Inday TrendingInday Trending
Tinakasan Niya ang Responsibilidad sa Inang May Karamdaman; Isang Pangyayari ang Magiging Daan Upang Magbago ang Kaniyang Pananaw

Tinakasan Niya ang Responsibilidad sa Inang May Karamdaman; Isang Pangyayari ang Magiging Daan Upang Magbago ang Kaniyang Pananaw

“Mama, hindi ko na kayo maaalagaan…” saad ni Lizel sa kaniyang ina, habang binibihisan ito. “Ikakasal na ako, e.”

“Iiwan ko kayo sa kapatid kong si Paula. Siya na ang mag-aalaga sa inyo simula ngayon. Huwag kayong matigas ang ulo, ha? Sumunod kayo,” dagdag pa niya.

Ni hindi naman siya pinagkaabalahang sagutin ng kaniyang may sakit na ina. Nanatili itong tulala na tila ba napakalalim ng iniisip. Mayroon itong sakit na tinatawag na Alzheimerʼs disease. Madalas ay nakakalimutan nito ang napakaraming bagay tungkol sa kaniyang sarili at paligid. Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lang kung aryahin ni Lizel ang kaniyang nobyo na magpakasal na sila. Gusto na niyang takasan ang kalbaryo ng pag-aalaga rito na ilang taon na rin niyang iniinda.

Wala nang nagawa pa ang nobyo niya. Kahit tutol ito sa kaniyang desisyon ay pinakasalan siya nito. Mahal na mahal siya ng nobyo, ngunit hindi nito gusto ang trato niya sa sariling ina. Ngunit ipinagsasawalang bahala na lamang iyon ni Lizel.

Halos isang taon na rin silang kasal at naging mabuti naman ang kanilang pagsasama. Parehas silang may trabaho, ngunit sinisiguro nilang may oras pa rin para sa isaʼt isa.

Ayos na sana ang lahat, kung hindi lang dumayting ang araw na nabalitaan nilang nagkaroon daw ng problema sa bahay nina Paula ang kaniyang ina!

“Lizel, wala ka man lang bang balak na asikasuhin ang mama? Hindi mo ba alam na ini-report sa pulis ang kapatid mo dahil sinasaktan sila ng kapatid mo!” isang umagaʼy nagulat na lamang si Lizel nang awayin siya ng asawang si Gordon dahil sa balitang iyon.

Agad namang nag-init ang ulo ni Lizel.

“Ano’ng gusto mo? Kunin ko ulit si mama ro’n at magpakahirap na alagaan siya? Ayoko na! Ayoko nang bumalik ulit sa kalagayang ’yon!” ganting sabi naman niya sa asawa nang pahiyaw.

“Bakit ganiyan ang ugali mo kay mama? Lizel, kahit anoʼng gawain mo, nanay mo pa rin iyon!” malakas ang boses na anito. “Nakakapag-isip tuloy ako ng hindi maganda sa ʼyo. Paano ka magiging mabuting ina sa mga magiging anak natin kung hindi mo muna kayang maging mabuting anak sa nanay mo?!”

Iiling-iling ang asawa niya habang siya naman ay natulala. Nagbalik lang siya sa sarili nang makitang nagbibihis itoʼt lalabas ng bahay.

“M-mahal, saan ka pupunta?” kinakabahang tanong niya.

“Aalis ako. Pupunta ako kina Paula para kunin si mama sa ayaw at gusto mo. Kung hindi kayang magpakaanak ng sarili niyang mga anak sa kaniya, ako na lang. Ayaw kong maging katulad mo ang mga anak ko. Ayaw kong dumating ang araw na pababayaan ka rin nila ʼtulad ng ginagawa mo ngayon sa taong nagpalaki at bumuhay sa ’yo!”

Hindi na nakasagot si Lizel sa asawa. Ilang sandali pa ay narinig na niya ang pagbagsak ng kanilang pintuan. Talagang galit sa kaniya si Gordon!

Tumulo ang kaniyang mga luha. Pakiramdam niyaʼy tumagos ang mga salita ng asawa hanggang sa kaniyang buto. Maya-maya paʼy nahilo na siya. Umikot ang kaniyang paningin at tila bumabaliktad ang sikmura. Minabuti niyang dumiretso sa kwarto at matulog na. Siguroʼy nabigla lang siya sa galit ng asawa. Pag-uwi nitoʼy saka na lang siya makikipagbati.

Tanghali na nang magising si Lizel, ngunit hindi pa rin nawawala ang pag-ikot ng kaniyang paningin. Patakbo niyang tinungo ang lababo sa banyo upang doon dumuwak. Gusto niyang sumuka ngunit wala namang lumalabas na kahit ano sa sikmura niya.

“Buntis ka siguro, hija.” Napalingon siya sa pinanggalingan ng pamilyar na tinig na ʼyon.

“Mama?” tawag niya rito. Nakatayo ito sa may pintuan habang nasa likod naman nito ang asawa niya. Bakas sa mukha ang pag-aalala.

“Hindi mo ako mama, hija, wala naman akong anak, e,” sabi ng kaniyang ina.

Tila may kung anong sumuntok sa kaniyang dibdib nang marinig iyon mula sa ina. Doon niya napagtantong, sabagay, inabandona niya itoʼt tinakasan. Malamang ay galit ito sa kaniya.

“Pero mayroon akong dalawang batang pinalaki at inalagaan. Itinuring ko silang tunay na anak. Itinuring ko silang prinsesa. Kilala mo ba sila, hija? Kapag nakita mo sila, sabihin mo sa kanila okay lang si mama nila, ha? Kasi, napapagod na sa akin ang baby kong ʼyon, e…” Bigla itong nalungkot sa huling mga salitang sinabi. Si Lizel naman ay tila pinagbarahan ng kung ano sa lalamunan. Ni hindi siya makalunok. Ano ang ibig sabihin ng mama niya?

“Sina Lizel at Paula, anak sila ng kapitbahay namin noon na basta na lang iniwan ang mga anak niya kasi may iba nang pamilya. Dalaga pa ako n’on, e. Pero hindi na ako nag-asawa para sila na lang ang aalagaan ko,” malawak ang ngiting sabi pa ng kaniyang mama.

Napatakip sa kaniyang bibig si Lizel. Biglang bumalik sa kaniyang mga alaala ang hindi maayos na pagtrato niya sa kanilang mama at ganoon din ng kapatid niyang si Paula!

Dahil doon ay napayakap siya rito at taos-pusong nanghingi ng tawad. Pinagsisisihan niya ang lahat ng kaniyang nagawa at ngayon ay handa siyang bumawi sa ina.

Advertisement