Ibinigay Niya sa Batang Pipi ang Piraso ng Cake na Nais Niya Sanang Solohin; Nagulat Siya nang Magsalita ang Bata!

Takam na takam si Kristal habang minamasdan niya ang iba’t-ibang uri ng cake sa kalapit na panaderya.

Kaarawan niya kasi, at kahit papaano ay may naitabi siya upang makabili ng isang hiwa ng cake na magsisilbing handa niya sa araw na iyon.

Tuwang tuwa siya nang iabot sa kaniya ng tindera ang binili niyang chocolate cake.

Hindi naman siya madalas nakakakain ng cake kaya naman sabik niyang tinungo ang isang tabi upang kainin ang regalo niya sa sarili.

“Lord, salamat sa panibagong taon na idinagdag mo sa buhay ko,” usal niya ng isang simpleng panalangin.

Nakakaisang kagat pa lang siya nang mapalingon siya sa kaniyang gilid.

Nakita niya ang isang batang lalaki na nakatingin sa kinakain niya.

Gusto man niyang solohin ang masarap na pagkain ay hindi naman niya maatim na hindi pansinin ang bata.

Advertisement

“G-gusto mo?” alanganing alok niya sa bata. Sa isip niya ay hinihiling niya na sana ay tumanggi ito.

Masiglang sunod-sunod na tango lamang ang isinagot nito.

Binigyan niya ng isang malaking tipak ang bata, na magana nitong nilantakan.

“Masarap?” nangingiting tanong niya sa bata bago pinunasan ang gilid ng bibig nitong nadumihan ng tsokolate.

Muli ay sunod-sunod na tango lang ang isinagot sa kaniya ng bata. Matapos nitong maubos ang ibinigay niya ay nanatiling nakapako ang tingin nito sa piraso na dapat ay para sa kaniya.

“Pambihira naman, oo,” naiiling na sambit niya bago ibinigay ang piraso niya sa bata.

Muli ay magana itong kumain.

Noong una ay may nararamdaman siyang panghihinayang. Ngunit agad na naglaho iyon nang makita ang masayang ngiti sa labi ng bata.

Advertisement

Maya-maya ay tumayo na siya upang lisanin ang lugar na iyon. Subalit hindi niya magawa tuluyang makaalis dahil kumapit nang mahigpit ang bata sa kaniyang binti, tila ayaw siyang paalisin. 

Wala naman siyang ibang magawa kundi ang manatili sa tabi ng bata. Hindi niya alam kung nasaan ang magulang nito, o kung bakit ito nag-iisa. Hindi kasi nagsasalita ang bata.

Lumipas ang mga minuto at oras, subalit nanatili lamang siyang nakaupo sa tabi ng batang hindi nagsasalita.

“Alam mo ba na birthday ko ngayon? Pero buong araw lang akong nandito sa tabi mo,” natatawang pagkausap niya sa bata, kahit hindi siya sigurado kung naiintindihan siya nito.

“Kinain mo pa ang cake ko,” pabirong reklamo niya bago kinurot ang bata sa pisngi.

Tahimik lamang ang batang habang nakatitig sa kaniya.

Nang kumagat na ang dilim ay nagsimula na siyang mag-alala. Bakit walang naghahanap sa bata? Nawawala ba ito? Hindi niya ito maaring iwan, ngunit hindi niya rin naman ito maaring dalhin sa maliit niyang barong-barong.

Nasa kalagitnaan siya ng pagmumuni-muni nang isang humahangos na babae ang lumapit sa kanila.

Advertisement

“RJ! Diyos ko, anak, saan ka ba nagsususuot?” umiyak na niyakap ng babae ang bata.

Sa unang pagkakataon ay narinig niya ang tinig ng bata.

“Mama!”

“Nakakapagsalita ka? Akala ko pipi ka!” namimilog ang matang tanong niya sa bata.

“Pasensiya ka na, hija. Binilinan kasi namin ang bata na ‘wag makikipag-usap sa mga hindi niya kilala,” paghingi ng dispensa ng ina nito.

Nakakaunawang tumango-tango siya. 

“Ikaw ba ang nag-alaga sa anak ko?” usisa ng ginang.

“Naku, hindi ho, sinamahan ko lang siya dahil ayaw niya akong paalisin. Aalis na ho ako,” magalang na paalam niya bago kinawayan ang bata.

Advertisement

“Mama, ibili natin siya ng cake!” sigaw ng bata na ikinagitla niya.

“Bumili siya ng cake pero ipinakain niya sa akin! Birthday niya ngayon,” kwento pa ng bata. 

Hiyang-hiya naman si Kristal sa sinabi ng bata. Nang mga sandaling iyon ay nais niyang lumubog sa kinatatayuan niya. Bakit nga ba kasi inakala niyang pipi ang batang ubod pala ng daldal?

Narinig niya ang pagtawa ng ina ng bata.

“Oo naman, anak, Sige, ibili natin siya ng cake,” pagsang-ayon ng ina ng bata.

Nahihiya man ay nagpatianod na lang siya sa gustong mangyari ng mag-ina.

Nagulat siya nang iabot ng mag-ina ang isang malaking kahon na naglalaman ng isang malaking bilog na chocolate cake.

“Sobra sobra naman ho yata ito. Isang hiwa lang naman ‘yung pinakain ko ay RJ,” nahihiyang pagtanggi niya.

Advertisement

“Sige na, tanggapin mo na,” nakangiting udyok ng ina ng bata.

“Sige na, Ate! ‘Di ba sabi mo hindi ka naman laging kumakain ng cake?” muli ay sabat ng bata. 

Muli ay napangiwi siya dahil sa katabilan ng dila ng bata.

Wala siyang nagawa kundi ang tanggapin ang ibinibigay ng mag-ina. Bilang pasasalamat daw nila iyon sa pagsama niya sa batang si RJ.

Minasdan niya ang mag-ina na naglalakad palayo. Nawala ang piraso ng cake na pinakaasam-asam niya, ngunit napalitan iyon ng isang buo.

Kakaiba ang araw na iyon para kay Kristal. Naisip niya na marahil ay wala talagang kabutihang nasasayang. Ultimo kaliit-liitang malasakit ay ibinabalik ng langit.