Inday TrendingInday Trending
Isang Trahedya ang Sumubok sa Buhay ng Matalinong Batang Ito; Mabuti na Lang ay To The Rescue ang Kaniyang Guro!

Isang Trahedya ang Sumubok sa Buhay ng Matalinong Batang Ito; Mabuti na Lang ay To The Rescue ang Kaniyang Guro!

Nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay ang sampung taong gulang na si Neil upang magpalit ng uniporme. Dala niya ang isang supot ng tig-sampung pisong pansit na nabili niya kina Aling Martha, pati na rin ang limang pirasong pandesal.

“Inay, papasok na po ako. Narito po ang pagkain at inumin n’yo. Uuwi po ako agad mamaya,” pagpapaalam niya sa ina.

Hinalikan niya ito sa noo saka kinuha ang lumang bag na nasa lamesita. Hindi na niya nahintay pa ang sagot ng ina dahil sa pagmamadali. Malayo-layo pa ang lalakarin niya patungo sa paaralan kaya naman lakad-takbo ang kaniyang ginawa.

“Neil Santos, late ka na naman?” bungad ng kaniyang gurong si Miss Flores nang makarating siya sa paaralan.

“Sorry po, ma’am,” hinging paumanhin ni Neil. Bahagya pang hinihingal dahil sa ginawang pagmamadali.

Tumalikod naman na ang kanilang guro at itinuloy ang pagsusulat sa pisara.

Napuno ng hagikgikan ang buong silid. Tumuloy na siya sa kaniyang upuan at kinuha ang kaniyang lumang kuwaderno upang kopyahin ang isinusulat ng guro.

Kinalabit siya ng kaklaseng si Ada. “Sabi ni mama, nakita ka raw niya kaninang madaling-araw na naglalakad. Wala ka bang perang pamasahe?” ngising sabi pa nito sa kaniya.

“Kaya tingnan mo ‘yung tsinelas niya, pudpod na!” tatawa-tawang pang-aasar pa ng isa rin sa kanilang mga kaklase.

Nangingilid ang luhang yumuko na lamang si Neil habang nakatingin sa mga paang nasasapinan ng butas na tsinelas na goma. Hindi niya gusto ang mga naririnig niya at gusto na niyang sagutin ang mga ito ngunit palagi niyang naaalala ang sinabi ng ina.

“Hindi mo kasalanang ipinanganak kang mahirap, anak. Hindi ka dapat mahiya. Ang dapat ay pagbutihin mo ang pag-aaral mo, upang makaraos ka sa buhay. Hayaan mo lamang ang mga nangungutya sa ʼyo. Maging mapagpasensiya ka’t manatiling nakatapak sa lupa, anuman ang marating mo,” ang palagi nitong paalala sa kaniya.

Tumatak sa kaniya ang mga salita ng ina kaya naman kahit palaging nahuhuli sa klase ay siya pa rin ang nakakukuha ng pinakamatataas na grado.

Nang mag-uwian naʼy hindi siya dumiretso sa bahay. Doon siya sa karinderya ni Aling Martha nagtungo at tumulong sa paghuhugas ng mga gamit sa karinderya. Nang matapos na siya ay binigyan siya ng kusinera ng kanin at ulam. Agad siyang umuwi sa kanilang bahay.

“Inay, bangon na po may dala po akong tanghalian natin. Nakainom po ba kayo ng gamot ninyo? Bakit hindi po ninyo kinain itong pancit at pandesal?”

Ilang sandali ang lumipas ngunit hindi sumasagot o gumagalaw man lang ang nanay niya. Nilapitan niya ito at bigla siyang naluha.

“Inay! Inay ko!” ang palahaw ni Neil.

Kinabukasan ay nagtataka ang guro dahil isang oras na ang nakalilipas ngunit wala pa rin si Neil. Dati-rati ay sampu hanggang dalawampung minuto lamang itong nahuhuli. Hanggang sa hindi na nga pumasok ang bata. Nag-aalala na ang guro kaya nagpasya ito na alamin kung bakit absent si Neil. Pinuntahan nito ang lugar na tinitirhan ng bata. Tanghali na rin kaya naman naisipan muna nitong kumain sa karinderyang naraanan.

“Kaawa-awa naman talaga ang batang iyon at maagang naulila. Tuwing madaling-araw ay naglalako muna siya ng pandesal kaya naman madalas ay nahuhuli raw siya sa klase,” malungkot na wika ng isang ale.

Narinig ni Miss Flores ang huntahan ng mga nasa kainan. Nakaramdan siya ng awa sa tinutukoy ng mga ito.

“Kaya nga pumayag akong tuwing tanghali ay tumulong siya sa paghuhugas ng mga plato rito upang may maiuwing pagkain sa nanay niya. Matagal na rin kasing maysakit si Aling Melba kaya naman si Neil na ang nagtrabaho para sa kanilang mag-ina. Napakasipag na at napakabuti ng batang ʼyon.”

Kinabahan ang guro nang marinig ang pangalan ni Neil.

“Mawalang-galang na po, itatanong ko lang po sana kung Neil Santos po ang tinutukoy nʼyo. Ako po kasi ang kaniyang guro. Ilang araw na po kasi siyang hindi pumapasok kaya nais ko po sana siyang makausap.”

“Ay, opo! Yumao po ang kaniyang nanay noong makalawa. Nag-ambagan lang po ang buong barangay para sa serbisyo ng punerarya at walang-wala po silang mag-ina,” maluha-luhang sagot ni Aling Martha.

Nalungkot ang guro sa narinig. Ngayon niya nauunawaan kung bakit madalas ay huli nang pumapasok si Neil.

Mabilis na nagpunta sa bahay nina Neil ang guro at doon ay nakita niya ang bata na nasa tabi ng labi ng ina. Malungkot ito at nakatitig sa kawalan. Hindi napigilan ni Miss Flores na yakapin si Neil.

“Ma’am, sorry po, hindi po ako nakakapasok. Kailangan po kasi ako ng nanay ko.”

“Patawad, Neil. Hindi ko alam na ganito pala kahirap ang mga pinagdaraanan mo,” naluluhang wika ng guro.

“Wala na po si Inay, Ma’am. Hindi na po ako mahuhuli sa klase,” tila nagsusumbong na anang bata.

Lalong nadurog ang puso ng guro sa narinig. Araw-araw itong nagpupunta habang nakaburol ang ina ni Neil. Ang guro na rin ang nagpuno sa kakulangan sa punerarya.

Nang mailibing ang ina ni Neil ay nagpasya si Miss Flores na na kupkupin na lamang ito. Simula noon ay hindi na muling na-late sa klase si Neil. Hindi na rin niya kinailangan pang magtinda ng pandesal at maging tagahugas ng plato upang may makain sa araw-araw.

Mas lalong pinagbuti ni Neil ang pag-aaral upang maibalik kay Miss Flores ang lahat ng kabutihang-loob nito sa pag-ampon sa kaniya, at para na rin tuparin ang bilin sa kaniya ng butihing ina, nawala man ito sa kaniyang tabi.

Advertisement