Nakikipag-away pa Siya Upang Ipagtanggol Noon ang Kaniyang Idolo Laban sa mga Bumabatikos Dito; Paano Kung Siya Mismo ang Makaranas ng Totoong Ugali Nito?

“Hindi totoong masama ang ugali ni Bernadette, ano!”

Napatingin ang kaniyang mga kaeskuwela kay Queeny nang malakas niyang isigaw ang mga katagang iyon. Ang totoo ay napadaan lamang siya nang madinig niyang pinag-uusapan ng dalawang kaeskuwela niyang babae ang issue ngayon ng iniidolo niyang singer na si Bernadette tungkol sa pagiging masama raw ng ugali nito!

Napangiwi naman ang dalawang kaeskuwela niya na tinapunan pa siya ng mga nang-uuyam na tingin. Sabay alis sa puwesto nila at iniwan siyang mag-isa’t nakatanga lamang doon.

Matagal nang iniidolo ni Queeny ang singer na ito simula pa lamang noong siya ay nasa high school pa hanggang ngayong siya ay magtatapos na ng kolehiyo. Iba’t ibang issue na tungkol sa mag-aawit ang lumabas at palaging nariyan ang super fan na si Queeny upang ito ay ipagtanggol.

Palagi na lamang siyang napapasabak sa away dahil sa pagtatanggol niya sa idolo ngunit para sa kaniya ay ayos lang iyon dahil masaya siyang protektahan ang pangalan nito.

Nang gabing iyon, habang nagba-browse si Queeny sa internet upang maging updated sa mga kaganapan sa buhay ni Bernadette ay bigla niyang nadaanan ang isang anunsyo na nagsasabing nangangailangan daw ngayon ng personal assistant si Bernadette dahil wala na ang dati nitong PA. Ito kasi ang dahilan kung bakit pumutok ang issue na masama raw ang ugali ni Bernadette.

“Mag-a-apply ako rito!” Sabik na napatalon pa si Queeny sa kaniyang kama dahil sa kaniyang plano. Noon pa naman niya binabalak na mag-working student kaya eksaktong-eksakto itong kaniyang gustong gawin.

Agad na inasikaso ni Queeny ang kaniyang mga requirements upang mabilis siyang matanggap bilang PA ni Bernadette. Inayos niya ang kaniyang hitsura nang araw na iyon dahil ngayon niya balak mag-apply upang hindi na siya maunahan pa ng iba.

Advertisement

Maraming aplikante ang inabutan ni Queeny sa tanggapan ng naturang job offer. Lahat sila ay iisa lang ang gustong pasukan at iyon ay ang maging personal assistant nga ng sikat na mang-aawit. Lalo pa ngang natuwa si Queeny dahil nalaman niyang si Bernadette mismo ang namimili ng magiging PA nito.

“Next applicant!” Nakadama ng mas matinding pagkasabik, kaba at saya si Queeny nang marinig na tinatawag na siya upang sumalang sa interview kay Bernadette. Pinapasok na siya sa isang kuwarto, kasama ito at halos mawalan siya ng malay nang makaharap niya mismo ang idolo!

“Hi, ano’ng pangalan mo?” seryosong bungad na tanong nito sa kaniya. Dahil sa sobrang aligaga ay utal-utal pang sumagot si Queeny.

Biglang sumimangot si Bernadette nang makitang hindi siya makapagsalita ng maayos.

“Gosh, simpleng tanong pa lang ’yan, nauutal ka na?” mataray na tanong nito sa kaniya. Nagulat naman si Queeny at lalo siyang hindi nakasagot.

“Lumayas ka na. Hindi ko kailangan ng personal assistant na boba at pautal-utal kung magsalita. Isa pa, parang wala kang fashion sense. Napakapangit ng damit mo! Wala ka man lang bang pambili ng mas disenteng damit kaysa riyan?” galit pang tanong nito na ikinapanlaki ng mata ni Queeny!

Ibang-iba ang Bernadette na nakikita niya ngayon kaysa sa mga napapanood niya sa telebisyon! Nakakatakot ito at animo siya kakainin nang buhay! Tama nga ang kumakalat na balita tungkol dito!

Dahil doon ay dali-daling tumayo si Queeny sa kaniyang upuan. Tumakbo siyang paalis sa opisina nito nang umiiyak. Hindi niya akalaing ang taong ipinagtatanggol niya sa iba sa loob ng maraming taon ay tatratuhin siya nang ganoon!

Advertisement

Iyak nang iyak si Queeny nang siya’y umuwi sa kanilang bahay. Dahil sa sobrang sama ng loob ay hindi niya naiwasang mag-post sa Facebook page na ginawa niya para sa fans ni Bernadette, tungkol sa kaniyang dinanas kanina!

Umani iyon ng napakaraming reaksyon. Marami ang nakisimpatya sa kaniya at naglabas din ng karanasan nila tungkol sa tunay na ugali ng kanilang idolo. Talaga ngang ibang-iba ang ugali nito sa personal kaysa sa telebisyon. Doon lamang napatunayan ni Queeny na hindi na lang pala ang pisikal na hitsura ng tao ngayon ang p’wedeng i-retoke kundi pati ugali.

Pinagsisisihan ni Queeny na nagpauto siya at naniwala sa kung ano ang ipinapakita ng media at ng internet. Ngayon ay sisiguraduhin na niyang mas pag-iigihin niya ang pagpili ng iidolohin at taong ipagtatanggol. Isang malaking leksyon ang idinulot sa kaniya ng masamang pagtrato sa kaniya ni Bernadette. Buti na lamang at nagising siya sa katotohanan!