
Tinanggihan ang Binata ng Dalagang Kaniyang Niyaya sa Prom; Magugulat Sila kung Sino ang Makakaparehas Nito
Halos hindi makatulog buong gabi itong si Lino sa pag-eensayo kung paano niya yayayain sa prom ang pinakamagandang dilag sa kanilang eskwela. Walang iba kung hindi ang dalagang si Marga. Nasa elementarya pa lamang ay may lihim nang pagtingin si Lino kay Marga. Kaya gano’n na lamang ang pagnanais niyang makaparehas ito sa prom.
Patuloy na binibilang ni Lino ang ipon niya para sana pambili ng maireregalo kay Marga sa araw ng kanilang prom. Sa kakaisip ay madaling araw na siyang dinapuan ng antok.
“Lino, kanina pa kita ginigising at mahuhuli ka na sa eskwela. Bumangon ka na riyan at kailangan ko na ring magtungo sa palengke!” sambit ni Aling Lisa, nanay ng binata.
“Naku, pasensiya na po, ‘nay. Ito na po at babangon na. Medyo hindi kasi ako makatulog kagabi. Salamat po at ginising n’yo ako,” tugon ng binata saka nagmadali na sa pagkilos.
“Dahil na naman diyan kay Marga? Anak, kung gusto mo siya ay huwag ka nang mag-atubili pa. Ayain mo na siya sa prom at baka mamaya ay maunahan ka pa ng iba. Basta magpakatotoo ka lang sa sarili mo. Lakasan mo ang loob mo dahil tapat naman ang nararamdaman mo sa kaniya. Saka para namang aayain mo siyang magpakasal, prom lang naman ‘yan!” payo naman ng ina.
“Minsan kasi ‘nay, naiisip ko ang laki ng agwat namin sa buhay. Parang suntok sa buwan na pumayag siya. Paano naman niya magugustuhan ang isang katulad ko? Ikaw ba ‘nay? Paano ba kayo niyaya ng mga lalaki noong prom n’yo?” wika pa ni Lino.
“Naku, anak, alam mo namang hindi na ako umabot pa sa gan’yan. Hindi ko na naranasan ‘yang mga pagdalo sa prom. Kaya, anak, kung ako sa iyo ay tanungin mo na si Marga. Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Ito ang karagdagang bente pesos. Bumili ka ng bulaklak at ibigay mo kay Marga. Tiyak akong magugustuhan niya ‘yun!” nakangiting sambit pa ni Aling Lisa.
“O siya, tara na at tatanghaliin na tayo. Kailangan ko nang magtungo sa palengke para mas marami akong kitain,” dagdag pa ng ina.
Magkasamang nilakad ng mag-ina ang daan patungong eskwela. Bumili sila ng bulaklak para kay Marga at saka hinatid muna ni Aling Lisa itong si Lino sa paaralan saka siya nagtungo sa palengke.
Pagdating pa lang ni Lino sa paaralan ay agad na siyang sinalubong ni Marco at ng mga kaibigan nito.
“Hanggang ngayon ba ay hinahatid ka pa rin ng nanay mo sa eskwela, Lino? Siguro ay umiiyak ka pa rin sa tuwing papasok ka sa paaralan, ano?” pangungutya ng binata.
“Marco, tumigil ka na dahil wala akong panahon na makipag-away. Papasok na ako sa silid at baka magsimula na ang klase,” tugon naman ni Lino.
“Ano’ng ibig sabihin ng bulaklak na ito? Siguro ay ibibigay mo ito kay Marga at yayayain mo sa prom, ano? Huwag ka nang magtangka pa dahil hindi lang ang isang kagaya mo ang sasamahan niya!” sambit pa ni Marco.
Patuloy sa paglalakad itong si Lino na tila walang narinig. Labis itong ikinainis ni Marco kaya hinablot niya ang mga bulaklak. Hinagis niya sa sahig at saka tinapak-tapakan.
“Ano ba ang problema mo, Marco?! Hindi mo ba alam na ibinigay pa ng nanay ko ang pambili niyang bulaklak na ‘yan! Sinayang mo lang! Wala ka talagang magawang matino!” sambit ni Lino habang pinupulot isa-isa ang mga bulaklak.
“Pumunta ka do’n sa nanay mo at saka ka magsumbong! Ang sarap mong itahi sa pundya ng nanay mo!” tumatawang pangungutya naman ni Marco.
Walang nagawa si Lino kung hindi itapon na lang ang mga bulaklak. Ngunit kahit wala siyang dalang bulaklak ay nais pa rin niyang tanungin si Marga at yayain ito na maging kapareha niya sa prom.
“Marga, may itatanong sana ako sa iyo. K-kasi, matagal ko nang gustong sabihin ito sa iyo kaso nahihiya talaga ako. Bibigyan sana kita ng bulaklak kanina kaso nasira na, e. Pasensiya na at wala akong maibibigay sa iyo. P-pero nais sana kitang yayain sa prom. Sana ay pumayag ka,” buong lakas ng loob na tanong ni Lino sa dalaga.
“A-ako? Nais mong maging kaparehas sa prom? Kanino ka naman nakakuha ng ideya na nais kong sumama sa iyo? Nagpapatawa ka ba? Kahit kailan, kahit ikaw na lang ang nag-iisang lalaki ay hindi ako sasama sa iyo! Ayaw kong maging katatawanan!” sambit ni Marga.
Napayuko na lang si Lino sa masakit na sagot ng dalaga. Maya-maya ay may isang kaibigan na patakbong lumapit kay Marga.
“Marga! Marga! Tara at tingnan mo sa labas. May hinandang pasabog si Marco para sa iyo! Nakakakilig talaga!” sambit ng isang kaibigan.
Maging si Lino ay nais ding makita kung ano ang pinagkukumpulan ng mga kapwa-estudyante sa labas ng silid.
Hawak ang bugkos ng bulaklak at malaking teddy bear ay naroon si Marco para lang ayain itong si Marga sa prom. Dahil sa pakulong ito ay napasagot naman kaagad ni Marco ang dalaga.
Magkaakbay sina Marco at Marga na dumaan sa harap ni Lino.
“Ano’ng sabi ko sa iyo? Wala kang laban sa akin. Kung ako sa iyo, mas maganda kung isama mo na lang ang nanay mo sa prom para may tagabantay ka. O mas maganda kung huwag ka na lang dumalo dahil wala namang may gustong makaparehas ka!” tatawa-tawang pangungutya ni Marco.
Habang palayo ang dalawa ay maririnig ang masasakit na sinasabi ni Marga tungkol kay Lino.
“Ang kapal ng mukha niyang tanungin ako kanina. Ang taas ng tingin niya sa sarili niya. Akala niya talaga ay may pag-asa siya sa akin!” tumatawa ding sambit ng dalaga.
Nasaktan talaga si Lino sa mga sinabi sa kaniya ni Marga. Hindi niya akalaing sa tagal ng panahon na kaniyang sinisinta ang dalaga ay ganito lamang pala ang gagawin nito sa kaniya.
“Hayaan mo na siya, anak. Mabuti nga iyon at ngayon pa lang ay nalaman mo na ang tunay niyang ugali. Kahit ano pang ganda ng Marga na iyan ay wala pa ring tatalo sa mga babaeng mabubuti ang kalooban,” saad ni Aling Lisa sa anak.
“O, paano na ngayon ‘yan? Binilhan pa naman kita ng magandang polo para makadalo ka sa prom. Hindi ko ata hahayaan na hindi makadalo ang gwapo kong anak! Marami pa namang mga babae riyan, Lino. Sa makalawa pa naman ang prom kaya p’wede ka pang maghanap ng kapareha,” dagdag pa ng ina.
Sa totoo lang ay paulit-ulit na umaandar sa isip ni Lino ang mga sinasabi sa kaniya nina Marco at Marga.
Hanggang sa nakaisip siya ng isang magandang paraan. Pumunta ng silid si Lino at saka niya kinuha ang iniipon niyang pera para sa regalo sana kay Marga. Binilang niya itong mabuti. Kinabukasan, pagkatapos ng klase ay nagtungo sa Divisoria si Lino.
Nang mabili na niya ang nais ay agad siyang umuwi upang magluto ng hapunan.
Pag-uwi ni Lisa ay nagulat siya nang tumambad sa kaniya ang pakulo ni Lino. Nakahain sa mesa ang pagkain at mayroong isang regalong naghihintay.
“A-anong ibig sabihin nito, anak? Ikaw pa ang naggayak ng lahat ng ito? Anong okasyon ngayon? May nakalimutan ba ako?” sunud-sunod na tanong ng ina.
“Wala naman po, ‘nay. Ngayon kasi ay alam ko na kung sino ang nais kong makaparehas sa prom,” wika ni Lino.
“S-sino, anak? Pumayag na ba si Marga?” dagdag pa ni Aling Lisa.
Umiling si Lino.
“Hindi po, ‘nay. Wala po akong ibang nais makaparehas sa prom kung hindi kayo. Ikaw po ang yayayain ko sa prom bilang partner ko at sana naman po ay huwag n’yo akong tanggihan. At hindi niyo na talaga ako matatanggihan dahil binilhan ko na rin kayo ng damit na susuotin. Simple man ito ay alam ko pong ikaw na ang magiging pinakamagandang babae sa gabing iyon,” pahayag ng anak.
Hindi makapaniwala si Lisa na siya ang nais ng anak na makaparehas. Kaya naman pinaunlakan niya na ito.
Nahihiya man ay sinamahan ni Lisa ang kaniyang anak sa gabi ng prom.
Lahat ay nakatingin kay Lino at sa kaniyang ina. Ang iba ay natatawa dahil sa ginawang ito ng binata.
“Talagang wala ka nang mahanap kaya ang nanay mo na lang ang sinama mo, ano? Kitang kita kung gaano ka kadesperado!” kutya ni Marco kay Lino.
“May dahilan ako, Marco. At wala akong panahong makipagtalo sa iyo dahil ayaw kong madismaya ang nanay ko ngayong gabi!” tugon naman ng binata.
Dahil sa ginawang ito ni Lino ay hindi makakapayag si Marco na hindi makaganti. Kinuha niya ang mikropono at saka niya balak hiyain ang kaawa-awang binata.
“Nais ko lang kunin ang atensyon ng lahat. Bakit hindi natin kapanayamin itong si Lino? Alamin natin kung bakit sa dinami-daming babae sa paaralang ito ay napili niyang isama ang kaniyang nanay! Gaano kaya karami ang kaniyang niyaya at tinanggihan siya saka siya nagdesisyon na isama na lang ang nanay niya?!” pang-aalaska ni Marco.
“O, Lino, sagutin mo ang tanong ni Marco dahil naghihintay ang lahat. Nais naming malaman kung bakit ang nanay mo ang sinama mo. Ipaliwanag mo sa kanilang mama’s boy ka kasi!” hindi maiwasan naman ni Marga ang matawa habang iniinis din si Lino.
Ang akala ni Marco ay suko na itong si Lino. Ngunit umakyat ito ng entablado, kinuha ang mikropono at saka sinagot ang mga tanong ng walang pusong si Marco.
“Iisang babae lang ang tinanong ko sa paaralang ito at si Marga iyon. Sa tagal na may lihim akong pagsinta sa kaniya ay nabulag ako sa tunay niyang ugali. Hindi na ako nagtanong pa ng kahit sino dahil napagtanto kong hindi naman na ako dapat pang lumayo. Tinanong ko ang nanay ko dahil alam kong hindi siya nakadalo sa kaniyang prom noon. Kailangan niyang tumigil ng pag-aaral dahil maaga siyang nabuntis. Hindi man siya pinanagutan ng aking ama ay ginawa niya ang lahat upang itaguyod ako kahit na sa mura niyang edad. Mas pinili niyang magpaka-ina sa akin. Kaya ngayon, nais kong iparanas sa kaniya ang hindi niya nagawa noon dahil sa pagtugon nya sa responsibilidad bilang nanay ko. Kung ang pagmamahal sa isang ina ay pagiging mama’s boy, oo, totoo, mama’s boy nga ako!” sagot ni Lino.
Lahat ng mag-aaral at guro ay naantig ang kalooban sa ginawang ito ni Lino. Isang mahigpit na yakap naman ang kaniyang tinanggap mula sa kaniyang ina.
Nang gabing iyon ay maraming babae ang nais na makasayaw si Lino. Tila ba unti-unting napansin ng mga ito ang kaguwapuhan ng binata.
Nang gabi ring iyon ay pinarangalan sina Lino at Aling Lisa bilang prom king at queen. Hindi naman matanggap nina Marco at Marga ang kanilang pagkatalo.
“Salamat, anak, dahil hindi ka nahiya na ako ang maging kapareha mo ngayong gabi. Maraming salamat din dahil kahit matanda na ako ay naranasan ko pang pumunta sa prom,” nakangiting sambit ni Aling Lisa sa anak.
“‘Nay, mas maganda pa kayo sa lahat ng babaeng narito. Hindi lang dahil nanay ko kayo, kung hindi dahil napakabuti niyo kasing tao. Lagi ko po kayong ipagmamalaki,” saad ni Lino sabay yakap sa ina.