
Sa Madilim na Gabi ay Nakarinig ng Iyak ng Sanggol ang Lalaki; Isa Palang Mahalagang Misyon ang Kailangan Niyang Gawin
“Alas nuwebe na pala ng gabi, makauwi na nga at baka inaantay na ako ng aking mag-ina.”
Kagat na ang dilim kaya naisip ni Kenzo na igarahe na ang kaniyang pampasadang jeep. Inubos muna niya ang mga pasahero bago tuluyang umuwi.
Habang binibilisan na niya ang pagmamaneho ay nakaramdam siya ng pangangailangang pangkalikasan kaya inihinto muna niya ang jeep sa may dumpsite.
“Makapagbawas na nga muna,” aniya.
Saktong babalik na siya sa minamanehong jeep nang may narinig siya.
“Aba, sa ganitong oras ng gabi? Saan kaya nanggagaling iyon?” tanong niya sa sarili.
Sa dulo ng kabunduk-bundukang talaksan ng basura nagmumula ang iyak ng isang sanggol.
Biglang kinabahan si Kenzo. Sa tingin niya ay may nangyayari…
“Mukhang tama ang hinala ko.”
Dahan-dahan siyang naglakad patungo sa pinakadulong parte ng tambakan ng basura at habang papalapit siya ay mas lalong lumalakas ang iyak ng sanggol na naririnig niya. Hanggang sa marating na niya ang pakay at nagulat siya sa kaniyang nakita. Tama ang hinala niya, kitang-kita niya ang isang babae na may dalang kahon. Ang laman ng kahon ay sanggol.
“Aba, sabi na nga ba!”
Parang kinurot ang kaniyang puso nang matunton ang bahaging iyon ng dumpsite.
Walang kamalay-malay ang babae na nakalapit na pala si Kenzo sa kinatatayuan niya. Napagtanto ng lalaki na bata pa ang babae, sa tingin niya ay nasa edad disi-otso hanggang beinte anyos lang ito. Dinig na dinig din niya ang sinasabi ng babae habang hawak-hawak ang kahon na may lamang sanggol.
“Patawarin mo ako, anak ko, sa gagawin kong ito,” wika ng babae habang umiiyak.
Hindi naman napigilan ni Kenzo na makialam.
“Malaking kasalanan ang gagawin mo!” sigaw niya.
Sa lakas ng pagsigaw ng lalaki ay napalingon sa sobrang kabiglaan ang babae. Tila natakot ito sa presensiya niya.
“Huh?! S-sino ka?!” gulat nitong tanong.
“Aba, at tila natakot ka sa pagdating ko? Natakot ka sa tao…pero sa Diyos ay hindi? Alam kong anak mo ang sanggol na ‘yan at hindi tama ang gagawin mong pag-iwan sa kanya rito sa tambakan ng basura,” sambit ni Kenzo.
Biglang napawi ang takot ng babae. Nainis ito sa ginawang pangingialam ng lalaki sa kaniya.
“T-teka, B-bakit? Sino ka ba para makialam sa buhay ko?” galit na tanong ng babae.
Iniba ni Kenzo ang tono ng pananalita niya.
“Huwag kang magalit, miss! Gusto ko lang magpaalala. Pagdating ng araw ay maaaring maranasan mo ang sumbat ng konsensiya,” tugon niya sa mahinahong tono.
Natigilan ang babae.
“Kung talagang balak mong iwan ang sanggol na ‘yan, mabuting ipagkatiwala mo na lang siya sa akin. Aarugain ko siyang parang tunay kong anak,” wika ng lalaki.
Sa sinabing iyon ni Kenzo ay waring nagising ang damdaming ina ng babae.
“P-pasensya na kung nataasan kita ng boses. A-ako nga pala si Bridgette. Binuntis lang ako ng aking nobyo pagkatapos ay bigla na lamang niya akong iniwan at hindi pinakasalan. Hindi alam ng aking mga magulang na nagbunga ang aking kapusukan, natatakot ako na hindi nila matanggap ang nangyari sa akin at ako’y tuluyan na nilang itakwil. Litong-lito na ako! Hindi ko alam kung saan patutungo ang aking buhay kaya ayaw ko nang idamay pa ang aking anak sa kamalasan ko,” hagulgol ng babae.
“Sa gagawin mo sa iyong anak ay maaaring isa pa siyang walang tiyak na patutunguhan, ‘di ba? Alam mo ba na kahit ako ay minsan na ring nawalan ng direksyon ang buhay,” hayag ni Kenzo.
Nagulat si Bridgette sa sinabi ng kausap.
“Ako si Kenzo, isang jeepney driver. Namulat ako sa kahirapan ngunit busog na busog naman sa pagmamahal ng aking mga magulang ngunit isang araw ay napag-alaman ko na hindi pala nila ako tunay na anak, isa lang akong ampon. Natuklasan ko na natagpuan lang nila ako sa tumpok ng mga basura. Doon ako iniwan ng tunay kong ina. Dahil sa aking natuklasan ay natuto akong magrebelde at nalulong sa iba’t ibang bisyo ngunit sa tulong ng mga taong kumupkop sa akin ay nakaahon ako at nagbago. Ang galit ko sa nangyari sa akin ay nawalang lahat, natuto akong magpatawad kahit ang aking tunay na ina na nag-abandona sa akin ay napatawad ko na. Dahil sa walang kapantay na pagmamahal sa akin ng mga itinuring kong mga magulang ay nagkaroong muli ng direksyon ang buhay ko. Nagpapasalamat ako sa kanila dahil binigyan nila ako ng pagkakataong mabuhay at magkaroon ng pamilya. Sa ngayon, kahit pareho nang namayapa ang aking inay at itay ay masaya at kuntento na ako sa piling ng aking asawa at anak,” bunyag ni Kenzo.
Sa inihayag ng lalaki ay unti-unting nakadama ng pagluluwag ng kalooban si Bridgette.
“Gusto kitang pasalamatan, Kenzo, binigyan mo ng linaw ang madilim kong isipan,” sabi ng babae.
Niyaya siya ni Kenzo na sumakay sa jeep para maihatid sa tamang patutunguhan. Hindi naman siya tumanggi sa paanyaya nito.
“O, balutin mo nito ang baby mo at baka ginawin,” wika ni Kenzo sabay abot ng jacket.
“Salamat ulit ha? Ngayon ay handa na akong harapin ang aking mga magulang. Tatanggapin ko anuman ang sabihin nila sa akin, ang mahalaga ay kasama ko ang aking anak. Sorry, anak, hinding-hindi ko na gagawin ang balak ko kanina. Mahal na mahal kita, anak,” sambit pa ni Bridgette habang yakap ang sanggol.
Nakadama naman ng kasiyahan si Kenzo, hindi man siya nakauwi nang maaga sa kaniyang pamilya ay nakatulong naman siya sa kaniyang kapwa at naihatid ito sa tamang landas.

Kahit Malapit nang Ikasal ay Nagawa pa rin ng Babae na Magtrabaho sa Ibang Bansa; Ikinagulat ng Kaniyang Nobyo ang Biglaan Niyang Pagbalik
