Nais ng Lalaki na Magbago at Tigilan na ang Paggawa ng Masama; Magtagumpay Kaya Siya?

“Alabang, Alabang!”

Naalerto si Berting nang mula sa malayo ay marinig niya ang boses ng kundoktor ng bus na maghahatid sa kaniya sa kaniyang destinasyon.

Nakipagsiksikan siya sa daloy ng tao.

“Mas maraming tao, mas mainam,” sa isip isip ni Berting habang nakikipagsiksikan sa buhos ng mga biyahero na nagnanais na makasakay sa bus, sa pag-asang makakauwi nang maaga-aga. 

Isang matagumpay na ngiti ang pumaskil sa kaniyang labi nang matagumpay na makasampa sa bus.

Napangiti si Berting nang patuloy na bumuhos ang tao. Perpekto ang araw na ‘yon para sa mga nasa industriyang kinabibilangan niya.

Sinipat niya ang mga kapwa pasahero. Dadalawa ang nahinuha niya mula sa mukha ng bawat isa – pagod at antok.

“Siguradong makakarami ako nito,” sa isip-isip niya. 

Advertisement

Nagsimula siyang mamili ng biktima nang araw na iyon. Inilinga niya ang paningin.

May isang babae na may pagod na ekspresyon sa mukha. Sa kanang kamay nito ay makikita ang isang envelope.

“Malamang naghahanap ng trabaho,” nahinuha niya.

Mayroon namang isang matanda na may hawak na itim na briefcase. Sa tingin niya ay laptop ang laman noon.

Sinipat niya ang lalaki. Mukhang may sinasabi ito sa buhay lalo pa’t mamahalin ang suot nitong damit at sapatos.

Mamahalin rin ang suot nitong relo.

Dumako ang tingin niya sa tunay na sadya – ang bulsa sa likod ng pantalon ng lalaki.

Halos manginig siya sa tuwa nang makita ang makapal na bulsa ng lalaki. Sigurado siya na magiging tiba-tiba siya sa gabing iyon.

Advertisement

Bahagya siyang nakaramdam ng sundot ng konsensiya ay ipinagkibit-balikat niya iyon. 

“Ito na naman ang huli,” sa isip isip niya.

Limang taon siya sa industriya ng pagnanakaw. Bagaman maayos ang kitaan doon ay ayaw naman ni Berting na lumaki ang anak niya mula sa perang masama.

Kaya naman napagdesisyunan niya na ititigil niya na ang pagnanakaw.

Iyon na ang huling beses. Hindi siya sigurado kung tama ang desisyon niya ngunit nais niya na rin ng isang marangal na buhay.

Natigil ang pagmumuni muni ni Berting nang halos mapasubsob ang mga pasahero dahil sa biglaang pagpreno ng driver ng bus.

“Manong, dahan-dahan naman!” agad na reklamo ng ilang pasahero. 

Sinamantala niya ang pagrereklamo ng ilan at nilapitan ang kaniyang target. Walang kahirap-hirap na nakita niya ang makapal nitong wallet nang hindi nito namamalayan. 

Advertisement

Ang huli niya na lang gagawin ay magdasal na hindi nito mamalayan ang pagkawala ng wallet nito upang wala nang komosyon na maganap sa loob ng bus.

Kaya laking tuwa niya nang makarating na ang bus sa na sinasakyan niya sa destinasyon na nito.

Habang papalayo ang bus ay nagpapaalam na rin siya sa propesyon na bumuhay sa kaniya sa loob ng limang taon.

“Diyos ko, tama ba ang desisyon ko na iwan na ang buhay na masama? Gagabayan mo ba ako?” sa loob loob niya. 

Noon niya nakapa sa kaniyang bulsa ang makapal na wallet ng kaniyang huling biktima. Sabik na kinuha niya ito upang usisain.

Nang buklatin niya ito ay nagitla siya. Hindi pala pitaka ang nadukot nya kundi isang maliit na bibliya! Kaya naman pala napakakapal ng bagay na iyon, na inakala niyang isang pitaka.

Mabilis niyang binuklat at inusisa ang bibliya ngunit ni bente pesos ay wala siyang nakita.

Bumagsak ang kaniyang balikat nang makumpirma na wala nga siyang anumang pera na makukuha mula doon.

Advertisement

Itatapon niya na sana iyon nang mapansin niyang may kulay berde ang isang pahina ng bibliya. Sa kaniyang interes ay binasa niya iyon.

Mateo 7:11

Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa Kanya!

Tila siya tinamaan ng kidlat sa sobrang pagkagulat.

Hindi niya namalayan ang pamamalisbis ng masaganang luha mula sa kaniyang mga mata. Noon ay sigurado na siya na tama ang naging desisyon niya na iwan na ang buhay na masama at magbagong buhay.

Napagtanto niya na sa matinding kagustuhan niyang maibigay ang pangangailangan ng sarili niyang anak ay nalimutan niya na mayroon nga pala siyang Ama na maari niyang hingan ng tulong sa oras ng kagipitan.

“Patawad, Diyos ko! Gabayan niyo po ako sa panibagong daan na tatahakin ko,” pabulong niyang pagdarasal.

Dininig ng langit ang kaniyang panalangin. Matapos ang isang linggo ay natanggap siya bilang isang security guard sa isang mall.

Advertisement

Ang dating mangnanakaw ay siya na ngayong kaaway ng mga magnanakaw.

Malaki ang pasasalamat niya sa kaniyang huling biktima. Higit pa sa pera ang ipinagkaloob nito sa kaniya. Dahil dito ay nakumpirma niya na ang daang pinakamagandang tahakin ay ang tamang daan, kung saan nagsisimula ang pagpapatawad at pagbabago.