Ginamit ng Babae ang Kaniyang mga Kaibigan Upang Matupad ang Kaniyang mga Mithiin; Karma ang Kaniyang Aabutin sa Kaniyang Pagkabuking!

Magkakaibigan na sina Diane, Ela, Yna at Vince simula pa noong sila ay nag-aaral hanggang sa nagkaroon na sila ng kani-kaniya nilang mga negosyo. Maayos naman ang kanilang naging samahan sa loob ng ilang taon, lalo pa at sinubok na rin sila ng mahabang panahong pagkakaibigan. Pare-pareho silang mga anak mayaman na kalaunan ay nagmana ng negosyo ng kani-kaniya nilang mga magulang, bagama’t magkakalaban ang mga ito.

Siyempre, nagkakaroon ng tampuhan ngunit agad nila iyong nasosolusyonan noon… ngunit iba ang kaso ngayon.

“Traydor ka, Diane! Ginamit mo kami para sa pansarili mo lang na ambisyon!” hiyaw ni Ella sa kaibigang si Diane. Nanggagalaiti siya nang sobra at akmang susugurin ang kaibigan ngunit inaawat naman siya nina Yna at Vince.

Nalaman kasi nila na sinulot ni Diane ang lahat ng kanilang mga investors upang ang mga partner companies ng kompanyang pinatatakbo nito ang makinabang sa perang sana ay ipapasok ng naturang mga investors. Matinding galit ang nadarama ng tatlo sa kanilang kaibigan. Hindi nila akalaing noon pa man ay ginagamit na sila nito para lang sa pansarili nitong kapakanan!

“Ano ba ang ipinuputok ng butsi mo, Ella? Hindi mo ba naiintindihan? Business is business! Walang kaibi-kaibigan sa negosyo! Dapat alam n’yo ’yan. Kaya kayo naaagawan, e,” nang-iinsultong sabi pa nito.

Naikuyom nina Ella at Yna ang kanilang mga kamao ngunit pinigilan na lamang nila ang sarili na saktan ang dati nilang kaibigan. Nilayasan nila ito at iniwan, habang si Vince ay iiling-iling namang sumunod sa dalawa.

Noon pa man, si Diane na ang pinakamatalino sa kanila. Siya rin ang pinakamaganda at pinakamayaman kaya naman ganoon na lang ang bilib niya sa kaniyang sarili. Ngunit hindi akalain ng tatlong kaibigan niya na aabot sa ganito ang kaniyang kasakiman sa pera lalo pa at may mga pinagsamahan naman sila.

Lingid sa kaalaman ni Diane, simula nang araw na iyon ay pinagpaplanuhan na ng tatlo kung papaano siya pababagsakin upang gumanti sa kaniyang ginawa. Pinalakas nila ang kani-kaniya nilang mga kompanya na kalaunan ay kanila ring pinag-isa at tulong-tulong na pinagtibay.

Advertisement

Kinalaban nila ang kompanya ni Diane at dahil doon ay malaki ang naging pagbagsak niyon. Nahirapang makabawi si Diane lalo pa at wala na siyang mahingian ng tulong ngayon. Unti-unti siyang bumagsak at nalugi. Matinding karma ang kaniyang inabot hanggang sa halos mawala na ang lahat sa kaniya.

“Patawarin n’yo ako… hindi ko sinasadya ang mga nagawa ko noon, nakikiusap ako!” Wala nang pagpipilian si Diane kundi ang magpakumbaba sa kaniyang mga dating kaibigan. Kung hindi lamang talaga ayaw niyang maghirap ay hinding-hindi niya gagawin ito dahil para sa kaniya ay mas magaling siya sa kanila!

“Pinapatawad ka na namin, Diane, pero huwag kang aasa sa tulong namin, dahil hindi namin maibibigay ’yon sa ’yo,” sagot naman ni Yna.

“Bakit? Kaibigan n’yo rin naman ako, a? Hindi ba’t ang magkakaibigan, nagtutulungan?” Halos lumuha na ng dugo si Diane sa pakikiusap sa kaniyang mga kaibigan ngunit hindi sila natinag.

“Hindi ba at sa ’yo na rin nanggaling na sa negosyo, walang kaibi-kaibigan?” pagpapaalala naman sa kaniya ni Ella.

Doon ay natahimik si Diane. Hindi na alam ang kaniyang ikakatuwiran. Nang mga panahong iyon ay tinanggap na niya sa kaniyang sarili ang kaniyang pagkatalo. Alam ni Diane na wala siyang ibang dapat sisihin sa nangyari sa kaniyang buhay kundi ang sarili lamang niya. Kung hindi lamang sana siya naging gahaman ay baka kasama niya pa rin ang mga kaibigan ngayon at masayang nakikipagkuwentuhan sa mga ito.

Unti-unti siyang nakaranas ng hirap, tulad ng kaniyang kinatatakutang mangyari. Gusto nang sumuko ni Diane nang mga panahong iyon, ngunit muli siyang binalikan ng kaniyang mga kaibigang sina Ella, Yna at Vince.

Napag-alaman niyang gusto lamang pala siyang turuan ng mga ito ng leksyon upang bumalik ang dating Diane na kanilang nakilala. Sa huli ay hindi naman siya balak talikuran ng mga ito.

Advertisement

Laking tuwa ni Diane. Hindi dahil muling rarangya ang kaniyang buhay kundi dahil babalik na sa kaniyang piling ang kaniyang tunay na mga kayamanan. Nangako si Diane na hindi na muling uulitin pa ang kaniyang ginawa sa mga ito at tinupad nga niya iyon.