Inday TrendingInday Trending
Sumingit sa Pila ang Isang Lalaking Kukuha ng Pera sa ATM; Karma Pala ang Kaniyang Aabutin

Sumingit sa Pila ang Isang Lalaking Kukuha ng Pera sa ATM; Karma Pala ang Kaniyang Aabutin

Maganda na naman ang timpla ng araw ni George dahil pumasok na sa bangko ang kaniyang sahod. Sa wakas ay matutugunan na rin niya ang ilang bayarin at higit sa lahat ay mabibili na niya ang inaasam-asam na sapatos.

Habang nasa kaniyang sasakyan ay hawak na niya ang kaniyang ATM card at tinungo niya ang pinakamalapit na Automated Teller Machine para makapag-withdraw ng pera. Naunsyami siya nang makita ang mahabang pila ng mga tao na nais kumuha ng pera.

Agad niyang inatras ang sasakyan upang maghanap ng ibang ATM pero halos lahat ng kaniyang puntahan ay mahaba pa rin ang pila. Sa pagmamasid ng binata ay napansin niyang ang mga ito ay mga taong nasa laylayan ng lipunan dahil sa mga suot nito.

Dahil hindi na makatiis ay bumaba na itong si George sa kaniyang kotse at nagtanong sa guwardiya ng bangko.

“Manong, bakit napakarami yatang taong nakapila sa ATM ngayon? Saka bakit parang puro mahihirap ang nakapila? Lahat ba talaga sila ay kukuha ng pera? Kailan ba ‘yan matatapos?” tanong ni George.

“Naku, boss, mahaba-habang pilahan pa po ‘yan. Baka siguro abutin ng tatlong araw. Sila po kasi ang mga kumukuha ng ayuda sa gobyerno. Ngayon po ang araw ng kuhaan ng kanilang benepisyo,” tugon naman ng guwardiya.

“Sarado po ang bangko ngayon. Kung ako po sa inyo ay bumalik na lang kayo sa susunod,” dagdag pa ng ginoo.

Inis na inis itong si George dahil sa palagay niya ay inaabala siya ng mga taong ito.

“Manong, baka naman p’wedeng mauna na ako sa kanila tutal talaga namang kliyente ako ng bangkong ito,” pakiusap ni George.

“Naku, hindi po maaari, boss. Kung gusto n’yo ay kayo na lang po ang makiusap sa kanila. Pero sa totoo lang ay madaling araw pang naghihintay ang mga ‘yan,” sagot naman ng guwardiya.

Sa inis ni George ay umalis na lang siya at saka siya humanap ng ibang ATM para makapag-withdraw. Ngunit lahat ng malapit ay pawang puno ng pila.

“Lintek na mga ito, nais pa yatang ako ang lumayo para lang makakuha ng perang pinagpaguran ko naman! Makikita ng mga ito!” saad ni George sa sarili sabay baba ng kaniyang sasakyan.

Agad siyang naglakad patungo sa unahan ng pila. Ang ilang tao ay umalma sa ginawang ito ni George.

“Ginoo, pasensya na po ngunit marami po ang nauna sa inyo. Doon po ang hulihan ng pila,” saad ng isang matandang babae.

“Wala akong pakialam sa pila na sinasabi n’yo. Lehitimong kliyente ako ng bangkong ito kaya mas may karapatan ako sa inyo. Isa pa, hindi ba sa buwis ko lang din naman nanggaling ang lahat ng kinukuha ninyo bilang ayuda? Kaya tumabi kayo at paunahin n’yo ako!” giit pa ni George.

“Ngunit, ginoo. Hindi tama na basta ka na lang sisingit sa pila. Ang iba rito ay kanina pang madaling araw na narito. Kung ayaw mo ng gulo ay pumunta ka na sa dulo ng pila at pumila nang maayos tulad ng isang taong may pinag-aralan!” dagdag pa ng matanda.

Lalong nag-init ang ulo ni George sa sinabi ng matanda.

“Sa tingin mo, tanda, ay ako pa ang walang pinag-aralan? Mataas ang narating ko sa buhay. Malaki ang binabayaran kong buwis kaya nga may kinukuha kayong ayuda mula sa gobyerno. Kailangan n’yong ipagpasalamat sa isang tulad kong nakatapos at malaki ang sahod kaya mayroon kayong benepisyong tulad niyan. Kayo nga itong walang pinag-aralan kaya umaasa na lang kayo sa mga katulad namin! Tumabi ka na riyan at baka kahit matanda ka ay hindi kita matantiya!” bulyaw pa ni George.

Ipinagpilitan ni George na siya ang mauna. Hindi niya ininda ang mga sinasabi sa kaniya ng mga taong kanina pa nakapila sa tapat ng ATM.

“Uubusin ko ang laman ng ATM na ito nang sa gayon ay hindi na kayo makapag-withdraw pa. Tingnan natin kung sino ang uuwing luhaan!” dagdag pa ng binata.

Pagpasok ni George sa kaniyang card sa loob ng makina ay bigla na lamang itong tumunog nang tumunog.

“A-ano ang nangyayari? Bakit ayaw tumuloy ng pagpoproseso?” saad ni George.

Pilit na tinatanggal ni George ang kaniyang card sa ATM ngunit ayaw iluwa ng machine ang kaniyang card.

Hindi na alam ni George ang kaniyang gagawin kaya humingi na siya ng tulong sa guwardiya.

“Hayaan n’yo ginoo, tatawag po ako ng tauhan na magkakatulong para makuha n’yo ang card n’yo. Samantala, para po sa ibang nais pang mag-withdraw ay pumila na lang po sa isa pang ATM. Maraming salamat po,” saad ng guwardiya.

Maayos na pumila ang lahat sa tapat ng isa pang makina.

Lumapit si George sa guwardiya upang tanungin kung kailan dadating ang mag-aayos ng ATM kung saan naipit ang kaniyang card.

“Naku, aabutin po ng anim na oras bago makarating dito ang mga personnel. Sa totoo lang po kasi ay wala silang pasok ngayon pero gagawan na lang po ng paraan,” wika pa ng guwardiya.

Labis na napahiya itong si George. Sa loob lang ng isang oras ay natapos na ang pila ng mga taong kumukuha ng ayuda. Maya-maya ay nilapitan siya ng matandang kaniyang nakasagutan kanina.

“Siya nga pala, nagpapasalamat ako dahil iniligtas mo ako sa sirang makina. Kung hindi ka sumingit ay baka ako ang nasa kalagayan mo ngayon. Kung hinintay mo na lang sana ay nakakuha ka sana ng pera nang walang aberya. Saka nais ko lang sabihin sa iyo, hindi ako isa sa mga taong kumukuha ng ayuda. Lehitimong kliyente rin ako ng bangkong ito. Pero dahil batid kong lahat ay may karapatan at kailangan kong pumila ay hinintay ko ang aking pagkakataon na ako naman ang makapag-withdraw ng pera,” saad pa ng matanda.

Hindi na alam ni George kung saan pa itatago ang kaniyang sarili dahil sa labis na kahihiyan. Ni walang nagawa ang pinagmamalaki niyang maraming pera niya sa bangko sa pagkakataong iyon.

Naiwan si George sa tapat ng ATM na binabantayan nang maigi ang kaniyang naipit na card. Inabot na ng gabi bago maaksyunan ang kaniyang reklamo.

Sising-sisi si George sa kaniyang ginawa. Hindi lang dahil sa karma na kaniyang inabot kung hindi dahil tuluyan na ring nag-iba ang tingin sa kaniya ng maraming tao nang dahil sa inasta niya kanina.

Advertisement