ibig ninyong sabihin, sir?” tanong ng babae.
“Dito nagtra-trabaho ang magulang ko noon. Pareho silang magsasaka at umagang hanggang gabi sila sa bukid na ito. Mababa ang tingin ng tao sa amin dahil ganoon ang estado ng buhay namin, pero ngayon, ako na ang may ari ng malaking kalupaang ito. Hindi mo nga naman masasabi ang kapalaran kapag umikot na ito,” saad pa ni Paul.
Napangiti rin ang assistant dahil napagtanto niya ang ibig sabihin ng kaniyang boss. “Hindi kayo nakalimot sa pinanggalingan ninyo, sir. Isa siguro sa dahilan iyon kung bakit matagumpay kayo ngayon.”
“Maaaring isa siguro iyon sa dahilan, pero ang tunay na tagumpay ay nakakamtan lang ng mga taong hindi marunong sumuko. Oo, mahirap kami, pero hindi naging dahilan iyon para hindi ko abutin ang mga pangarap ko. Hindi kailanman dapat maging hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng pangarap.
Dadaan tayo sa malubak na daan sa buhay. Babagsak at mabibigo kung minsan, pero dapat magpatuloy lang. Sino bang mag-aakala na ang mahirap na anak noon ng magsasaka ay magiging businessman na ngayon?” natatawang sabi pa ng lalaki.
“Kaya hanga ako sa’yo, sir e! Kayo lang ‘yung kilalang kong matagumpay na pero napakababa pa rin ng loob! Tara kape, sir?” pag-aaya naman ng assistant.
Nang makapagtapos ng kolehiyo noon, nagtrabaho agad si Paul at masuwerteng nakakuha ng maayos na trabaho na malaking sweldo. Mula sa kinikita ay nag-ipon siya paunti-unti ng pera hanggang sa maging sapat ito para makapagbukas ng Negosyo.
Una niyang ipinagawa ay ang bigasan na regalo niya para sa magulang. Pumatok ito at lumago pa, dahilan para makapagbukas sila ng marami pang tindahan at iba pang negosyo.
Ngayon ay isa si Paul sa may-ari ng malalaking Rice Mill sa Pilipinas. Mayroon na rin siyang malalaking taniman ng mga prutas na nakakapag-export palabas ng bansa. Mayaman na siya at maginhawa ang buhay, pero kahit ganoon, hindi siya nakalimot kung saan siya nagmula.
Ang ilang mga kamag-aral na nanglait sa kaniya ngayon at nakatingala na sa kaniya dahil boss siya ng mga ito. Nagtratrabaho ang mga ito sa mabababang posisyon sa kaniyang kompanya, pero kahit na ganoon, hindi naman nagtanim si Paul ng sama ng loob at pinili na lamang tumulong. Sapat na rin siguro na isang malaking sampal sa kanilang mukha na ang dating nilalait ay ang boss na nagpapasweldo at nagpapakain sa kanilang pamilya ngayon.
Maraming tao ang pipilitin na hilahin tayo pababa. Mamaliitin tayo na tila ba isang maliit na alikabok lamang tayo sa kanila. Pero bilog ang mundo ang iikot pa rin ang gulong ng kapalaran. Ipagpatuloy mo lamang ang pag-abot sa pangarap kahit na ano pang sabihin ng iba. Pasasaan pa’t balang-araw, magugulat na lamang sila dahil ikaw na ang nasa itaas.