Kilalang sikat sa eskwelahan si Keisha Madrigal. Bukod sa maganda at balingkinitan ang katawan ay mabait at palakaibigan ang dalaga. Mayaman din ito at kumpleto ang pamilya kaya naman kinaiinggitan ng lahat.
Akala ng lahat ay perpekto na siya ngunit may sikreto ang pamilya nilang hindi nalamaman ng kahit sino. Araw-araw niyang nararamdaman ang sakit sa tuwing sumasapit ang gabi. Naroon ang takot na lumulukob sa buong katawan niya dahil sa alaalang hindi niya makalimutan.
Alas-diyes ng gabi, pitong taong gulang si Keisha noong may pumasok na mga kalalakihan sa kanilang bahay. Maingat siyang bumaba sa hagdan at pinakinggan ang usapan ng tatlong lalaki. Mabuti na lamang at sarado ang ilaw kaya hindi siya nakita ng mga ito.
“Kailangan natin makuha ang anak ni Madrigal. Malaking pera iyon kapag nagkataon.” May hagikhikan pang narinig si Keisha kaya naman dali-dali siyang nagtatakbo pataas ng kwarto.
Nakita niyang mahimbing na natutulog si Keiza, ang kapatid niya, kaya naman nagtago siya sa aparador nila upang hindi makuha ng tatlong lalaki.
Maya-maya ay nakita niyang pumasok ang mga ito sa kanilang kwarto at kinuha ang kakambal niya. Umiiyak siyang nagsumbong sa mga magulang kaya agad silang tumawag ng mga pulis ngunit hindi na natagpuan pa ang kakambal niya.
Simula noon ay hindi na makalimutan ni Keisha ang gabing iyon. Lagi siyang binabangungot sa tuwing mahimbing ang kaniyang tulog na waring ipinapaalalang hindi niya nagawang protektahan ang kaniyang kakambal.
Lumipat na rin sila ng lugar nagbabakasakaking makalimutan ang lahat ngunit wala pa rin.
“Kung hindi ako nagtago, baka ako ang kinuha nila.” Napayakap sa sarili si Keisha habang umiiyak. Nasa kwarto siya ngayon at katulad ng ilang mga gabi ay nagising na naman siya matapos mapanaginipan ang pangyayari.
Umiiyak lamang si Keisha hanggang makatulugan niya ang pag-iyak.
Kinaumagahan ay magkakasabay na kumain si Keisha at kaniyang mga magulang. Namumugto ang kaniyang mga mata na halatang-halata kaya naman nahihiya siyang tumingin sa mga magulang.
“Umiyak ka na naman kagabi,” ang kaniyang ina ang unang nagsalita. Hindi siya umimik kaya naman nagsalita ulit ito.
“Hindi mo kasalanan iyon, Keisha. Lampas isang dekada na iyon kaya kalimutan mo na iyon.” Natigil sa pagsubo si Keisha at napatingin sa inang patuloy na kumakain.
“P-Paano ko kakalimutan ang gabing nawalan ako ng kapatid sa kadahilang iniwan ko siyang tulog gayong alam kong may balak na kumuha sa amin?” May hinanakit sa tono ng pananalita ni Keisha na nakapagpatigil sa kaniyang mga magulang.
“Ako ang may kasalanan ng lahat,” humagulhol niyang saad bago umalis sa harapan ng mga magulang.
Pumasok siya na namumula ang mata dahil sa kaiiyak.
“Keisha, may lilipat daw dito sa atin!” tuwang-tuwa na balita ni May na tanging kaibigan niya simula noon.
Tango lang ang tanging sagot ni Keisha.
Maya-maya ay tumunog na ang bell hudyat na nariyan na ang kanilang guro.
Hindi nga nagtagal ay dumating ito kasama ang isang babae. Gulat na gulat ang lahat nang makita ang bagong lipat na babae.
“M-may kakambal ka ba?” bulong ni May sa kaniya ngunit hindi siya nakasagot.
“Magandang umaga. Ako si Keiza Madrigal, ikinagagalak ko kayong makilala.”
Hindi malaman ni Keisha ang gagawin. Dali-dali siyang nagpunta sa harapan at niyakap ang bagong kaklase.
“K-Keiza,” garalgal ang boses na tawag ni Keisha.
“Kumusta na, Shasha?” Mas lalo pang umiyak si Keisha nang tawagin siya nitong Shasha katulad ng tawag sa kaniya nito noon.
Hindi alam ni Keisha kung paano lumipas ang oras dahil ang buong atensyon niya ay na kay Keiza. Hawak niya ang kamay nito sa takot na mawala ulit ang kapatid, kahit pa kinakabahan siya dahil baka galit na galit ito sa kaniya ngayon.
Nang matapos ang klase ay agad niyang dinala ang kapatid sa mga magulang. Nanghina ang mga ito nang makita ang nawalang anak. Samantalang nakangiti lang si Keiza at pinagmamasdan ang pamilyang matagal nawalay sa kaniya.
Ikinuwento ni Keiza ang lahat sa kanila.
Nang madukot itoʼy nakatakas din pala ito agad ngunit nawalan ito ng ala-ala kaya hindi agad ito nakauwi sa kanila. Mabuti na lamang at suot niya ang kuwintas na may nakaulit na pangalan nila ng kapatid, kaya naman unti-unti ay naging susi iyon upang malala niya ulit ang pamilya.
“Wala kang kasalanan, Shasha. Sabi sa akin nina mama, sinisisi mo raw ang sarili mo. Hindi mo kasalanan ang nangyari dahil natakot ka lang,” nakangiting sabi sa kaniya ng kapatid.
Hiniling ni Keiza na dalawin niya paminsan-minsan ang mga taong kumupkop sa kaniya na hindi naman tinutulan ng kaniyang mga magulang.
Muling nagsama ang pamilya at masaya ang magkapatid dahil buo na ulit sila.