Kahit Malapit nang Ikasal ay Nagawa pa rin ng Babae na Magtrabaho sa Ibang Bansa; Ikinagulat ng Kaniyang Nobyo ang Biglaan Niyang Pagbalik

Kahit Malapit nang Ikasal ay Nagawa pa rin ng Babae na Magtrabaho sa Ibang Bansa; Ikinagulat ng Kaniyang Nobyo ang Biglaan Niyang Pagbalik

InspiringLoveStories

Tatlong taon nang magkasintahan sina Edgar at Nicole at malapit na rin silang magpakasal ngunit mas piniling pumunta ni Nicole sa ibang bansa para makapag-ipon pa ng kaunti sa balak nilang paglagay sa tahimik ng nobyo ngunit tutol dito si Edgar.

“Alam mo namang matagal ko nang gustong magtabaho sa Canada. Malaki ang kikitain ko roon. At isa pa, dalawang taon lang naman ang kontrata ko at babalik din ako agad dito para sa kasal natin. Gusto ko lang na maka-ipon pa ng pera para sa future natin. Huwag kang mag-alala at kasama ko naman ang kaibigan kong si Eden sa pag-alis ko kaya hindi ako masyadong malulungkot dun,” wika ni Nicole.

“At alam mo rin na hindi ko gusto ang balak mong ‘yan, Nicole. Malaki na naman ang naiipon natin, eh, kahit hindi ka na magtrabaho sa Canada ay tuloy ang pangarap nating kasal at kaya kitang bigyan ng maayos na buhay,” sagot naman ng katipan.

Ngunit hindi rin napigilan ni Edgar si Nicole. Ilang linggo lang mula nang nag-usap sila ay umalis ito at natuloy na magpunta sa Canada na labis niyang ikinadismaya.

“Hindi mo talaga ako pinakinggan,” bulong ni Edgar sa isip.

Isang araw ay nagulat na lang siya nang mabalitaang nagbalik ang kasintahan.

“Insan, kakaalis pa lang ni Nicole pero alam mo ba na nagbalik na siya agad?” sabi ng pinsan niyang si Noli nang dumalaw ito sa kaniyang condo.

“Ano? Totoo ba ‘yang sinasabi mo, insan?” gulat na tanong ni Edgar.

“Oo nga, insan. Sinabi sa akin ng kaibigan niyang si Thelma na nagbalik na ulit ang nobya mo. Teka, ikaw itong nobyo niya eh, wala kang kaalam-alam? Sa tingin mo, bakit naman siya nagbalik agad?”

“Wala taga akong alam, insan. Ewan ko ba, hindi pa naman tumatawag sa akin si Nicole. Hindi pa rin niya nasasabi sa akin ang dahilan ng biglaan niyang pag-uwi,” ani Edgar sa kausap.

“Aba’y kailangan na mag-usap kayo, insan. Anyway, iyan naman ang gusto mo, ‘di ba’t ayaw mong payagang pumunta siya sa Canada?” wika pa ni Noli.

“Iyon na nga, eh, pero umalis pa rin, tapos, heto’t nabalitaan kong umuwi siya agad? Ang tigas kasi ng ulo ng babaeng ‘yon, eh, sinabi kong huwag nang umalis pero hindi nakinig sa akin!” tugon ni Edgar na may galit ang tono.

“Baka naman may nangyari, insan? Kung ako sa iyo ay ikaw na ang tumawag sa kaniya para malaman mo ang totoong dahilan ng pagbalik niya,” sambit pa ng pinsan.

Binabagabag man sa tinuran ng kaniyang pinsan ay hindi niya tinawagan o pinuntahan ang nobya at ipinasya na huwag munang makipagkita rito ngunit nang sumunod na araw ay bigla itong nagpunta sa condo niya.

“Kumusta, Edgar? Alam kong nabalitaan mo na ang pag-uwi ko pero hindi mo man lang ako tinawagan o pinuntahan man lang sa bahay. Gusto mong ako pa talaga ang sasadya sa iyo?” tanong ni Nicole.

Saglit lang siyang nagulat sa presensiya ng nobya.

“Para ano pa? Hindi naman importante sa iyo ang mga sinasabi ko ‘di ba? Binalewala mo na akong minsan tapos ngayon ay mag-e-expect kang tatawagan kita o pupuntahan sa inyo samantalang nang bumalik ka ay hindi ka man lang nagparamdam?” sagot ng lalaki.

“Aaminin ko, kasalanan ko! Umalis pa rin ako kahit ayaw mo, pero Edgar, do I need to explain myself again? Alright, sinabi ko na naman sa iyo noon ang side ko ‘di ba? Kung hindi mo man iyon naintindihan, hindi na rin iyon mahalaga. Sorry kung hindi rin kita agad natawagan kasi nagulat din ako sa nalaman ko recently, pero hindi mo man lang ba itatanong kung bakit biglaan ang aking pagdating?” tanong ni Nicole.

“Bakit pa? Umalis ka nga ‘di ba? Bakit ko pa kailangang malaman kung bakit ka bumalik?” inis na tugon ng lalaki.

“Edgar naman, higit kanino man, ikaw ang kailangan ko ngayon. Alam mong ikaw lang ang kaisa-isang lalaking minahal ko.”

“Puwede ba, tigilan mo na ang kadramahan mo? Ano man ang dahilan mo’y hindi ko na gustong malaman pa.”

“Buntis ako, Edgar. Iyan ang dahilan kung bakit ako nagbalik at kailangang panagutan mo ito!” sambit ni Nicole.

Biglang nagulat si Edgar sa ipinagtapat ng nobya.

“Ang aking pagdadalantao ang dahilan kung bakit ako pinauwi. Kailangang magpakasal na tayo. Magkaka-baby na tayo, Edgar, hindi ka ba natutuwa?”

“Paano ako maniniwalang sa akin nga iyan? Ilang buwan ka ring namalagi sa Canada, malay ko ba kung anak mo ‘yan sa ibang lalaki!” tanong ng lalaki sa kausap.

“E-Edgar naman, alam mong hindi ko iyon magagawa sa iyo! Umalis ako na may laman na itong sinapupunan ko! Ngayon ay tinatanggihan mo na ang…” hindi na nagawang tapusin ni Nicole ang sasabihin, hindi na nito napigilang mapa-iyak sa labis na sama ng loob.

Nag-init ang ulo ni Edgar.

“Sige, sige, pakikisamahan kita para matapos na itong diskusyon natin pero huwag umasa na ibibigay ko ang aking pangalan!”

Pinakisamahan nga ni Edgar si Nicole. Nagsama sila sa isang bubong ngunit hindi niya pinakasalan ang nobya sa dahilang hindi siya naniniwala na sa kaniya ang ipinagbubuntis nito. Sa kanilang pagsasama ay naging malamig na siya kay Nicole.

“O, mahal, halos ginagabi ka lagi sa pag-uwi. Kadalasan ay lasing ka pa. Makakasama sa katawan mo ‘yan,” sabi ni Nicole sa kinakasama.

“Tumigil ka! Wala kang pakialam!” singhal ni Edgar sa kanya.

Hindi lang paninigaw at masasakit na salita ang inaabot ni Nicole, pinagbubuhatan din siya ng kamay ni Edgar kapag lasing ito.

“Pinakikisamahan mo lang ba ako upang saktan? Sana ay pinabayaan mo na lang ako,” wika ng babae.

“Ewan ko sa iyo! Ang dami mong satsat, pwe!” sagot ng lalaki sabay dura sa kaniya.

“Kung ako ang dahilan ng ipinagkakaganiyan mo, mabuti pang maghiwalay na lang tayo.”

Hndi na napigilan ni Nicole na mapahagulgol sa labis na pagdaramdam.

“A, bahala ka sa buhay mo! Sh*t!” tugon naman ni Edgar na lango pa rin sa alak.

Isang araw, habang namimili sa mall ay nakasalubong ni Edgar ang kaibigan ni Nicole na si Eden.

“O, Eden, kumusta? Ikaw ang kasama ni Nicole na tumungo sa Canada ‘di ba?” tanong niya.

“Edgar? Ikaw nga! Oo, kadarating ko lang. Anim na buwan lang ang pinirmahan kong kontrata sa Canada. Sayang nga si Nicole at hinjdi natapos ang kontrata niya kasi buntis na pala siya noon pa bago pa man kami umalis noon. Tuwang-tuwa nga siya dahil magkaka-baby na nga kayo,” tugon ng babae.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Edgar. Laking pagsisisi niya sa mga ginawa niya kay Nicole. Totoo pala ang sinabi ng kinakasama na siya ang ama ng ipinagbubuntis nito. Nagmamadali siyang umuwi para humingi ng tawad sa babaeng labis niyang sinaktan ngunit nakita niya itong may bitbit na maleta.

“A-anong ibig sabihin nito? Saan ka pupunta?”

“Hindi na ako makakatagal sa sitwasyon natin, Edgar. Kung wala ka nang pagmamahal sa akin ay ako na lang ang lalayo. Ibibigay ko na iyong kalayaan,” sambit ni Nicole.

Agad na niyakap nang mahigpit ni Edgar ang babae.

“Hindi mo kailangang lumayo, Nicole. Alam ko na ang lahat at naniniwala na ako sa iyo. Sana’y mapatawad mo ako sa mga ginawa ko. Hindi totoong wala na akong pagmamahal sa iyo dahil hindi naman iyon nawala, eh, hanggang ngayon ay mahal na mahal kita at ang ating magiging anak. Magpapakasal tayo at bubuo ng masayang pamilya,” tugon ni Edgar sa sinserong tono.

“O, Edgar…” tanging nasambit ni Nicole saka niyakap din nang ubod higpit ang lalaki.

Hindi nagtagal ay nagpakasal ang dalawa at isinilang ni Nicole ang panganay nilang anak.

Kung mahal mo talaga ang isang tao ay matutong magtiwala dahil ang pagtitiwala ang siyang importanteng sangkap para mapagtibay ang isang relasyon.

More Stories