
Labis ang Pagiging Materyalistiko ng Dalagita; Paano Mababago ng Isang Simpleng Bakasyon ang Katauhan Niya?
Todo ang simangot ni Shane habang pauwi sila ng ina. Panay ang salita nito ngunit hindi niya ito binigyan ni isang sulyap.
“Anak naman, ano ba ang ikinagagalit mo? Kabibili ko lang ng cellphone mo, gusto mo na naman ng bago?” tila nakukunsuming saad ng kaniyang ina.
Nakalabing nilingon niya ito.
“‘Ma, sa aming magkaklase, ako na lang ang walang bagong cellphone! Ayokong pagtawanan nila ako!” nagpanggap pa siyang umiiyak upang makumbinsi ang ina ngunit matigas ang naging pagtanggi nito.
“Hindi, Shane. Sobra ka na. Hindi maganda ang ugaling ganyan. Anak, napakaswerte mo kumpara sa ibang bata, pero hindi ka pa rin nakukuntento?” inis na pakli ng kaniyang ina. Sa mukha nito ay kitang kita niya ang matinding pagka-dismaya.
“Eh ‘di ‘wag na po. Si Papa na lang ang kakausapin ko,” nakairap na tugon niya sa ina.
“Hindi mo makakausap ang Papa mo dahil sa susunod na linggo pa ang uwi nun. Bukas na bukas din ay ihahatid kita sa bahay ng Lola mo, tutal bakasyon na naman,” wika nito.
Nanlaki ang mata niya sa narinig. Ayaw niya sa probinsiya! Paano na ang mga kaibigan sa lungsod?
“‘Ma! Hindi na nga po ako magpapabili, hindi ba? Hindi ako pupunta sa bahay nila Lola,” mariing tanggi niya.
Umiling ito. “Hindi ikaw ang magdedesisyon niyan. Nakapagdesisyon na ako. Ihahatid kita doon bukas kaya mag-empake ka ng mga gamit mo bago ka matulog. Isa pa, hindi ka magdadala ng kahit na anong gadget doon,” pinal na saad nito bago siya iniwan sa loob ng sasakyan.
Nang lumingon siya sa labas ay noon lang niya napagtanto na nasa labas na pala sila ng bahay.
Hindi na siya nakapagsalita pa. Ayaw niya na rin namang kontrahin ang kaniyang ina. Kilala niya ito. Kapag nakapagdesisyon na ito ay wala sinuman ang makakapagpabago ng isipan nito.
“Magpakabait ka rito ha, ‘wag mong bigyan ng problema ang Nanay at Tatay ko, gaya ng ginagawa mo sa bahay,” nandidilat na bilin na kaniyang ina bago ito lumulan sa sasakyan.
“Apo, masayang-masaya kami ng Lolo mo na dinalaw mo kami rito! Halika’t mag-merienda tayo sa loob!” masayang yaya ng kaniyang Lola.
Tatanggi sana siya at sasabihin niyang wala siyang gana ngunit nang makita niya ang nakangiting mukha ng kaniyang Lola ay pilit na ngiti ang isinukli niya rito bago siya pumasok na rin sa loob ng maliit na bahay.
Napangiti siya nang makita ang simpleng pagkain na nakahain sa mesa. Puto at isang tasa ng umuusok na tsokolate.
“Natatandaan niyo pa po pala ang paborito kong pagkain, Lola,” nakangiting untag niya sa matanda.
“Oo naman, apo. Pwede ko bang kalimutan ang nag-iisa kong apo?”
Magana niyang nilantakan ang nakahain sa mesa. Ilang taon na rin kasi ang lumipas simula noong nakakain siya ng pagkaing probinsiya.
Naisip ni Shane na kaysa magmukmok ay susulitin niya na lang ang bakasyon sa bahay ng kaniyang Lola at Lolo.
Ngunit hindi iyon naging madali. Paano ba naman ay halos wala siyang mapaglibangan sa loob ng bahay.
“Wala po kayong computer at internet?” gulat na bulalas niya sa matatanda.
“Ano ba ‘yang hinahanap mo, apo? Makakabili kaya tayo niyan sa bayan?” naguguluhang usisa ng kaniyang Lolo.
Napabuntong hininga na lang siya. “Hayaan niyo na po, ‘Lo,” malungkot na sagot niya sa matanda.
“Bale ano pong pinagkakaabalahan niyo rito, Lola, Lolo?” kuryosong tanong niya sa dalawa.
“Naku, apo, marami, lalo na sa mga kagaya mong bata at malakas pa! Pwede kang lumangoy sa dagat ‘di-kalayuan, pwede kang makipagkwentuhan sa mga kapitbahay na kaedaran mo. May telebisyon din kami na maaari mong mapanooran ng magagandang palabas.” May pagmamalaki sa tinig ng kaniyang Lola.
Sinulyapan ni Shane ang lumang TV sa sala at pilit niyang pinigilan ang sarili na mapasimangot.
Nang sumapit ang gabi ay nagulat si Shane nang makitang napakaraming tao ang nakaupo sa kanilang maliit na sala.
Napangiwi na lamang si Shane sa narinig. Mukhang magiging napakahaba ng bakasyon niya.
“‘La, bakit po maraming tao?” takang tanong niya.
“Ah, makikinood ang mga kapitbahay. Kami lang kasi ang may TV dito sa baryo namin,” pabulong na sagot ng kaniyang Lola.
Tahimik niyang minasdan ang mga bisita. Tutok na tutok ang mga ito sa kung anong pinapanood. May mga sandaling kukunot ang noo ng mga ito, tatawa, bago sisimangot.
Bakas ang saya sa mukha ng mga ito sa simpleng panonood lang ng telebisyon.
Dahil napukaw ng pinapanood ng mga kapitbahay ang kaniyang interes ay nakinood na rin siya. Ilang sandali pa ay hindi niya na namalayang nakikipagtawanan na siya sa mga taong hindi niya naman kilala.
Napaisip si Shane. Kailan nga ba ang huling beses na umupo siya kasama ang kaniyang pamilya upang manood, o gumawa ng kahit na ano? Hindi niya na matandaan.
Nang matapos ang pinapanood nila ay nakadama si Shane ng panghihinayang.
“‘Wag kang mag-alala, mayroon pa bukas,” nakangiting paalala ng kaniyang Lola.
Sa kaniyang pagkagulat ay naghanda rin ng makakain ang kaniyang Lola para sa mga bisita. Ganoon daw pala kasi ang kaugalian sa probinsya.
Maganang maganang kumain ang bawat isa, lalo na ang mga bata.
“Ate, bakit hindi ka kumakain? Ayaw mo ba ng pagkain?” tanong ng batang nakilala niya bilang si Buboy.
“Hindi lang ako sanay sa ganitong pagkain,” nakangiwing sagot niya habang nakatingin sa isda at gulay sa kaniyang plato.
“Ha? Ano bang mga kinakain mo, Ate? Sa’min kasi ganito lagi ang pagkain namin. Masarap na, masustansiya pa!” bibong wika ni Buboy, na ikinatawa niya.
Sa kaniyang pananatili ay isang bagay ang natuklasan ni Shane – simple pero masaya ang pamumuhay ng mga tao doon.
Walang nagmamay-ari ng kahit na anong gadget, ngunit parating balot ng saya at tawanan ang paligid.
Walang sinumang nakikipag-usap sa cellphone dahil ang lahat ay personal na nakikipagkwentuhan at nakikipagtawanan.
Natuto si Shane na makipaglaro sa mga bata, makipag-usap sa matatanda, at makipagkaibigan sa mga kaedaran niya.
Natuto rin siyang kumain ng mga simpleng pagkain, manood ng telebisyon, at tumulong sa mga gawaing bahay.
Bago pa mamalayan ni Shane ay patapos na pala ang bakasyon niya. Malungkot siyang nagpaalam sa mga taong napalapit na sa puso niya.
“Ate, bumalik ka, ha?” bilin pa ng mga bata.
“Oo naman, pangako,” anas niya.
Nang pauwi na sila ay tahimik na nakatingin lamang sa labas si Shane.
“Ano? Galit ka pa rin sa akin dahil pinadala kita sa probinsiya?” narinig niyang tanong ng ina.
Sunod-sunod na pag-iling ang isinukli niya sa ina.
“‘Ma, sorry po. Na-realize ko na ang swerte swerte ko pala talaga, ang dami-daming bagay na meron ako, pero wala ‘yung iba. Pero masaya sila,” sagot niya sa ina.
Hindi ito nagsalita. Nang lingunin niya ito ay nakita niya na natigagal ito.
“Maraming salamat po sa lahat ng ibinibigay niyo sa akin ni Papa. Pero hindi lang pala mga materyal na bagay ang kayang magpasaya sa atin.”
Naramdaman niya ang pagtigil ng sasakyan sa isang tabi bago ang mahigpit na yakap ng kaniyang ina.
“Hindi ko inaasahan ito, anak. Pero proud na proud ako sa mga natutunan mo sa karanasang ito,” wika ng kaniyang ina.
Binago ng karanasan na iyon ang katauhan ni Shane. Natuto siya na makontento sa lahat ng mayroon siya, at hindi na maghangad ng anumang bagay na hindi niya naman kailangan.