Pilit na Inaalam ng Babae ang Pangalan ng Gwapong Katabi Niya sa Jeep, Di Niya Alam na Ito Pala ang Nakatakda Para sa Kanya
Nasa huling taon na ng kolehiyo si Iren, malapit na siyang magtapos sa kursong Mass Communication. Sa Manila pa siya pumapasok at sa Cavite naman siya umuuwi araw araw, tiniis niya ang ganoon kalayong byahe dahil ayaw siyang payagan ng kanyang ina na mag-dorm. Bukod sa nag aalala ito sa panganib na dala ng panahon ngayon, wala itong tiwala na kaya niyang alagaan ang kanyang sarili. Ni hindi nga raw siya marunong magluto, ano ang kakainin niya araw-araw, cup noodles? May punto naman ang kanyang ina kaya di na siya nakipag argumento. Tulad ngayon, di na naman ganoon katindi ang dinaranas niya sa traffic, di na niya kailangang gumising ng maaga dahil may mga pinapasa na lang siya sa school. Ga-graduate na siya sa susunod na buwan at ilang dokumento na lang ang kailangan niyang ayusin. Bandang alas otso ng umaga ay bumaba na siya sa Terminal ng bus. Mula roon ay kailangan pang mag-jeep para makarating sa kanyang eskwelahan, dahil nga tanghali na ay nakita niyang nagpupuno pa ang nakapilang jeep. Di naman siya nagmamadali kaya doon na siya, kaysa naman makaladkad pa siya kapag isinapalaran niyang pumara ng mga umaandar. Dalawa pa ang kulang, pagsakay niya ay isa na lang. Abala siyang nagpapaypay gamit ang kanyang brown envelope nang biglang mangalingasaw ang isang pagkabangu-bangong amoy, napalingon siya at halos mapanganga nang makita ang lalaking sumakay, sa tabi niya pa ito umupo. Ang gwapo! Pero hindi ito mukhang estudyante, siguro ay nasa 23 anyos na ang lalaki. May suot itong ID ng isang kilalang kumpanya pero nakatalikod iyon. Sa tinagal tagal na niyang sumasakay ng jeep ay ngayon lang siya natuwa na siksikan sa loob. Bumabangga tuloy siya sa malalapad nitong balikat. “Bayad po, pakiabot please.” sabi nito sa baritonong boses. Inabot niya ang bayad pero nagmukha lang siyang tanga dahil magkatabi lang sila, at maiksi ang biyas niya kaya parang wala naman siyang naitulong, mas mahaba pa ang braso nito kaysa sa kanya. Pilit niyang inaaninag ang ID nito para malaman niya ang pangalan ng lalaki, pero dahil yata sa puyat, at pagod sa kakaayos ng mga kailangan sa school ay hindi niya namalayang nakatulog siya. Makalipas ang siguro ay 20 minutes, nagising na lang siya na nakasandal na sa balikat ng lalaki, hindi ito nakatingin sa kanya kaya napatitig siya rito. “Lord, pengeng kanin, andito ang ulam.” wala sa sariling sabi niya. Napatingin naman ito sa kanya na parang pinipigil ang tawa. Pagkapa ni Iren sa kanyang bibig, ay doon niya lang napagtanto na sabug sabog ang laway niya. Diyos ko po, kunin mo na po ako. Buti na lang ay bababa na siya, dali dali siyang pumara at bumaba ng jeep. Binilisan niyang maglakad dahil hiyang hiya pa rin siya, nang marinig niyang umarangkada ang sasakyan ay noon lang siya lumingon at akmang bubuntong hininga siya nang mapahawak siya sa kanyang bibig nang makita kung sino ang nasa likod nya, si kuyang pogi! “Katrina Iren Serrano?” sabi nito. “Paano mo nalaman?” sabi niya. “Sa sobrang busy mo kakasilip ng ID ko, di mo namalayan na nababasa ko na ang ID mo.” sabi nitong nakangiti.
“Kiss! Kiss!” sigaw ng mga bisita sa kasal habang pinatutunog ang mga baso gamit ang kanilang kutsara, malugod namang pinaunlakan iyon ng bagong mag asawa. “Mahal kita Iren..” bulong ng lalaki matapos halikan ang napakagandang bride. “Mahal rin kita Clay..” sagot niya, nakangiti. “Yan, Clay ang pangalan ng mister mo. Hindi ULAM.” sabi ng lalaki, kinurot naman niya ito sa tagiliran dahil sa pang aalaska sa kanya. Di niya akalain na ang simpleng engkwentro nila sa jeep limang taon na ang nakakalipas ay mauuwi sa kasalan. Wala talagang makakapagsabi kung ano ang naka-tadhana, dumarating ang pag ibig sa pinaka hindi inaasahang pagkakataon. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.