Inday TrendingInday Trending
Isang Bulag na Lalaki ang Napansin ng Mabait na Pulis, Akmang Tutulungan Niya Itong Tumawid Pero Isang Himala Pala ang Masasaksihan Niya

Isang Bulag na Lalaki ang Napansin ng Mabait na Pulis, Akmang Tutulungan Niya Itong Tumawid Pero Isang Himala Pala ang Masasaksihan Niya

Anim na taon nang pulis si Romeo, kung walang operation ay naka-destino lang siya dito sa isang station nila sa Maynila at inaasikaso ang ilang mga dokumento tungkol sa iba’t ibang kasong nahahawakan niya. Kapag tapos na ang gawain ay ugali na niyang tumambay sa labas ng station upang magmasid sa paligid, minsan ay naglalakad lakad sakaling may kababayan na mangailangan ng tulong, malaki man yan o maliit.

Isa si Romeo sa mga pulis na di pa nababahiran ng politika, lahat ng ginagawa niya ay dahil lang talaga nais niyang maglingkod sa kapwa, di dahil may kapalit o kung ano man. Ang ama niya ay isa ring pulis na siyang nagpamana sa kanya ng paninindigan.

Nakaupo siya sa labas ng istasyon nang matanaw niya ang isang lalaking naglalakad, base sa itsura nito ay masasabing bulag ang lalaki. Nakasuot ito ng itim na salamin sa mata na mukhang nabali ang gilid dahil may pinagtagpi tagping tape, mayroon rin itong baston na nagsisilbing gabay sa paglalakad. Luma ang suot na damit ng lalaki, bagamat di naman masasabing pulubi ito.

Tatayo na sana si Romeo upang tanungin kung saan ito pupunta, baka kailangang tumawid ay aakayin na niya.

“Brod, kumain ka na?” tanong ng isa niyang kasamahan mula sa loob ng station.

“Oo, pinabauan ako ni Ara ng kare-kare. Nariyan ang baunan ko sa tabi ng telepono, may natira pang ulam.” sabi niya at nilingon ito. Pagbalik niya ng paningin sa lalaking bulag ay nagulat siya nang may kasama na itong bata, akay akay ito, pero di nagsasalita ang bata.

Napatingin pa nga ito sa kanya at ngumiti. Nginitian rin niya ang batang lalaki, kulot ito at may mga matang tila ba laging nakatawa. Anak kaya siya ng lalaki? Bigla biglang nasulpot.

Inakay pa ng bata ang lalaki. May kabagalan ang dalawa kung maglakad marahil na rin siguro sa kondisyon ng ama.

“Ingat kayo pagtawid ha!” sigaw niya sa dalawa.

“H-ho? Ako ho ba ang kausap ninyo?” tanong ng lalaki.

“Opo, kayo ng anak nyo.” sagot niya naman rito.

“W-wala ho ser-” naputol ang sinasabi ng lalaki dahil muling nagsalita ang kasamahan niyang pulis sa loob ng station, napalingon tuloy siya sa loob.

“Brod, ubusin ko na tong kare kare ha?” paalam nito.

“Oo nga sayo na yan,” sabi niya. Paglapit niya sa lalaki ay nawala na ang anak nito, agad naman siyang nag alala dahil baka tumakbo kung saan ang bata.

“Sir, ganon po ba talaga ang anak ninyo? Biglang nawawala at sumusulpot.” sabi niya sa bulag na lalaki.

“Ako ho ba? S-ser, wala ho akong kasama. Katunayan ho’y nagsimba lang ako riyan sa Sto.Nino, nanghihingi ho ng gabay. Ako ho’y matandang binata.” sabi ng bulag.

Kinilabutan naman si Romeo nang muling bumalik sa isipan ang batang lalaki, nakangiti at kulot ang buhok, biglang nawawala at sumusulpot. Para bang tinawag lang siya nito para tulungan niya ang bulag na lalaking tumawid.

Alam niya, na ang gabay na hinihingi ng bulag sa Sto. Nino, ay ipinagkaloob na rito.

Advertisement