Inday TrendingInday Trending
Lipstick na May Bulong?

Lipstick na May Bulong?

“O, Cindy, anak, bakit naman parang halos sumayad na sa sahig iyang nguso mo? May problema ka ba?” tanong ni Aling Minda sa anak niyang nakabusangot sa kanilang sala.

“Wala po.” matipid na sagot ni Cindy.

“Kung wala, eh, bakit ganiyan ka? Dali na. Sabihin mo na kay mama ‘yung pinagdadaanan mo,” pangungulit ng ginang sa anak. Tila gusto niya talaga itong tulungan.

“Mama, ‘yung crush ko kasi hindi ako gusto. Ang gusto niya ‘yung kaibigan ko. Sobrang ganda kasi noon, eh, tapos ako ito lang. Jologs pa pumorma,” nguso ng dalaga.

“Teka. Hindi ba, mama, nakuwento mo sa akin dati na hindi ka rin gusto talaga ni papa? May ginawa ka po ba para mapansin ka ni papa?” pag-uusisa ng dalaga. Bahagya itong sumigla.

“Aba, siyempre meron! Nagpaganda ako. Saglit. Gusto mo bang gamitin ‘yung may bulong kong lipstick?” bulong ng ginang sa kaniyang anak. Napakunot naman ang noo ni Cindy sa sinabi ng ina.

“May bulong na lipstick? Ano pong ibig niyong sabihin?” tanong ng dalaga. “Iyong lola ko kasi noong nabubuhay pa binigyan niya ako ng lipstick at sabi niya kung sino raw ang mahahalikan mo habang gamit mo ito ay mapapa sa’yo. Gusto mong subukan? Malay mo mapa sa’yo rin ang crush mo,” tugon naman ni Aling Minda tsaka kinuha sa bag niya ang tinutukoy niyang lipstick.

“Ibig sabihin po kailangan ko siyang halikan?” tanong ng dalaga. Halata ang pagkapula ng mukha nito.

“Oo! Huwag ka nang mahiya. Naku, matanda ka na! Kailangan mo nang magkanobyo! Halika. Aayusan kita!” utos ng ginang tsaka hinila ang anak sa silid nito at inayusan.

Ganap na bente singko anyos na si Cindy ngunit hindi pa ito nagkakanobyo. Tutok kasi ito sa pag-aaral noon at nitong nagkatrabaho na subsob naman sa trabaho. Nagkakagusto naman siya sa mga lalaki ngunit walang umaaming may gusto sa kaniya. Hindi kasi siya pansinin at hindi palaayos kaya palaging umaangat ang kagandahan ng mga kaibigang babae na kasama niya.

Usap-usapan pa na ang natitipuhan niyang katrabaho ay may gusto raw sa kaibigan niya dahilan para ganoon na lang mapanghinaan ng loob ang dalaga.

Bago pumasok sa trabaho ang dalaga ay inayusan siya ng kaniyang ina. Tila nag-iba ang itsura nito lalo pa’t nang mabihisan ng isang magandang bulaklaking bestida.

Pagkapasok pa lang ni Cindy sa kaniyang trabaho ay naging laman na agad siya ng usapan. Tila nagdadalaga na raw ang jologs na babae.

Dumating ang kanilang break time at doon na isinagawa ni Cindy ang utos ng kaniyang ina. Nakita niyang pumasok sa banyo ang natitipuhan niyang lalaki kaya naman naglagay muli siya ng lipstick at inabangan niyang lumabas ang lalaki. Pagkalabas na pagkalabas nito ay agad niya itong hinalikan. Gulat na gulat ang lalaki sa ginawa ni Cindy ngunit mayamaya pa ay ang dalaga na ang nawindang nang ipasok siya ng lalaki sa loob ng banyo.

“Hindi ko na papalampasin ang pagkakataon na ito. Tawagan mo ako bukas ng gabi. Magkita tayo,” bulong ng lalaki tsaka niya inilabas ng banyo ang dalaga na parang bang walang nangyari.

Nanghina naman si Cindy sa mga naganap. Sabi niya sa kaniyang sarili, “Mabisa pala talaga ang lipstick na ‘to!”

Agad niya itong binalita sa kaniyang ina. Tuwang-tuwa naman itong malaman na may tiyansa nang magkanobyo ang anak.

Kinabukasan, bandang alas sais ng gabi, tinawagan nga ng dalaga ang lalaki. Katulad ng sinabi nito ay nagkita nga sila. Tila hindi naman makapaniwala ang dalaga sa mga sinabi ng lalaki nang magkita na sila.

“Puwede ba kitang ligawan? Pangako gagawin ko ang lahat para sa’yo,” tanong ng lalaki tsaka niya inabutan ng mga bulaklak si Cindy. “Teka, seryoso ka ba? Mukhang dapat ko munang itanong ito sa mama ko. Saglit,” tugon ng dalaga tsaka tumawag sa kaniyang ina.

Nagtitili naman ang ginang nang malamang gusto nang ligawan ng binata ang kaniyang anak.

“Pero, mama, paano kung mawala na ‘yung bulong ng lipstick? Baka iwan niya ko. Baka masaktan lang ako,” pagdadalawang-isip ng dalaga.

“Anak, makinig ka. Wala talagang bulong ‘yung lipstick na bigay ko. Sinabi ko lang iyon para magkaroon ka ng lakas ng loob na humarap sa kaniya. ‘Yan na ang pinakahihintay mo, anak. Hindi ‘yan dahil sa lipstick dahil ‘yan sa kabaitan mo,” sagot ni Aling Minda dahilan para mapaluha si Cindy.

“Dalhin mo siya dito. Gusto ko siyang makilala,” dagdag pa ng ina.

Wala namang sinayang na oras si Cindy. Agad niyang niyakag sa kanila ang binata. Sumang-ayon naman ito kaagad.

Muling napatunayan ni Cindy na hindi nga dahil sa lipstick kaya siya nagustuhan ng binata. Sabi ng lalaki sa nanay niya, “Hindi po kasi siya maarte sa trabaho. Simple lang manamit, natural ang ganda. Iyon po ang tunay na nagpaganda sa anak niyo.” Walang iba kung ‘di kilig ang bumalot sa puso ng dalaga.

Isang taon ang nakalipas nang sagutin ni Cindy ang binata. Ramdam na ramdam niya ang pagmamahal ng binata sa kaniya. Tila mala-prinsesa nga ang tawag ng mga katrabaho nila kung paano siya tratuhin nito.

Walang imposible kung hindi ka ganoon kaganda o kagwapuhan. Ang pag-ibig naman ay wala sa itsura, nasa puso’t pag-uugali.

Advertisement