
Pinagtatawanan ng Lalaki ang ‘Stick-To-One’ Niyang Kaibigan; Ito rin Pala ang Kaiinggitan Niya sa Huli
“Pare, girlfriend ko nga pala.” Nakangising ipinakilala ni Jerome sa mga kaibigan ang babaeng kasama niya ngayong gabi na nagpailing naman sa kaibigan niyang si Gabby. Paano kasi ay iba ito sa babaeng dinala at ipinakilala niya sa kanila noong isang linggo.
“Bago na naman ’yan, a,” pabulong pang sita sa kaniya ni Gabby habang nasa ibang bagay pa ang atensyon ng nobya ni Jerome.
Tumawa lamang siya sa sinabi nito. “Ang ganda, ’di ba?” may himig ng pagyayabang pang aniya.
“Naku, pare, kung ako sa ’yo, tigilan mo na ’yang kalokohan mo sa mga babae. Sige ka, baka isang araw, bigla ka na lang makarma,” pagpapaalala pa nito, ngunit imbes ay humalakhak lang si Jerome.
“Karma? Ako, matatakot sa karma?” Bahagya niya pang tinapik ang balikat ni Gabby. “Pare, ikaw ang tumulad sa akin. Tingnan mo ako, ini-enjoy ko ang buhay. Hindi katulad mo. Napaka-boring! Biruin mo, pitong taon na tayo pero iisa pa rin ang syotang ipinapakilala mo sa amin?” Muli pang humalakhalk nang malakas si Jerome. “Hindi ka ba nagsasawa sa girlfriend mo, pare?”
Napailing na lang ulit si Gabby sa sinabi niya. “Bakit naman ako magsasawa? Marunong naman akong makuntento. Saka, gusto ko kasi ng babaeng hindi rin ako lolokohin, pare. Hindi katulad ng mga babaeng ipinapakilala mo sa amin,” makahulugan pang sagot nito na nagpatahimik naman kay Jerome. Bahagya siyang napikon, ngunit ayaw niya iyong ipakita kay Gabby. Ipinangako na lang niya sa sarili na patutunayan niyang mali ang katuwiran nito.
Sa pagdaan ng mga taon ay nagpatuloy pa rin ang ganoong takbo ng buhay ni Jerome. Samantalang halos lahat ng kaniyang kaibigan ay may kani-kaniya nang mga pamilya. Sa katunayan, sa susunod na linggo ay ikakasal na si Gabby sa nobya nito na talagang pinanindigan nitong hindi palitan sa nakalipas ng mga taon.
Napakagara ng naging kasal nina Gabby at ng nobya nito. Paano kasi ay talagang pinag-ipunan ng mag-asawa ang kanilang kasal sa loob ng mga taong naging magnobyo pa lamang sila. Talagang pinaghandaan at pinagplanuhan nila ang kanilang kinabukasan, katulad nga ng pangarap ni Gabby noon pa man.
Hindi man aminin ni Jerome ay matinding inggit ang nararamdaman niya sa kaibigang si Gabby. Paano kasi, ngayon ay maaari na itong maging masaya kasama ang babaeng mahal niya at mahal din siya. Maaari na itong bumuo ng masayang pamilyang makakasama niya sa habang buhay… samantalang siya, hanggang ngayon ay walang patutunguhan.
Oo nga at maganda ang kaniyang trabaho, ngunit halos lahat ng sweldo niya ay nauubos lang sa luho, sa babae at sa alak. Ngayon kasi ay wala na ring babaeng gustong magseryoso sa kaniya dahil kilalang-kilala na siya bilang isang palikero.
Sa katunayan, sa mga sandaling ito ay bigo si Jerome sa pag-ibig. Paano kasi ay nabalitaan niyang may nobyo na ang babaeng pinakamamahal niya. Noon ay tinangka niya itong ligawan ngunit dahil sa kaniyang reputasyon bilang isang babaero ay ni hindi man lamang siya tinapunan ng katiting man lang na atensyon nito. Sising-sisi tuloy si Jerome na hindi siya naniwala kay Gabby noon.
Sa kabila noon, hindi pa rin siya nadala. Pagkatapos kasi niyang mapatunayan sa sarili na tama ang sinabi sa kaniya noon ng kaibigan ay lalo niya pang isinubsob sa pakikipagrelasyon sa iba’t ibang babae ang sarili. Nagpakasaya siya. Nagpakasasa sa iba’t ibang ‘putahe’ na mabilis lamang niyang pagsawaan. Kaliwa’t kanan ang babae niya ngunit nanatili siyang walang seryosong relasyon.
Ngunit sa ikalawang pagkakataon ay muling pinagsisihan ni Jerome ang kaniyang naging desisyon. Isang trahedya kasi ang dumapo ngayon sa kaniyang buhay na siyang nagdadala sa kaniya ngayon sa alanganin…
Nagkaroon siya ng sakit. Isang sakit na nakukuha sa pakikipagn*ig sa iba’t ibang babae, at ngayon ay hindi na niya alam ang kaniyang gagawin. Ni wala siyang katiting na ipon sa bangko. Nahihiya naman siyang aminin iyon sa kaniyang mga kaanak, kaya naman itinago na lang ni Jerome iyon.
Ngunit lumala ang kaniyang lagay. Hanggang sa napilitan na siyang magsabi sa kaniyang mga kaibigan na mabuti na lang ay naawa sa kaniya at nagtulong-tulong upang siya ay maipagamot sa magandang ospital.
Hiyang-hiya si Jerome, ngunit mas nangingibabaw ang kaniyang pagsisisi. Kung alam niya lang na ganito ang mangyayari ay nakinig na lang sana siya kay Gabby noon. Talagang nasa huli ang pagsisisi.