
Viral sa Social Media ang Isang Banyaga na Nagbebenta ng Samalamig sa Tabi ng Kalsada; Hahangaan N’yo Siya sa Dahilan Kung Bakit Siya Nagtitinda Nito
Viral ngayon sa iba’t ibang social media platform ang videos ng isang Japanese national na nagtitinda ng samalamig tuwing uwian sa tabi ng kalsada ng isang eskuwelahan. Napag-alaman ng lahat na ang pangalan niya pala ay Kenji.
Bukod kasi sa nagtataglay ng magandang pangangatawan, guwapong mukha at nakadadalang ngiti ang binata ay naantig din ang lahat sa kuwento kung bakit niya ginagawa ang pagtitinda ng samalamig tuwing pagkatapos niyang magklase bilang isang college student…
Isang grupo ng mga elementary students ang minsan palang nag-alok sa kaniya na bumili siya sa kanila ng tinda nilang samalamig upang kinabukasan daw ay magkaroon sila ng baon. Naantig ang puso ni Kenji sa tatlong bata nang mapag-alaman niyang hindi sila magkakapatid ngunit pare-parehong mga ulila na ngunit gusto pa rin nilang makapagtapos ng pag-aaral at ginagawa nga nila iyon sa pamamagitan ng pagtitinda ng samalamig sa hapon, tuwing uwian na nila sa eskuwela.
Wala na silang oras na gumawa pa ng kanilang assignment dahil buong maghapon silang nagtitinda ng samalamig at tuwing gabi naman ay uuwi sila sa kanilang tinutuluyang kubo upang doon sumilong. Walang kuryente ang nasabing kubo kaya naman talagang hindi na nila naaasikaso ang kanilang mga takdang aralin at doon na naisip ni Kenji na siya na lamang ang magtinda ng samalamig sa hapon upang sa mga oras na iyon ay makagawa sila ng mga dapat nilang gawin at asikasuhin.
Doon na nga nag-viral ang kuwento ni Kenji at ng tatlong bata at ngayon ay umaani na iyon ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga tao. Karamihan sa mga ito ay naaantig at natutuwa sa kanila, lalo na sa sakripisyong ginagawa ni Kenji para sa mga bata!
Maraming mga institusyon tuloy ang tila tinamaan at nasapul na ang isang banyaga pa ang nakagawang magbigay ng tulong sa mga batang ito imbes na sila. Dahil doon ay maraming nagpaabot sa kanila ng tulong bukod pa sa kabi-kabilang padala ng mga nagbibigay ng regalo mula sa mga taong natuwa lamang sa kanilang kuwento.
Nakatanggap ng scholarship mula sa kanilang lokal na pamahalaan ang tatlong bata. Nagkaroon din sila ng pangkabuhayan package na maaari nilang ipangdagdag sa kanilang maliit na tindahan at ang kubong kanilang tinutuluyan ay inayos at pinaganda na gamit ang pinagsama-samang tulong pinansyal na kanilang nalikom. Bukod doon, dahil pagmamay-ari rin ng pamahalaan ang lupang kinatitirikan niyon ay iginawad na rin iyon sa kanila.
Maraming kilalang tao ang nagbigay din ng suporta sa tatlong masisipag na bata. Sila ay nagpadala ng mga damit, sapatos, gamit sa eskuwela, laruan at kung anu-ano pang bagay na talaga namang kailangang-kailangan ng mga bata ngayon.
Samantala, pinarangalan naman ng alkalde sa kanilang lugar si Kenji bilang ang bayani sa buhay ng tatlong bata at galak na galak naman ito sa kanilang pagtanggap.
“Ano ang masasabi mo kay Kuya Kenji?” tanong ng isang reporter nang interview-hin nito ang isa sa mga bata tungkol sa kanilang “hero” na si Kuya Kenji.
“Ang masasabi ko lang po, salamat po kay Kuya Kenji dahil kung hindi dahil sa kaniya ay hindi po namin matutupad ang mga pangarap namin. Wala pong makakapansin sa amin kung hindi po niya kami tinulungan… mahal na mahal ka po namin, kuya at pangako po na pagbubutihin po namin ang pag-aaral upang magkaroon kami ng magandang buhay katulad po ng sinasabi mo sa amin.” Medyo nagkaroon pa ng pagpiyok sa boses ng bata habang nagsasalita ito dahil sa nag-uumapaw na damdaming nadarama nito na tila ba gusto nang umalpas sa kaniyang mga mata.
Maraming naantig sa sinabing iyon ng bata kaya naman lalo nilang hinangaan ang hapon na kahit siya ay banyaga, nagawa niyang tulungan sa abot ng kaniyang makakaya ang mga batang hindi naman niya kalahi.
Lumipas ang panahon at talagang pinagsikapan ng mga batang ito na magtapos ng pag-aaral nila nang hindi pinuputol ang kanilang komunikasyon sa kanilang Kuya Kenji kahit nang ito ay bumalik na sa sarili nitong bansa.
Ngayon ay magtatapos na ng kolehiyo ang tatlong batang noon ay ulila na nabigyang pansin ng madla sa tulong ng isang banyagang may mabuting puso. Siguradong hinding-hindi nila makakalimutan ang isa’t isa lumipas man ang mahabang panahon sa kanilang buhay. Magiging inspirasyon ang kanilang kuwento hanggang sa mga susunod na henerasyong makararanas din ng kanilang mga pinagdaanan.

Ginamit ng Babae ang Kaniyang mga Kaibigan Upang Matupad ang Kaniyang mga Mithiin; Karma ang Kaniyang Aabutin sa Kaniyang Pagkabuking!
