
Ang Mahusay na Guro
Isang mahusay na guro ng Araling Panlipunan si Ginoong Jesus Casipe sa isang pampublikong paaralan. Walang mag-aaral sa junior high school ang hindi nakakikilala sa kaniya. Bukambibig siya ng mga naging mag-aaral niya at laging pinatotohanan sa iba lalo na sa mga hindi pa niya nagiging estudyante kung gaano siya kahusay na guro. Paborito siya ng lahat.
Hindi lamang simpleng guro si Ginoong Casipe. Lagi niyang sinusundutan ng patawa at mga hugot ang mahihirap na aralin kaya naman mas nauunawaan ito ng kaniyang klase. Tinitiyak din niyang lahat ng kaniyang mga mag-aaral ay naiintindihan ang kaniyang aralin. Hindi sila maaaring umuwi na walang bitbit na panibagong kaalaman at karanasan. Laging ipinakikita ni Ginoong Casipe sa kaniyang mga talakayan na lubhang maraming suliranin sa daigdig subalit marami namang solusyon para dito.
Ginawaran ng pagkilala si Ginoong Casipe bilang “Natatanging Guro ng Taon.” Lalo siyang naging kilala at iginalang ng lahat. Marami tuloy sa kaniyang mga kasamahang guro ang nagkakagusto sa kaniya.
“Hello, Jesus! Ang galing mo talaga. Lodi kita. How to be you po?” pagbati ni Binibining Sales, guro ng Science na katabi ni Ginoong Casipe sa faculty room.
“Napakasuwerte naman talaga nang mapupusuan at mapapangasawa ni Sir Casipe. Bukod sa magaling na guro, matalino, gwapo, responsible pa,” puri naman ni Binibining Catacutan, isa sa mga kinatatakutang guro sa kanilang paaralan dahil istrikta ito. Bukod dito ay makapal din ang mga salamin nito sa mata na maihahalintulad kay “Miss Tapia.”
“Naku, binata pa po ang lodi natin! Hindi ba, Jesus?” pagmamalaki naman ni Ginoong Loreno, ang kaibigan ni Ginoong Casipe at nagtuturo naman ng asignaturang Filipino.
“Ano nga bang gusto mo sa isang babae, sir?” usisa ni Binibining Catacutan. Ngumiti lamang si Ginoong Casipe. “Sa ngayon ho wala pa iyan sa isip ko. Trabaho muna. Darating din ang tamang babae para sa akin sa takdang panahon.”
Tila kinilig naman ang dalawang gurong babae at nagpaalam na dahil may klase na sila.
“Mukhang may tama sa iyo si Miss Catacutan, ah,” natatawang biro ni Ginoong Loreno.
“Mabait lang talaga si ma’am. Nagtataka nga ako kung bakit hindi nakapag-asawa, eh,” tugon ni Ginoong Casipe.
“Siguro masungit talaga siya sa mga lalaki. Marami na raw nagtangkang manligaw sa kaniya pero walang pumasa. Baka ikaw puwede pa,” muling biro ng kaibigang guro. Napailing na lamang si Ginoong Casipe sa kaibigan.
Maraming nagkakagusto kay Jesus subalit mas pinili na lamang niyang ibigay ang atensyon sa pagtuturo. Masaya siya kapag nakikita niyang natututo ang kaniyang mga mag-aaral. Hindi ito matutumbasan ng kahit na anumang halaga ng salapi. Hindi siya aalis sa pagtuturo. Wala siyang alam na ibang trabaho kung ‘di ito.
Isang hapon, habang naglalakad pauwi, isang snatcher ang biglang tumangay sa bag ni Ginoong Casipe. Hinabol ito ng lalaki. Hindi dahil naroon ang kaniyang pitaka at mahahalagang gamit kung ‘di naroon ang kaniyang class record. Hindi niya namalayang nasa kalsada na pala siya at isang trak ang paparating sa kaniyang harapan. Nasagasaan siya’t tumilapon sa kabilang kalsada.
Dali-daling naitakbo ang guro sa ospital. Kritikal ang kaniyang kondisyon. Durog na durog umano ang kanang binti ni Ginoong Casipe. Isa lamang daw ang solusyon. Kailangan itong putulin dahil wala na umano itong pakiramdam. Walang magawa ang guro kung ‘di tanggapin ito. Sa isang iglap wala na siyang isang binti.
Hindi naging madali kay Jesus ang mga pangyayari. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyari sa kaniya. Dinadalaw siya ng kaniyang mga kasamahan at mga mag-aaral subalit naging matabang ang pakikitungo niya sa kanila. Sa isang kisapmata nawalan ng magandang disposisyon sa buhay ang hinahangaang guro. Ayaw na niyang bumalik sa pagtatrabaho. Ayaw na niyang magturo.
Upang mapagaan ang kalooban ng kaniyang kaibigan pinakiusapan ni Ginoong Loreno ang kaniyang mga kasamahang guro pati na ang mga mag-aaral na gumawa ng isang video message para kay Jesus. Laman ng video na ito ang pangungumbinsi nilang bumalik sa paaralan ang mahusay na guro upang ipagpatuloy ang pagtuturo. Nanggilid at bumalisbis ang luha sa mga mata ni Jesus nang mapanood niya ang video. Maraming nagmamahal sa kaniya.
Makalipas ang halos dalawang buwang pamamahinga ay muling bumalik ang guro sa paaralan. Nakasaklay siya. Subalit sa pagpasok at pagbabalik niya sa bawat klase ay makikita pa rin sa kaniyang mga mata ang dedikasyon sa pagtuturo.
“Naputol lamang ang binti ko pero hindi mapuputol ang pagmamahal ko sa inyo,” turan ni Ginoong Casipe sa kaniyang mga estudyante. Nagpalakpakan ang kaniyang mga mag-aaral at isa-isa nilang niyakap ang mahusay na guro.
Napagtanto ni Jesus na ang mga mag-aaral na nabigyan niya ng inspirasyon ang pinaghuhugutan niya ng lakas ngayon upang patuloy na makahakbang at makatayo sa buhay.