Isinukat ni Don Fabio ang tinastas, winarak, at dinumihang lumang baro at sinipat ang sarili sa malaking salamin sa loob ng kanyang magarang kuwarto. Natuwa siya sa kanyang nakita. Kapag ipinahid na niya sa kanyang mukha at katawan ang biniling itim na pintura, tiyak na magmumukha na siyang palaboy. Iyon ang nais niya; ang magmukha siyang pulubi.
Sitenta anyos na si Don Fabio, isang mayamang haciendero ng isa sa mga pinakamalaking niyugan at koprahan sa Nueva Ecija. Nararamdaman na niya ang mabilis na pagkahapo ng katawan, bagama’t regular naman ang kanyang medical check-up sa opisyal na doktor ng kanilang pamilya. Likas na mayaman ang pamilya ni Don Fabio. Hindi tulad ng ibang mga haciendero, malambot ang puso ng Don sa mahihirap. Hindi siya sakim sa pera. Pinasusuweldo niya ng tama at ibinibigay ang nararapat na porsyento sa mga upahang magsasaka sa kanyang lupain. Aktibo rin siya sa pagbibigay ng donasyon sa mga kawanggawa at pagtulong sa mahihirap.
Kamakailan lamang ay ipinatawag niya ang kaniyang mga kaanak upang ipabatid sa mga ito ang manang matatanggap nila mula sa kanya. Ang nalalabing kayamanan niya ay balak niyang ibigay sa isang karapat-dapat na estranghero. Balak niyang gawin ito sa pamamagitan ng pagpapanggap na palaboy. Kung sinuman ang tutulong sa kanya nang walang hinihintay na kapalit, dito niya ipagkakaloob ang natitirang kayamanan na nasa kanya.
Nang matapos ang pagbibihis bilang isang pulubi, sinimulan na niya ang kanyang pag-arte bilang isang palaboy. Tangan niya ang isang nanlilimahid na sako. Kunwari ay nagugutom siya’t manghihingi ng pagkain. Dumaan siya sa isang karinderya.
“Maawa po kayo sa matandang nagugutom. Kahit mga tira-tira po,” kunwari ay pakiusap ni Don Fabio sa babaeng may-ari ng karinderya.
“Layas! Bawal ka rito. Mamalasin ang karinderya ko. Baka walang customer na magpunta rito,” asik ng babae kay Don Fabio.
“Parang awa ninyo na po ale. Gagantimpalaan po kayo ng Panginoon kung pakikitaan ninyo ako ng kabutihan,” pagmamakaawa ni Don Fabio. Gusto niya talagang tulungan ang babaeng ito dahil nakikita niya itong halos hindi na magsara ng karinderya at masipag naman. Subalit hindi niya inasahang hindi pala maganda ang ugali nito.
Kinuha nito ang isang balat ng fried chicken na natira ng isang customer at itinapon sa pagmumukha ni Don Fabio, “Oh ayan! Magtiyaga ka sa tira!”
Hindi natuwa si Don Fabio. Hindi ito ang karapat-dapat na estranghero na hinahanap niya. Nagpatuloy sa paglalakad ang don hanggang sa makasalubong niya ang isang lalaking estudyante sa kolehiyo. Kumakain ito ng hamburger at milk tea.
“Parang awa na ninyo. Nagugutom ako. Akin na lamang ang tinapay mo,” kunwa’y sabi ni Don Fabio.
Tila nandiri naman ang estudyante at umiwas sa kanya. Tuloy-tuloy lamang ito sa paglalakad na parang hindi siya napansin.
Nagpatuloy sa paglalakad ang palaboy-laboy na si Don Fabio. Maya-maya, isang babaeng mukhang propesyunal naman ang kanyang nakasalubong. Wala itong dalang pagkain kaya sinubukan niyang manghingi ng pera.
“Pangkain ko lang po. Maawa na po kayo,” pagmamakaawa ni Don Fabio. Bubunot na sana ito ng pera subalit biglang nagbago ang isip.
“Magtrabaho po kayo kaysa namamalimos. Mukha ho kasing kaya pa ninyo. Pasensya na ho. Hindi ho ako nagbibigay ng limos,” sabi nito sabay talikod at nagpatuloy sa paglalakad.
Pinanghihinaan na ng loob si Don Fabio na may makikilala pa siyang taong may mabuting kalooban. Ganito na ba talaga ang daigdig? sa loob-loob ng Don. Habang siya ay naglalakad at tumitingin-tingin sa mga posibleng malapitan, may kumalabit sa kanyang batang lalaki. May bitbit din itong sako. Mukhang ito ang tunay na palaboy. Tila nangangalakal ito ng basura.
“Lolo, gutom ka ba? Sa iyo na ito,” alok ng batang gusgusin kay Don Fabio. Banana cue ang iniaabot nito. Napamaang si Don Fabio sa bata.
“Sige na po. Malinis po iyan. Kabibili ko lang ngayon,” muling alok ng bata.
“Paano ka? Gutom ka rin,” tanong ni Don Fabio sa bata.
“Ayos lang po iyan. Sabi kasi ng nanay ko, dapat daw pong igalang ang mga lolo at lola. Sige po kain na kayo.”
Nabagbag ang kalooban ni Don Fabio. Sa lahat ng mga taong nilapitan niya, hindi niya inaasahang sa isang batang palaboy pa niya matatagpuan ang kaniyang hinahanap.
Kinuha ni Don Fabio ang banana cue, kunwa’y inamoy-amoy ito. Pagkatapos, muling ibinalik sa bata. Inaya niya itong samahan siya sa bahay upang ihatid siya. Nang medyo nakalayo-layo na sila, nagulat ang bata dahil sa isang magarang kotse sila tumigil. Naghihintay pala sa isang lugar ang driver ni Don Fabio. Hindi makapaniwala ang bata na mayaman pala ang tinulungang lolo.
Isinama ni Don Fabio ang batang si Leroy sa kanyang mansyon. Inutusan niya ang kanyang mga katulong na paliguan ito at bilhan nang maayos na damit at sapatos. Tumalima naman ang mga ito. Pagkatapos, nagpahanda siya ng masasarap na pagkain para sa bata.
Habang kumakain, napag-alaman ni Don Fabio na si Leroy pala ay ulilang lubos na. Pumanaw sa sunog ang kaniyang mga magulang na nangyari sa squatter’s area kung saan sila naninirahan. Namumuhay siyang mag-isa ngayon dahil iyon daw ang turo ng kanyang nanay. Kailangang huwag siyang umasa sa iba at pagtrabahuhan ang lahat.
Inampon ni Don Fabio si Leroy upang maging opsiyal niyang tagapagmana sa mga natitira niyang ari-arian. Hindi naman tumutol ang kanyang mga kaanak sa kanyang ginawa. Natutuwa si Don Fabio na nasumpungan niya ang busilak na kalooban sa puso ng isang bata.