Inday TrendingInday Trending
Kung Mahal Mo, Palayain Mo

Kung Mahal Mo, Palayain Mo

“Charlie, pasensya ka na pero hindi na talaga ako masaya sa relasyon natin. Palagi na lang tayong nag-aaway. Kahit maliit na bagay pinagtatalunan natin. Ayoko na ng ganito, Charlie,” pag-amin ni Leslie sa nobyo isang araw noong napagdesisyunan nilang lumabas.

“Iyon lang ba ang dahilan kung bakit gusto mong makipaghiwalay sa’kin? O, sige. Mas lalawakan ko pa ang pag-iintindi ko sa’yo. Huwag mo lang akong iwan. Sayang ‘yung mga nakaraang taon natin kung puputulin lang natin dahil sa hindi tayo magkaintindihan,” pangungumbinsi ni Charlie. Hindi siya sang-ayon sa kagustuhan ng dalaga.

“Charlie, hindi lang naman iyon ang dahilan. Sa totoo lang napapagod na kasi ako sa’yo. Nahihirapan na akong pasanin ka. Kailangan ko rin naman ng masasandalan. Hindi naman porke’t kilala mo ako bilang isang malakas na babae hindi na ako puwedeng manghina,” daing pa ng dalaga. Nanggigilid na ang mga luha sa mata ni Leslie. Napatigil naman sa pagkain ang binata.

“Diyos ko, Leslie. Kayang-kaya kong magpalakas para sa’yo. Pangako hindi na ako magpapabigat sa’yo. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko huwag ka lang mabigatan pa sa’kin. Ihahanda ko ‘yung sarili ko para may masandalan ka na. Pasensya ka na kung napakahina ko nitong mga nakaraang buwan. Babawi ako, pangako,” tugon ng binata habang hawak-hawak ang mga kamay ng dalaga.

“Hindi na, Charlie. Hindi ko na kailangan. Napagod na ako,” sagot ni Leslie tsaka tinanggal ang kamay niya sa mga kamay ng binata.

“Magpapahinga lang tayo kapag napapagod, hindi ba? Ikaw nagsabi noon,” depensa pa ng binata. Titig na titig siya sa mga mata ng dalaga kahit pa umaagos na ang mga luha niya.

“Kapag sobrang pagod na tama na,” sambit ng dalaga tsaka tumayo at tuluyang lumabas ng restawran.

Naiwang windang ang binata habang tinitignan niya kung paano mawala ang imahe ng pinakamamahal niyang dalaga.

Hayskul sweethearts kung tawagin sina Leslie at Charlie. Nasa hayskul pa lang kasi sila nung nagsimula silang magligawan. Nasa kolehiyo sila nang sagutin ng dalaga ang binata at hanggang sa magkatrabaho silang pareho ay parehas nilang pinapanindigan ang kanilang pangakong magsasama habang buhay.

Ngunit tila nawala sa landas ang binata. Lagi siyang umiiyak nitong mga nakaraang buwan. Hinang-hina siya nang mawala ang kaniyang ina. Naiintindihan naman ito ng dalaga pero isang taon na ang nakakalipas at hindi pa rin makatayo sa sariling paa ang binata. Palagi itong malungot at nagdadrama sa nobya dahilan para mapagod ito sa kakaintindi.

Nang araw ring iyon, matapos umalis ng dalaga, mayamaya pa ay umalis na rin ang binata. Pilit niyang tinatawagan ang dalaga. Desidido siyang ayusin at punan ang lahat ng kasalanan at pagkukulang niya ngunit ayaw talagang sagutin ng dalaga ang kaniyang mga tawag.

Kaya naman kinabukasan ay napagdesisyunan niyang puntahan na lamang ito sa bahay. Ngunit pagdating niya doon ay parang nakakita ng multo ang nanay ng dalaga.

“Bakit po, tita? Bakit parang gulat na gulat kayo?” pag-uusisa ni Charlie pero hindi sumagot ang ginang.

Bigla namang lumabas ang dalaga at may kasama itong lalaki. Magkahawak pa ang kamay ng dalawa. Kitang-kita ni Charlie ang matatamis na ngiti ng dalaga na biglang nawala nang makita siya.

“Bakit ka nandito?” tanong ni Leslie tsaka pinapasok sa loob ang lalaking kasama.

“Siya ba? Siya ba ang dahilan kung bakit hindi ka na masaya sa’kin?” mangiyak-ngiyak na tanong ni Charlie. “Oo. Wala ka nang magagawa,” tipid na sagot ni Leslie dahilan para tuluyang maiyak ang binata.

“Kung mahal mo talaga ako hahayaan mo akong maging masaya. Papalayain mo ako,” dagdag pa ng dalaga.

Tumango lang ang binata bilang tanda ng pagsang-ayon niya sa kagustuhan ng dalaga.

“Kung iyan ang gusto mo, sige. Ayoko rin namang manatili ka sa’kin dahil sa napipilitan ka lang. Pero tandaan mo mahal kita kaya pinapalaya kita. Maging masaya ka sana sa kaniya,” iyak ni Charlie tsaka siya nanghihinang umalis sa bahay ni Leslie.

Araw-araw simula ng pangyayaring iyon ay unti-unting pinapaliwanagan ni Charlie ang kaniyang sarili na tama ang desisyong ginagawa niya at kailangan niya nang tanggapin ang mga pagbabago sa buhay niya.

Tinutukan niya na lang ang trabaho niya. Todo kayod siya dahilan kung kaya’t wala pang isang taon matapos ang hiwalayan nila ng dating nobya ay naging masagana ang buhay niya.

Nabalitaan rin ni Charlie na malapit nang ikasal ang babaeng pinakamamahal niya. Masakit man ay pinili niya itong tanggapin dahil alam niyang doon sasaya ang dalaga. Habang siya ay naghihintay sa tamang taong magpapasaya sa kaniya.

Kahit ipaglaban mo ang isang relasyon kung sa iba na masaya ang iyong kapareha wala ka nang magagawa kung ‘di tanggapin ito at maghintay sa tamang taong bubuo muli sa’yo. Mahirap man ngunit kailangan mong palayain ang taong pinahiram lamang sa’yo.

Advertisement